IWINAGAYWAY ng De La Salle University Lady Archers at Green Archers ang Berde at Puting watawat matapos makaukit ng tigdalawang panalo sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Collegiate 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay Activity Center, Mayo 2.
Nanguna para sa Lady Archers si Ann Mendoza matapos tumikada ng kabuuang 13 puntos. Nagpasiklab naman ng 20 puntos para sa Green Archers si CJ Austria matapos ang dalawang laro.
Agad na sinalasa ng Lady Archers ang torneo matapos yanigin ang University of the East (UE) Lady Warriors sa bisa ng nag-aalab na opensa, 19-11. Nagpatuloy naman ang kanilang momentum kontra National University (NU) Lady Bulldogs dulot ng game-winning layup ni Mendoza, 16-15.
Sa kabilang banda, nairaos ng defending champions Green Archers ang bakbakan kontra NU Bulldogs kaakibat ng dalawang magkasunod na layup ni Jonnel Policarpio sa overtime, 19-17. Samantala, pumailanglang din ang Taft-based trio kontra UE Red Warriors matapos magpakawala ni Policarpio ng tatlong magkakasunod na tirada sa loob ng arko, 21-15.
Bunga ng mga panalong ito, nagawang tudlain ng Lady Archers ang ikalawang puwesto hawak ang pinagsamang 35 puntos. Gayundin, pumorma sa ikalawang puwesto ang Green Archers bitbit ang kabuuang 40 puntos.
Saksihan ang susunod na pag-atake ng Taft mainstays sa ikalawang araw ng naturang torneo bukas, Mayo 3, sa parehong lunan. Makahaharap ng Lady Archers ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa ganap na ika-2:40 ng hapon at ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses sa ganap na ika-4:20 ng hapon. Samantala, makatutunggali ng Green Archers ang UST Growling Tigers sa ganap na ika-3:00 ng hapon at University of the Philippines Fighting Maroons sa ganap na ika-5:40 ng hapon.