Hiyawan at dagundong ng pagkadismaya ang sumalubong kay The Kingdom of Jesus Christ Dodgeball Team (KOJCDT) Captain Apollo “Quibs” Quiboloy sa kaniyang pagtapak sa prestihiyosong Papa World Cup noong Pebrero 2022. Matatandaang hindi matatawaran ang kahusayan ni Quibs sa naturang pampalakasan matapos makatanggap ng pambihirang parangal na Most Valagbag Player (MVP)–isang gantimpalang siya lamang ang maaaring makakamit.
Naging swak ang katanyagan ni Quibs sa larong dodgeball buhat ng kaniyang hindi matutumbasang galing sa pag-iwas sa mga paratang na ibinabato sa kaniya. Bukod pa rito, patuloy ang kaniyang pag-arangkada sa mga liga bunsod ng tulong ng kaniyang mga kasangga. Ilan lamang sina Robbing Badilla, Sensya Bhiellar, Ay Mhie Marcrooks, at Bongga Go sa mga umaagapay sa MVP performance ng tinaguriang Son of Gawk.
Quibs: It’s not [for] you, it’s [for] me hehe
Kahiya-hiyang nagsimula ang karera ni Kapitan Quibs sa Papa World Cup. Baon-baon ang kapal ng mukha, sapilitan niyang hinimok ang mga rookies na lumahok sa torneo sa Estados Unidos (US) gamit ang mga pekeng visa. Bukod pa sa kasakimang ito, sinamantala rin ni Quibs ang kakayahang ipinadama ng kaniyang mga kamiyembro upang maibulsa ang tagumpay ng KOJCDT na siya lang ang nakinabang.
Bahag ang buntot ni Son of Gawk nang harapin niya ang kaniyang karibal na US Federal Bureau of Investigation Dodgeball Team (FDBIDT) matapos ang kaniyang pang-aabuso sa mga kamiyembro. Dahil takot tanggapin ang pagkatalo, nanlamang si Quibs at nandaya sa naging sagupaan. Binantaan pa ni Kapitan Quibs ang kaniyang mga kasamahaang mayroong naghihintay na karampatang parusa sa oras na kumontra sila sa kaniya, este magpatalo kontra US FDBIDT.
Buhat ng kaniyang pangmalakasang pagbabanta at kapit sa mga nabanggit na kamiyembro, iginawad kay Quibs ang titulong MVP sa bumulusok na Papa World Cup. Nakamit niya rin ang tanyag na gantimpalang Most Wanted List matapos maging utak ng kalupitan sa naturang torneo. Sa kasamaang palad, tanging siya lamang ang nagbulsa ng ilang milyong pera kaakibat ang walong ektaryang compound houses sa Pilipinas, habang palakpak at retrato lamang ang inuwi ng kaniyang mga kasamahan.
Quibs, ako bahala sa ’yo! Kaibigan kita e 😀
Dalawang taon ang nakalipas, napadpad si MVP Quibs sa Pilipinas para sa nakatakda niyang sagupaan sa Philippine Arena Senate (PAS) ngayong Abril. Kasabay ng kaniyang pag-arangkada sa dodgeball ang patuloy na pagbibigay-suporta ng kaniyang mga bigating kasangga. Ngunit, bago pa man siya muling magpakitang-gilas sa pag-ilag sa mga sala at paratang, kabilang ang human trafficking, labor violations, at sex-related offenses, inulan na siya ng mga batikos dahil sa walang tigil na pag-asta bilang makapangyarihang anak ng diyos na kinayamot ng taumbayan.
Gayunpaman, tumiklop si Son of Gawk nang batuhin siya ni Rizz Harmony ng opensa ng Resolution 884, isang mitsa para bulabugin ang kaniyang depensa. Bunsod nito, awtomatikong binakuran ng malalapit na kakampi ni Quibs, na sina Badilla, Bhiellar, Marcrooks, at Gow, ang inihagis na arrest warrant ni Harmony kontra sa akusasyong panggagahasa, pang-aabuso sa bata, panlilinlang, at marami pang iba.
Mala-head coach ang suportang ibinibigay ni Bhiellar kay Quibs sa kabila ng katotohanang puno ng technical violations ang paraan ng kaniyang paglalaro. “But me, I know him personally and nakakahiya naman na pabayaan ko siya. My gosh! You don’t do that to a friend!” Sigaw ni Bhiellar na tila mapupunit na ang lalamunan.
Quibs, harap ka nga! Ey, si umiiwas sa hearing xD
Matatandaang binanatan ni Al Kaplon, ang taong responsable sa kaligtasan at karapatan ng bawat manlalaro sa loob ng kort, ng kumikinang na yellow card ang diyos-diyosang si Quibs dahil sa kaniyang patong-patong na pang-aabuso sa mga kasamahan sa koponan. Takot madiskwalipika at hindi na muling makapaghasik ng lagim, kumaripas ng takbo si Quibs hanggang sa hindi na siya matunton. Nang tanungin ang iba pang miyembro ng KOJCDT, nagsumbong na umano si Quibs sa kaniyang boy best friend na si Dutae Thirty na siyang direktor ng tanyag na liga ng dodgeball sa Pilipinas.
Sa kabila ng pagkawala, patuloy na iginigiit ng kampo ni Quibs na walang pandarayang naganap. Naglabas ang World Dodgeball Federation ng subpoena, isang red card na nag-uutos na magpakita sa harap ng mga nakatataas na opisyal ng liga, laban kay Quibs kaugnay ng mga alegasyong paglabag sa karapatang pantao. Buhat ng red card na ito, inaasahang sisipot si MVP Quibs sa PAS para sa susunod pang mga yugto ng hearing upang kaharaping muli ang mga miyembro ng mga naalipustang partido.