Green Archers, inungusan ang Growling Tigers sa FilOil

Kuha ni Andrea Abas

NAISAHAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 68-61, upang iukit ang kanilang unang panalo sa pag-arangkada ng FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 17.

Pinangunahan ni Player of the Game Kevin Quiambao ang kampanya ng luntiang koponan matapos pumukol ng 13 puntos, walong rebound, at apat na assist. Umagapay rin si center Henry Agunnane tangan ang double-double na 12 puntos at 16 na rebound kaakibat ang limang block at isang assist. Sa kabilang banda, pinasan ni UST best scorer Nic Cabañero ang dilaw na koponan tangan ang 14 na puntos, pitong rebound, tatlong steal, at dalawang assist. 

Nagliyab kaagad ang mga kamay ni Quiambao matapos kumamada ng magkasunod na tres upang simulan ang unang yugto, 6-1. Nakabuo naman ng momentum ang España-based squad matapos ang isang matagumpay na free throw ni Forthsky Padrigao na sinundan pa ng steal para sa matagumpay na layup, 10-6. Hindi naman ito pinayagan ni Quiambao nang ipukol ang ikatlong tres na sinundan pa ng driving layup ni CJ Austria, 22-13. Samakatuwid, nagtapos ang unang kwarter sa kamay ng Berde at Puting koponan, 23-16. 

Nagpalitan ng tirada sina UST point guard Christian Manaytay at DLSU power forward Jonnel Policarpio sa unang 40 segundo ng ikalawang yugto, 25-18. Sinamantala ng España mainstays ang mga palyadong tirada ng Taft-based squad upang unti-unting idikit ang talaan sa bisa ng pagniningas ni Cabañero sa labas ng arko, 33-all. Gayunpaman, hindi ito pinayagan ng scoring trio na sina Agunnane, Quiambao, at Policarpio at muling ibinalik ang kalamangan sa Berde at Puting pangkat sa pagtatapos ng first half, 41-35.

Matagumpay na ipinamalas ng mga tigre ang talim ng kanilang mga pangil sa unang limang minuto ng ikatlong kwarter matapos magpundar ng 11-2 run at sulutin ang kalamangan kaakibat ng umaalab na tres ni Padrigao, 43-47. Sa kabila ng pagmintis ng mga tirada, nabuhayan ang loob ng Taft mainstays pagdako ng 2:49 na marka nang muling itabla ang talaan sa bisa ng dunk ni Agunnane at driving layup ni point guard Jcee Macalalag, 47-all. Gayunpaman, napasakamay pa rin ng dilaw na koponan ang kalamangan sa pagtatapos ng ikatlong yugto gamit ang pag-angil ni Angelo Crisostomo sa free-throw line, 47-50.

Nanatili ang kumpiyansa ng luntiang koponan pagdako ng huling yugto matapos magpasiklab nina Macalalag at Policarpio sa labas ng arko, 53-50. Tangan ang hangaring sikwatin ang unang panalo, lumikom ang mga manunudla ng 11-0 run kaakibat ng mga tirada nina Quiambao, shooting guard Vhoris Marasigan, at small forward Austria, 68-57. Sinubukan pang kumuha ng momentum ng mga tigre gamit ang offensive rebound at layup ni center Mohamed Tounkara, ngunit tuluyan nang iwinagayway ang Berde at Puting watawat buhat ng ball possession sa huling 20.8 segundo, 68-61.

Buhat ng panalong ito, umangat sa 1-1 ang panalo-talo baraha ng DLSU. Samantala, susunod na kahaharapin ng Green Archers ang langkay ng Adamson Soaring Falcons sa darating na Miyerkules, Mayo 22, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong lunan. 

MGA ISKOR:

DLSU 68 – Quiambao 13, Policarpio 12, Agunanne 12, Austria 9, Marasigan 8, Macalalag 6, Cortez 4, Abadam 2, Dungo 2, Romero 0, Rubico 0, Alian 0

UST 61 – Cabañero 14, Danting 9, Padrigao 9, Tounkara 8, Manaytay 7, Crisostomo 6, Estacio 2, Paranada 2, Andrews 2, Robinson 2, Moore 0, Pangilinan 0.

Quarter Scores: 23-16, 41-35, 47-50, 68-61.