PINANGUNAHAN ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pagdiriwang ng papel ng mga estudyanteng mamamahayag bilang paggunita sa World Press Freedom Day, Mayo 3. Idinaos ito sa pamamagitan ng talakayan sa University of the Philippines Diliman (UPD).
Pinamunuan din ng mga mamamahayag mula Mayday Multimedia at Altermidya ang usapan sa isang solidarity program. Sa kabilang banda, naglunsad ang iba’t ibang grupo ng midya ng isang kilos-protesta sa Boy Scout Circle, Quezon City.
Umikot ang programa sa temang, “Kampus mamamahayag, tanganan ang militanteng kasaysayan! Ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag at akademikong kalayaan! Makiisa sa laban para sa kabuhayan at kasarinlan!” Tinutukan nito ang kahalagahan ng akademikong kalayaan sa pahayagan para sa sektor ng mga manggagawa.
Pagtugon sa hamon ng implasyon
Kabilang sa mga balakid na kinahaharap ng mga manggagawa ang pagsabay sa pagtaas ng bilihin dahil sa kakulangan ng sahod, pambabarat sa mga produkto, at kakapusan sa mga polisiyang maaaring makatulong upang mapayabong ang kanilang hanapbuhay. Bunsod nito, tinutukan ng pamahalaan ang pagsusuri sa minimum wage rates sa buong bansa upang tugunan ang kanilang pangangailangan.
Ayon sa datos ng Philippine Rice Research Institute at Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang presyo ng well-milled rice mula Php47.41 noong 2023 hanggang Php56.42 nitong Marso 2024. Kaagapay nito, tinatayang umabot ang presyo ng regular-milled rice sa Php51.25 nitong Abril mula sa Php42.80 noong 2023.
Higit pa rito, patuloy na tumataas ang kabuuang implasyon para sa mga sambahayang kabilang sa Bottom 30% income bracket mula 4.6% nitong Marso at 5.2% nitong Abril. Tumaas din sa 8.5% nitong Abril mula sa 7.4% nitong Marso ang implasyon para sa pagkain. Pinapakita nito ang kalagayan ng mga mamamayan sa grupong ito na kadalasang mababa ang kita at limitado ang kapit sa pampublikong serbisyo. Nagbubunga ito sa kawalan ng sapat na pondo para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Hatid ng tuluyang pag-akyat ng presyo ang dagdag na bigat sa mga manggagawang humahantong sa pagbaba ng halaga ng kanilang sahod at mas matinding kahirapan. Kaya’t iginiit din sa talakayan ang kahalagahan ng paglikha ng mga unyon ng mga manggagawa upang matiyak ang kanilang representasyon at aktibong pakikilahok sa mga desisyon at aksyon ng pamahalaan upang maprotektahan ang kanilang mga karapatan at kapakanan.
Talim ng pluma
Sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day, kaagapay ng pagbibigay-pugay sa mga mamamahayag ang pagbibigay-liwanag sa mga hinaharap ng mga manggagawa sa bansa. Sa kasalukuyan, hindi lamang tagahatid ng balita at impormasyon ang mga estudyanteng mamamahayag bagkus nagsisilbing boses sa mga nangangailangan.
Sa bawat artikulo, ulat, at editoryal na inilalathala sa dyaryo, nabibigyang-diin ang kahalagahan ng malayang pamamahayag bilang haligi ng isang demokratikong lipunan. Sa kalagitnaan ng mga problemang hinaharap ng mga manggagawa, mas nalaladlad ang papel ng mga estudyanteng mamamahayag na magserbisyo sa bayan. Bagamat masidhing hamon ang maghain ng kaalaman, bilang mamamahayag, karapat-dapat maisiwalat ang katotohanan.