NILUSOB ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang sandatahan ng University of the East (UE) Red Warriors, 77-74, sa kanilang unang tagisan sa FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 28.
Nagningning para sa hanay ng Berde at Puti si Kevin Quiambao matapos magpamalas ng 24 na puntos, kabilang ang buzzer beater na tres na sumelyo sa panalo ng grupo. Nagdagdag din si Quiambao ng pitong rebound at limang assist. Sa kabilang banda, bumira ng 16 na puntos si Nico Mulingtapang habang 12 puntos naman ang nagmula kay Ethan Galang upang pangunahan ang koponan ng Red Warriors.
Naging mabagal ang takbo ng Green Archers sa unang sampung minuto ng sagupaan matapos makalamang ang Red Warriors buhat ng mga tira ni Precious Momowei, 2-6. Kaagad bumuwelta ang Taft mainstays matapos kumamada ng 10-2 run sa pangunguna ni Quiambao, 12-8. Gayunpaman, sinagot ito ng Recto-based squad ng sunod-sunod na puntos ni Momowei dahilan upang hindi na mapigilan ng DLSU ang pag-arangkada ng UE sa unang kwarter, 17-23.
Kaagad na pumuslit ang Taft-based squad ng mga nag-aalab na two-point shot bunsod ng presensya nina Quiambao at CJ Austria sa pagpasok ng ikalawang kwarter, 29-28. Ngunit, nanatili sa pulang hanay ang bentahe nang pumukol ng magkasunod na tres sina Galang at John Abate sa pagtatapos ng naturang yugto, 35-38.
Nagbago ang ihip ng hangin sa pagpasok ng ikatlong kwarter nang maitabla ng Green Archers ang laro sa pamamagitan ng sunod-sunod na puntos mula kay center Henry Agunanne, 48-all. Nagsagutan ng maiinit na tirada sina Jonnel Policarpio at Wello Lingolingo, ngunit nagtapos sa tablang talaan ang naturang bahagi ng sagupaan, 52-all.
Sa pagsisimula ng huling kwarter, ibang Red Warriors ang sumalubong sa hanay ng Green Archers matapos magpakawala ng mga hindi nagmimintis na tres sa pangunguna nina Galang at Mulingtapang upang agarang makamit ang kalamangan, 57-65. Sinubukang pigilan ni Policarpio ang momentum ng Red Warriors matapos magtala ng dalawang magkasunod na tira, 63-66. Pinilit tapusin ng Red Warriors ang bakbakan sa kanilang pabor, ngunit hindi nagpatinag si Quiambao at isinukbit pabalik sa DLSU ang kalamangan sa bisa ng 13-0 run sa nalalabing minuto upang tuluyang angkinin ang panalo, 77-74.
Bunsod ng naturang tagumpay, aangat sa 3-1 ang panalo-talo kartada ng Green Archers. Samantala, susubukang pilasin ng Taft-based squad ang pakpak ng Ateneo De Manila University Blue Eagles sa darating na Linggo, Hunyo 2, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 77 – Quiambao 24, Policarpio 18, Agunanne 14, Cortez 6, Austria 5, Ramiro 5, Macalalag 4, Dungo 1.
UE 74 – Mulingtapang 16, Galang 12, Momowei 10, Lingolingo 10, Spandonis 9, Abate 8, Maga 5, Robles 2, Cruz-Dumont 2.
Quarter Scores: 17-23, 35-38, 52-52, 77-74.