IPATUTUPAD ang full asynchronous na klase sa mga piling kurso sa Pamantasang De La Salle simula sa ikatlong termino ng akademikong taon 2023-2024. Inilunsad ang enrollment sa mga naturang kurso mula Abril 22 hanggang 26.
Ipinahayag ni Dr. Robert Roleda, Provost, na layunin ng naturang modang hubugin ang kasanayan sa independent learning ng mga estudyanteng Lasalyano at bigyan sila ng pagkakataong makapag-aral sa sarili nilang pamamaraan at oras.
Malayang pag-aaral tungo sa bagong kasanayan
Ibinahagi ni Dr. Roleda na isang hakbang ang pagpapatupad ng full asynchronous classes upang palakasin ang kakayahan ng mga estudyanteng maging indepenyente sa kanilang pag-aaral. Bagamat limitado ang interaksyon sa naturang moda, sisiguraduhin anilang magiging episyente ito sa mga estudyante at guro.
“Ang [mga] estudyanteng kukuha [nito] kailangang mag-isip-isip nang mabuti kung gusto ba nila, [dahil] hindi naman free-ride ang asynchronous, malamang mas mahirap ito [dahil] sariling kayod,” paglalahad ni Dr. Roleda.
Batay sa kaniya, hango ito sa sistemang ginagamit sa Coursera, isang online course provider na itinatag sa Estados Unidos. Datapwat, mananatili namang plataporma ng palitan ng mga modyul at aralin ang Canvas at Animospace.
Paglilinaw ni Dr. Roleda, “Para itong Coursera, kumpleto na ang materials online, bahala ka kung kailan ka [magsisimula] at pwede kang magtanong sa mga tutors.”
Hakbang sa epektibong pagkatuto
Magtatatag ng professional learning community ang Pamantasan upang suportahan ang mga gurong sasalang sa bagong moda. Layunin nitong siyasatin ang tagumpay at kahinaan ng full asynchronous classes at magmungkahi ng mas epektibong aksyon para sa ikabubuti nito.
“Sama-sama silang magdiskusyon kung ano [ang mga] nangyari sa klase nila, ano ang hindi umubra, at ano ang gumagana; para malaman natin kung paano talaga iyong pag-operate ng isang asynchronous class na matututo talaga ang estudyante,” punto ni Dr. Roleda.
Magsasagawa rin sila ng malawakang ebalwasyon upang suriin ang pagiging epektibo ng naturang moda sa pagbibigay ng kaalaman sa mga estudyante. Magtatatag din ng capacity building training para sa mga gurong nais magkaroon ng asynchronous classes sa mga susunod na termino.
Balanseng sistema, wastong serbisyo
Tinugunan din ni Dr. Roleda ang pagkadismaya ng ilang mga mag-aaral sa naganap na enlistment ngayong termino ukol sa kakulangan ng slots sa mga piling General Education (GE) courses.
Aniya, “Posibleng yung isang GE subject ay ubos na pero mayroong GE subject na available. Ang gusto kasi natin mangyari iyong bilang ng bawat GE courses ay pare-pareho, dahil lahat naman ng estudyante ay kumukuha niyan.”
Kasalukuyang inaaral ng Enrollment Council ang mga posibleng hakbang upang mabigyan ang pamayanang Lasalyano ng wastong serbisyo at balansehin ang bilang ng mga seksyon sa bawat GE subjects at iba pang kursong inaalok ngayong termino.
Dagdag pa niya, maaaring magbukas ng panibagong sections ang Enrollment Council upang mabigyan ng pagkakataon at priyoridad ang mga graduating students. “Mino-monitor naman iyan ng staff, kapag medyo kulang na, pwedeng mag-open ng panibagong section, may mga reserve naman iyan,” ani Roleda.