IPINIIT ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 80-72, sa kanilang unang paghaharap sa FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 22.
Ibinandera ni Player of the Game Jonnel Policarpio ang Berde at Puting koponan matapos magtala ng 22 puntos, anim na rebound, at dalawang assist. Umalalay rin si big man Henry Agunanne bitbit ang 16 na puntos, anim na rebound, limang assist, at tatlong steal. Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni John Arthur Calisay ang kampanya ng Soaring Falcons matapos umukit ng 16 na puntos, isang rebound, at isang assist.
Naging mailap ang opensa ng Green Archers sa unang dalawang minuto ng yugto na nagpaarangkada sa San Marcelino-based squad, 6-9. Umeksena naman ng pihadong drive si Earl Abadam upang idikit ang talaan, 10-11. Nagbitiw rin ng magkasunod na tirada si Policarpio upang itabla ang sagupaan sa huling minuto ng unang kwarter, 17-all. Gayunpaman, humirit si Soaring Falcon Royce Mantua ng crucial three-point shot upang wakasan ang naturang kwarter, 21-22.
Maliksing binuksan ni Agunanne ang ikalawang kwarter matapos magpakawala ng nagbabagang slam, 27-29. Sa kabila ng kalamangan ng AdU, nagpasiklab ang Berde at Puting pangkat matapos magtala ng umaatikabong 8-0 run sa bisa nina Policarpio at Kevin Quiambao, 40-32. Sinundan pa ito ng pag-araro ni point guard Jcee Macalalag sa loob upang tuluyang makaabante ang Green Archers, 45-39. Bunsod ng momentum, pumabor ang naturang yugto sa luntiang hanay matapos yanigin ang depensa ng mga taga-San Marcelino, 45-42.
Sariwa mula half time, kaagad na gumawa ng ingay si Abadam matapos umarangkada sa labas ng arko, 48-42. Sumagot naman ng magkasunod na nag-aalab na tres si Calisay upang itabla ang talaan, 55-all. Humirit din si DLSU center Agunanne ng puntos kaakibat ang isang foul, 64-61. Sa kabila ng palitan ng mga tirada, nagwakas ang naturang kwarter sa tablang talaan, 66-all.
Sa pagpatak ng huling yugto, umalagwa ng isang nakagigimbal na dunk si Agunanne, 72-66. Nagawa ring pumuslit ni Macalalag ng puntos mula sa free-throw line upang panatilihin ang kalamangan ng Green Archers, 78-72. Sinubukan pang pumorma ng Soaring Falcons sa nalalabing isang minuto ng sagupaan, ngunit tuluyan na itong tinuldukan ng Taft-based squad sa bisa ng reverse layup ni Policarpio, 80-72.
Bunsod ng tagumpay, bitbit ng Green Archers ang 2-1 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod namang makahaharap ng Taft mainstays ang University of the East Red Warriors sa darating na Martes, Mayo 28, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 80 – Policarpio 22, Agunanne 16, Abadam 11, Quiambao 11, R. Cortez 9, Macalalag 4, Marasigan 4, Austria 3, Zamora 0, Alian 0, Dungo 0, Gaspay 0, Romero 0.
AdU 72 – Calisay 16, Manzano 13, Anabo 12, Fransman 8, Mantua 7, Ramos 4, Torres 4, Mudianga 4, Alexander 4, Sicat 0, Dignadice 0, Edding 0, A. Ronzone 0.
Quarter Scores: 21-22, 45-42, 66-66, 80-72.