“May singil ang pangarap, maniningil ang pangarap.” Hindi lamang salapi ang hinihingi ng merkado ng mga mithiin. Kailangang isangla ng bawat isa ang panahon at kaluluwa; pagtibayin ang prinsipyo’t paninindigan—isang mahabang negosasyon upang patunayang karapat-dapat.
Hango sa pelikulang Bar Boys ni Kip Oebanda, ibinida sa teatro ang buhay ng magkakaibigang sina Erik, Chris, Torran, at Josh. Sa panulat at direksyon ni Pat Valera, katuwang si Mikko Angeles, at musika ni Myke Salomon, inihandog ng Barefoot Theatre Collaborative ang adaptasyong “Bar Boys: A New Musical”. Kasalukuyang itinatanghal sa Power Mac Center Spotlight ang natatanging obra hanggang Mayo 19.
Tinalakay sa dula ang mabalakid na pag-alpas para sa pangarap. Gayundin ang pagtuklas sa sarili, pagkadapa at paglaban sa mga hamon, at pag-alpas tungo sa inaasam na tagumpay. Naniningil ang pangarap sa pagitan ng mga memoryadong artikulo’t libro, pagkautal sa pagsagot sa propesor, at marami pang iba. Waring hindi mabilang ang pagsubok sa bawat hakbang ng mga paa sa daang tinatahak.
Pananalig at pagpapasya
Mula sa pagsusumite ng aplikasyon sa pag-aaral ng abogasya hanggang sa pagiging abogado, nasa kamay ng taong nangangarap ang pananalig at pagpapasya. Maraming desisyon ang kailangang matapang na pagpilian. Natunghayan ng manonood ang iba’t ibang danas ng mga bida sa kani-kanilang mga tinataluntong daan. Nagsilbing-gabay sa kanilang bawat hakbang ang pananalig sa Diyos, katotohanan, hustisya, kapwa, at sarili.
Sa karakter ni Torran, na ginampanan ni Jerom Canlas, kaniyang binagtas ang pagkilala sa sarili at pagpapakatotoo sa pamilya. Napagdesisyunan niya sa huling palayain ang sarili mula sa bagabag ng inaasahang hindi pagtanggap sa kaniya ng ina dahil sa kaniyang sekswalidad. Hindi na alintana ang mga agam-agam, mala-bahagharing kurba ng ngiti ang nabakas sa kaniyang mukha nang yakapin at tanggapin nang buo ng magulang.
Sinalamin din ng musikal ang landas na maaaring tahakin ng ibang estudyante sakaling mapagtantong hindi abogasya ang nakatakdang landas para sa kanila. Tinalakay ito sa pamamagitan ng karakter ni Josh, na binigyang-buhay ni Omar Uddin. Naging matapang siya sa desisyong manirahan sa Siargao at hindi na ituloy ang pag-aaral matapos ang isang malalang breakdown. Pinili niyang unahin ang kaniyang kalusugang pangkaisipan—bagay na hindi rin dapat ipagsawalang-bahala. Binagtas man ang mas mapayapang buhay, nanatili pa rin sa kaniya ang adbokasiya para sa kalikasan.
Ginampanan naman ni Alex Diaz ang tauhang si Chris at binigyang-liwanag ang lumamlam na pag-asa ng kabataang baguhin ang sistema. Nasaksihan niya ang baluktot na pagmamanipula ng kapangyarihan at pera upang igapos ang hustisya. Dahil dito, nangarap siyang magkaroon ng mas patas na sistema. Sa paninindigang hindi maging katulad ng kaniyang ama, pinili niyang panigan ang masang malimit gipitin ng hustisya.
Mahal ang mangarap. Hindi lamang kalusugan at katalinuhan ang puhunan upang maging mabuting abogado. Binigyang-diin ng musikal sa karakter ni Erik, na ginampanan ni Benedix Ramos, ang pagiging hadlang ng kahirapan sa pag-abot ng pangarap. Isa sa mga madamdaming tagpo ang eksena ni Erik at Justice Hernandez, na ginampanan ni Shiela Francisco. Makikita rito ang pagninilay ng binatang hindi na muling sumubok sa bar exam at bitawan ang mithiing maging abogado. Sa dulo, sumugal siyang muli para sa kaniyang pangarap, lalo’t para sa kaniyang ama at mga taong kailangang ipaglaban.
Iba-iba ang paraan sa pagkamit ng pangarap. Sa kabila ng presyong sakripisyo at nakaambang interes nito, handang suungin ng nangangarap ang lahat ng balakid. Kasama ang pinagtibay na loob at suporta, maaaninag ang kinabukasang inaasam.
Mga buhay na nakataya
Sa kabila ng marubdob na pakikipagsapalaran sa pag-aaral ng abogasya, mayroong mga pinanghahawakan ang mga nagsisikap maging tagapagtanggol ng batas. Buhay, kalayaan, at pag-asa ang nakataya sa bawat kasong kanilang ilalaban balang araw. Mananaig lamang ang tama sa pagkakataong maipababatid ito nang maigi sa pakikipagbuno gamit ang mga salita.
Ani Justice Hernandez, “Ang sakripisyo mo ay ‘di lang para sa ‘yo. Ang sakripisyo mo ay para sa isang tunay na tao.” Higit sa pagiging tagapagtanggol ng batas, ipinaglalaban nila ang ginhawa, karapatan, at buhay ng tao. Kaya naman, higit din ito sa kanilang pansariling tagumpay. Hindi abogado ang nagwawagi sa bawat kasong maipapanalo, bagkus mga mamamayang pilit tinatalo ng kapangyarihan, pera, at bulok na sistema. Panday nila ang kanilang dunong at danas sa pagtindig para sa mga ginigipit at pinagkakaitan ng hustisya.
Merkado ng pangarap
Bawal tumawad sa merkado ng mga pangarap. Iba’t iba ang hinihinging sakripisyo para sa sinomang may nais makamit. May mga madedehado sa kawalan ng pribilehiyo at maghihikahos sa salapi o kumpiyansa sa sarili. Bagamat maaaring mabigat ang pasan-pasang sakit, takot, at poot, malawak pa ang mundong kikilalanin ng mga matang kumikislap.
Sa kabila ng aandap-andap na pag-asa, magkakapit-bisig ang mga nangangarap. Sabay-sabay na titindig para sa tama—patutunayang karapat-dapat sa piniling propesyon; may iisang layon para sa mas mabuting nasyon.