“I believe I can fly!”
IKINATUWA ng pamayanang Lasalyano ang nakalululang balita ukol sa pagtatayo ng zipline sa Pamantasang De La Salle (DLSU) na may habang 400m mula Brother Andrew Gonzalez Hall papuntang St. La Salle Hall sa susunod na akademikong taon.
Batay sa anunsiyong inilabas ni Provost Robbie Rollita, matutugunan ng naturang zipline ang mahahabang pila sa mga elevator ng Brother Andrew Gonzalez Hall at ang tumataas na bilang ng mga estudyanteng nahuhuli sa klase.
Vito Cruz Aidbenders
Isinalaysay ni Rollita sa naging panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan na nakuha niya ang ideya ng zipline noong nahuli siya sa isang importanteng pagpupulong galing Brother Andrew Gonzalez Hall. Paglalahad niya, “A lot of students also complained about this, and all I can say is omsim.”
Sinimulan ng administrasyon ng Pamantasan ang isang malawakang pagpaplano at pagpupulong kasama ng mga eksperto nitong Enero 6-9. Bumuo na rin sila ng isang komiteng tinawag na The First Aidbenders upang suriin at paigtingin ang mga safety protocol sa paggamit ng zipline.
Pagbabahagi ni Rollita, “Lumipad ang aming team outside the country to consult some experts and check possible materials that would be adequate and safe for the construction.”
Kaugnay nito, ikakabit ang unang kable ng naturang zipline mula sa ikalimang palapag ng Brother Andrew Gonzales Hall Parking hanggang sa ikatlong palapag ng St. La Salle Hall sa darating na Hunyo. Tiniyak ni Rollita na sa tulong nito, makatitipid sa kuryente ang Pamantasan dahil malilimitahan na ang paggamit ng mga elevator.
Bagamat naging makabuluhan ang kanilang paghahanda para dito, ipinabatid ni Rollita na nagkaroon pa rin sila ng mga problema sa kabuuang proseso. Aniya, isang malaking suliranin ang pagtaas ng presyo ng mga safety gear at materyales para sa konstruksyon bunsod ng mataas na implasyon sa bansa.
Gayunpaman, inaasahan niyang makatutulong ang zipline sa pamayanang Lasalyano na maging maagap sa klase at madama ang saya sa gitna ng kanilang mga akademikong responsibilidad. Dagdag pa ni Rollita, “Tayo ang unang Pamantasan na magpapatayo ng zipline sa Pilipinas. Dapat dagdag points na [ito] sa atin sa susunod na university rankings.”
Magbubukas ang naturang zipline sa darating na Oktubre mula Lunes hanggang Sabado, ika-8 ng umaga hanggang ika-6 ng gabi.
Fly me to LS Hall
Nagsimula na rin ang paghahanda ng University Student Government (USG), kasama ang The First Aidbenders, sa mga posibleng proseso at patakaran sa paggamit ng naturang zipline. Ayon kay USG President Raffy King, bilang kauna-unahang Pamantasan na magtatayo ng zipline, priyoridad nila ang kaligtasan ng mga estudyante at kasiguraduhan ng mga magulang sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Dagdag pa rito, kailangan lamang gamitin ng pamayanang Lasalyano ang kanilang mga ID upang makasakay sa naturang zipline. Inaanyayahan din ang mga propesor na suportahan ang programa at makilipad papunta sa kani-kanilang mga klase.
Pagpapahayag ni King, “Siyempre, kailangan unahin ang mga propesor at estudyanteng may kapansanan. Pwede ring mauna ang may dalang sariling safety gear kasi duh, [doon] tayo sa hygienic!”
Binigyang-diin ni King na kasama dapat ng mga estudyante at propesor sa paglipad ang kani-kanilang mga gamit. Bilang patakaran, hindi pananagutan ng Pamantasan ang mga gamit na malalaglag at malilipad habang nakasakay sa zipline dahil responsibilidad ito ng may-ari.
Tiniyak naman ni King ang pag-antabay ng mga first-aid personnel sa bawat operasyon ng naturang zipline para sa kaligtasan ng lahat. Inabisuhan din niyang iwasan ang pagsigaw at pag-ungol habang nakasakay sa naturang zipline upang hindi madistorbo ang ibang mga estudyante sa kampus.
Pagwawakas niya, “Wala kayong dapat ikabahala kasi walang red flag dito! Makakarating ka sa klase mo on time pero magbaon palagi ng prayers kasi you never know diba?”
Wer na u, dito na me
Ibinahagi ni Mammy Oni, ID 120 mula sa AB Communication Arts, na makatutulong ang zipline sa pagpabubuti ng kanilang mental health dahil mapabibilis na ang paglilipat nila ng klase. Aniya, “Baka pansamantala kong makalimutan [‘yong] mga problema ko habang sumasakay pero sana naman hindi ganoon kabilis. Ano ‘yan, aalis akong fresh sa Andrew pero papasok akong haggard sa [St. La Salle Hall]?”
Sa kabilang banda, hindi naman ikinatuwa ng ilang estudyante ang naturang proyekto dahil sa pinsalang maaaring maidulot nito sa mga estudyante. Saad ni Kee Buloy, ID 118 mula AB Sociology, maaaring mapahamak ang mga estudyanteng sasakay sa zipline sa taas, haba, at bilis nito.
Ikinabahala rin ni Dij Padilya, ID 121 mula BS Medical Biology, ang posibleng pag-abuso ng mga estudyante sa zipline. Sambit niya, “Siguro imbis na pang-mabilisang transportasyon ito, baka maging mala-atraksyon na lang na gagamitin pang-joyride. Nawa’y hindi ito pang-clout lang at palagi nating isaisip ang layunin kung bakit ito itinayo ng Pamantasan.”
Sa huli, sinisigurado ng USG at The First Aidbenders na magiging maayos at makabuluhan ang pagsakay sa naturang zipline. Diin ni King, “Walking? That’s not giving anymore mga pare. Dito, literal na fly high tayo!”