BINAGTAS ng mga manggagawang Pilipino mula sa iba’t ibang sektor ang maiinit na kalsada sa Maynila upang ihayag ang kanilang mga hinaing at panawagan bilang paggunita sa Araw ng Paggawa, Mayo 1. Naging saksi ang España Boulevard sa panimulang bahagi ng kilos-protesta nang magsilbi itong tagpuan ng mga grupong nakiisa sa malawakang pangangalampag.
Sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno, itinampok ang samu’t saring adbokasiyang naglalayong pagbutihin ang pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino. Higit na nangibabaw sa kanilang isinusulong na aksyon ang pagdaragdag ng Php150 sa kasalukuyang minimum wage sa bansa at kalaunang pagkamit sa nakabubuhay na sahod—hindi lamang ang kakarampot na kitang halos hindi sasapat para sa kanilang mga pangangailangan.
Hindi naging madali ang makabuluhang paglalakbay ng mga nagsikilos-protesta dulot ng pagpigil ng mga awtoridad ng Maynila. Unang naging balakid ang barikadang humarang sa kahabaan ng Recto Avenue na naging hudyat ng pagbabago sa daloy ng programa.
Sukdulang naging marahas ang mga eksena sa kilos-protesta nang magkasalpukan ang mga puwersa sa Roxas Boulevard habang tumutungo ang mga progresibong grupo patungong US Embassy. Nagkagirian at inaresto ang mahigit anim na indibidwal na pilit na nagpumiglas laban sa barikada—kasabay ng pagbomba ng tubig sa naghihiyawang masa. Masalimuot man ang mga naging pangyayari, nagsilbing patunay sa kapangyarihan ng masang Pilipino ang matagumpay na paglulunsad ng programa.
Kaniya-kaniyang kalbaryo
Sa pagsuong sa malawakang protesta, nababakas ang nagkakaisang pagnanais sa mas makataong kalidad ng buhay ng bawat sektor. Gayunpaman, mahirap na isantabi lamang ang kaniya-kaniyang hinaing dulot na rin ng iba’t ibang danas sa buhay.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Jovielyn Unlayao, kaanib ng Small Enterprises for Livelihood and Development Advocacy, binigyang-atensyon niya ang hinaing ng maliliit na manininda mula San Jose Del Monte, Bulacan.
“Since we consider ourselves as laborers and workers under the labor sector, ang sigaw namin sana isulong ‘yung dagdag sahod na Php150 pataas. Kasi for them as vendors, kapag tumaas ‘yung sahod ng mga manggagawa, maraming suki ang bibili sa mga paninda nila,” pagbibigay-linaw ni Unlayao sa magandang epekto ng pagtataas ng sahod sa kanilang sektor.
Lumang tugtugin na rin ang panaghoy kontra sa mapaniil na himig ng kontraktwalisayong umiiral sa sistema ng lakas-paggawa sa Pilipinas. Karaniwang idinadaing ang mapagsamantalang kagawian sa malalaking pribadong kompanya ngunit talamak din ito sa mga pampublikong institusyon gaya ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Inilahad ni Shan Pilar, isang kontraktwal na empleyado ng naturang institusyon, ang agam-agam na kanilang kinahaharap. Pagbabahagi niya sa APP, “Marami sa amin magte-ten years na sa UP wala pa ring regularisyasyong nagaganap.”
Naging pagkakataon rin ang kilos-protesta upang ipagpatuloy ng mga tsuper ang kanilang laban sa PUV Modernization Program ng pamahalaan. Bagamat lagpas na sa itinakdang huling palugit para sa konsolidasyon ng mga prangkisa nitong Abril 30, hindi natinag ang mga grupong Manibela at Piston na umarangkada kasama ang mga kapwa nila manggagawa.
Samu’t saring panawagan at pagdaing ang ibinalandra sa kahabaan ng Maynila patunay na hindi binibigyang-priyoridad ng pamahalaan ang kalunos-lunos na kalbaryong kinahaharap ng mamamayan. Mula sa labanang nagaganap hinggil sa charter change hanggang sa kontrobersyal na alitan sa ehekutibo, lalong pinaiigting ng indiperensyang tinatamasa ng mga manggagawa ang nag-aalab na hinanakit sa gobyernong walang pakialam sa masa.
Sa paggunaw ng hungkag na “pagkakaisa” ng mga naghahari-harian, nagsisilbi itong dagitab ng tunay na pagbubuklod sa mga kapos at maralita. Hindi nakukubli sa iisang petsa ang pangangalampag at paglaban sa kawalang-hustisya, bagkus paalala lamang ang Mayo Uno sa kapangyarihan ng mas nakararaming ordinaryong Pilipino—hindi lamang ng iilan. Tunay na malakas ang uring manggagawa bilang isang kolektibong hukbong pumipiglas tungo sa mas mapagpalayang lipunan.