BUMIGAY ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa kagat ng defending champions National University (NU) Bulldogs, 23-25, 25-22, 22-25, 21-25, sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa Final Four round ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Mayo 8.
Kuminang para sa Green Spikers si Team Captain JM Ronquillo matapos umukit ng 27 puntos mula sa 23 atake, tatlong block, at isang service ace. Umagapay rin si outside hitter Vince Maglinao nang pumundar ng 17 puntos mula sa 15 atake at dalawang service ace. Sa kabilang dako, bumidang muli para sa Bulldogs si open hitter Buds Buddin matapos makabuno ng 23 puntos mula sa 19 na atake, dalawang block, at dalawang service ace.
Walang pag-aatubiling sinimulan ni Ronquillo ang unang set gamit ang maaanghang na palo mula sa kaliwa, 4-1. Sumuporta rin si Maglinao matapos tumudla ng off-the-block hit upang mapanatili ang kalamangan sa hanay ng luntiang koponan, 6-3. Gayunpaman, hindi nagpaawat si Buddin matapos umarangkada ng dalawang service ace upang maipatupad ang 5-0 run ng NU, 7-8. Sinikap pang habulin ng Green Spikers ang marka, ngunit tuluyan nang inangkin ng Jhocson-based squad ang yugto sa bisa ng isang alegrong power tip ni middle blocker Choi Diao, 23-25.
Maagang umarangkada ang Green Spikers sa panimula ng ikalawang set sa bisa ng off-the-block hit ni Kapitan Ronquillo, 4-1. Pumalag naman ang Bulldogs nang magtala ng service ace si opposite hitter Leo Aringo, 11-12. Gayunpaman, agad na nakahanap ng sagot ang Taft-based squad matapos tuldukan ni Maglinao ang long rally gamit ang off-the-block hit, 20-18. Humirit pa ng dump si DLSU playmaker Eco Adajar upang palaguin ang bentahe, 22-19. Samakatuwid, napasakamay ng Taft mainstays ang naturang set bunsod ng error ng NU, 25-22.
Naging mainit ang bakbakan ng dalawang koponan pagtungtong ng ikatlong set matapos magpalitan ng nagbabagang atake, 15-all. Umigting naman ang depensa sa net ng Green Spikers sa tulong ni middle blocker Billie Anima na sinundan ng service ace ni Maglinao upang maibuwelta ang kalamangan, 17-15. Sa kabilang banda, rumatsada si NU rookie Jade Disquitado matapos linlangin ang depensa ng Green Spikers sa bisa ng drop, 17-18. Sinubukan pang pigilan ng Taft mainstays ang pagbulusok ng Bulldogs, ngunit tuluyan nang nakamit ng defending champions ang ikatlong set bunsod ng attack error ni Maglinao, 22-25.
Nakabuo ng bahagyang momentum ang Berde at Puting pangkat pagdako ng ikaapat na yugto matapos puntiryahin ni Ronquillo ang zone 6, 8-7. Humigpit ang naging kapit ng magkabilang koponan nang magpalitan ng tirada sina NU opposite hitter Aringo at Ronquillo, 12-all. Gayunpaman, unti-unting nakaabante ang Jhocson-based squad sa bisa ng mga atake ni outside hitter Buddin mula sa likod, 18-21. Nagpakawala rin si Disquitado ng umaatikabong tirada upang tuluyang angkinin ang puwesto sa pinal na yugto ng paligsahan, 21-25.
Bunsod ng pagkatalo, winakasan ng Green Spikers ang kanilang kampanya sa naturang torneo bitbit ang tansong medalya at 11-5 panalo-talo kartada.