IMINAMANDATONG magsagawa ang Legislative Assembly (LA) ng pampublikong pagdinig bawat termino alinsunod sa ipinasang batas sa ikawalong regular na sesyon, Mayo 8. Layunin nitong patatagin ang ugnayan sa pagitan ng Pamantasan at mga estudyante.
Pinagtibay rin ang pagbibitiw ni dating EDGE2023 Batch Vice President (BVP) Keira Go at ang pagtatalaga kina Kurt Villasoto bilang kahalili at Maurel Guyamin bilang bagong 78th ENG batch legislator.
Pagdinig sa estudyanteng Lasalyano
Pinangunahan ni Reneese Aquino, BLAZE2025, ang ikatlong pagbasa ng resolusyon ukol sa mandatoryong pagtawag ng LA ng isa o higit pang pampublikong pagdinig bawat termino. Idaragdag ito sa bagong bersyon ng University Student Government (USG) Rules of the Legislative Assembly.
Matatandaang ipinagkaloob sa lupon ang eksklusibong kapangyarihang magpatawag ng mga pampublikong pagdinig sa Legislative Procedures Act of 2023, subalit hindi anila ito lubusang nagagamit.
Inaatasan sa resolusyon ang lahat ng lehislador na dumalo sa programa upang talakayin ang mga plano at estado ng mga panukala ng LA. Iimbitahin din ang administrasyon ng Pamantasan, Student Media Office, mga estudyanteng Lasalyano, at mga dalubhasa sa paksang tatalakayin. Maaari namang makilahok ang mga estudyante sa question and answer portion at open forum nito.
Kinakailangang pagbotohan ng lupon ang hindi pagdaraos ng pampublikong pagdinig sa isang termino dulot ng anomang rason. Kaugnay nito, magpapatupad na lamang ang LA ng alternatibong aktibidad sakaling maisapinal ang pasya.
Isinabatas ang panukala sa botong 17 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagpapasa ng tungkulin
Inilatag ni Una Cruz, EDGE2023, ang panukalang pagbibitiw ni Go bilang BVP ng EDGE2023. Ipinahayag ni Go na naging mahirap na desisyong lumisan sa USG upang piliin ang kaniyang pag-aaral at personal na obligasyon. Aniya, “I want to show that I am sincere during my term. . . However, I underestimated the time needed to devote to the student government.”
Binusisi naman ni Billy Chan, EDGE2022, ang matagal na proseso ng paglisan ni Go sa kaniyang posisyon. Ipinabatid ni Go na pinahaba ito ng kaniyang kabiguang maisaayos ang mga ipadadalang papeles at pagkaantala ng mga tugon mula sa mga nakatataas na opisyal.
Isinapormal ang pagbibitiw ni Go sa botong 18-0-0.
Pinasadahan din ang pagtatalaga kay Villasoto bilang kahalili ni Go. Itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) ng EDGE2023 Office of the BVP si Villasoto matapos ang kanilang pagpupulong nina College Government of Education President Miggy Agcolicol, EDGE2023 Batch President Sami Mirandilla, Go, at Cruz nitong Enero.
Kinuwestiyon naman ni Sai Kabiling, dating acting chief legislator, ang kawalang-kakayahan ni Go na tuparin ang kaniyang mga tungkulin at ang pangangailangang magtalaga ng OIC bago isapormal ang kaniyang pagbibitiw. Depensa ni Cruz, “We were really needing Kurt at that time. . . Kei [Go] didn’t want to continue with the position anymore because ang sabi nga po niya, hindi na niya po kayang ipag-balance ‘yung personal and ‘yung work.”
Isinalaysay ni Cruz na si Villasoto ang humalili para sa mga naiwang responsibilidad ni Go, kagaya ng paggawa ng mga activity document at pagkuha sa Treasurer’s Exam. Isinaayos din ni Villasoto ang panloob na sistema ng EDGE2023 bilang BVP OIC gamit ang paggawa ng mga centralized sheet at pagbibigay-linaw sa gampanin ng bawat komite.
Kinilatis naman ni Earl Guevara, CATCH2T25, ang mga plano ni Villasoto sakaling mailuklok sa naturang posisyon. Kabilang sa kaniyang mga nakaambang proyekto ang pagbebenta ng opisyal na lanyard ng Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED) upang palakasin ang representasyon ng kolehiyo. Isa rin si Villasoto sa mga mangunguna sa pagpaplano para isulong ang accessible education program ng EDGE2023.
Nailuklok sa posisyon si Villasoto sa botong 18-0-0.
Bagong mukha ng 78th ENG
Itinaguyod ni Ian Cayabyab, 77th ENG, ang pagtatalaga kay Guyamin, dating Chief Operating Officer ng 78th ENG, bilang batch legislator. Wika ni Guyamin, “As the current chief of operations, I know the ins and outs of the 78th [ENG] batch government.”
Siniyasat naman ni Huey Marudo, FAST2023, ang kaalaman ni Guyamin hinggil sa mga tungkulin ng isang lehislador. Inamin ni Guyamin na pamilyar lamang siya sa mga nakasaad sa Rules of Internal Governance ukol sa posisyon, subalit handa siyang matutuhan ang lahat ng gampanin nito.
Binigyang-tuon naman ni Kabiling ang pagpapasa ni Heaven Dayao, dating 78th ENG, kay Guyamin ng kaniyang mga nasimulang resolusyon. Ipinaliwanag ni Guyamin na bukas siyang ipagpatuloy ang mga ito, ngunit kinakailangan muna niyang makipag-ugnayan kay Dayao at suriin ang mga naturang panukala. Ibinalita rin niyang maglulunsad ng isang likas-kayang proyekto ang 78th ENG sa kaniyang termino.
Naihalal sa puwesto si Guyamin sa botong 116 for, 0 against, at 1 abstain.
Huling termino ng LA
Inilahad ni Marudo, chairperson ng komiteng National Affairs (NatAff), na isasapinal na nila ang nilalaman ng resolusyon para sa NatAff at Gender Sensitivity Training kasama ang Lasallian Center for Inclusion, Diversity and Well-being. Kokonsulta rin sila sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) para sa Corazon Aquino Democratic Space Bill.
Nagsimula na ring mangalap ng datos ang komiteng Students’ Rights and Welfare (STRAW) para sa pag-amyenda sa Safe Spaces Act, ayon kay STRAW Vice Chairperson Irish Garcia. Inabisuhan din nila ang mga may-akda ng 15 Minute Grace Period sa Br. Andrew Gonzalez Hall Bill na sumangguni sa Student Discipline Formation Office at makipag-ugnayan sa SLIFE bago ipakalat ang mga form na gagamitin sa resolusyon sa susunod na linggo.
Ipinagbigay-alam naman ni Wakee Sevilla, chairperson ng komiteng Rules and Policies, na kanilang tututukan ang pag-amyenda sa Council of University Representatives Manual para sa kasalukuyang termino. Magsasagawa rin sila ng mga konsultasyon para sa pagtatatag ng College Legislative Vault at rerepasuhin ang mga iniwang rebisyon ni dating Chief Legislator Bhianca Cruz sa mga panuntunan ng LA.
Samantala, nakipagpulong na ang minority floor kasama ang Office of the Vice President for External Affairs para sa Committee on Student Opportunities Bill. Susuriin din nila ang Disaster Risk Reduction Management Bill para sa nalalabing linggo ng akademikong taon.