“Mars, narinig mo na ba ang balita?”—iyan ang madalas sambitin ng mabubuti at maalalahaning kapitbahay. Wala pang limang minuto matapos mag-away ang mag-asawa sa kabilang lote, alam na agad ng buong barangay. Minsan ibang bersyon pa ang makararating. Sa pagbabago-bago ng istorya, puwede nang makasira ng relasyon at makapahamak ng tao.
Si Marites o ang pinaikling “Mare, ano ang latest?” ang tagakalap ng mga chismis at samu’t saring kuwento tungkol sa buhay ng ibang tao. Kuhang-kuha nga naman ng mga tinaguriang mosang ang atensyon ng karamihan. Nabubulabog ang buong purok sa tuwing naglalabas ng humuhugong na balita. Sa bansang ito, may dalawang kilala at batikan na sa larangan ng pakikialam sa buhay ng iba—sina Crsipy Formalyn at Lowlight Solace.
Battle of the BEST marites oh yass!
Ika nga ng BINI “Ang buhay ay ‘di karera” pero sa pabilisang maglabas ng mga nagbabagang chismis na gugulantang sa mga chismosa—siyempre hindi pakakabog ang ating mga KWEEN na sina Crispy Formalyn at Lowlight Solace! Tila mga propesyonal at may PhD sa pagiging chismosa, sa husay nilang magpakalat ng mga chika, isang dikit na laban ang nabubuo. Sino nga bang pinakamagaling? Sinong chismosa ang marapat na tawaging “KWEEN of All Chismosas”?
- Break up nina Basha at Domino Rawkie
Galing kay Kween Crispy Formalyn ang chismis na ito sa pamamagitan ng blind item na masayang inalam ng mga kapwa mosang. Kumpirmadong galing rin sa isa pang kilalang chismakers. Kaya naman, 1 point na kaagad si Crispy Formalyn. Hindi niya kailangang humingi ng tawad dahil hindi siya nagbanggit ng pangalan! #SLAY - Crispy Formalyn vs. Lawyer
Sa sobrang husay at sipag ni Crispy Formalyn, may mga tao talagang gustong ibaba siya sa kaniyang puwesto. Isa na rito ang abogado ng isang aktres na sinabihan siyang ”malicious and libelous”. Hindi dasurv ng isang Crispy Formalyn ang masabihan ng ganitong mga salita (kahit true naman). Dapat magbigay ang abogado ng public apology! 2 points para kay Crispy Formalyn. - Mapagmalasakit na Lowlight Solace
Napakabait at may pusong mamon ang isang Lowlight Solace. Sobrang inalala niya ang nararamdaman ng mga tao. Kaya naman, walang hiya niyang ibinunyag ang isang personal na kuwento ng isang artista. Balak pa sana itong ilabas ng artista sa sarili niyang youtube channel kaso naunahan na siya ni Solace. Sinabihan niya pang “very petty” ang artistang ito sa kadahilanang hindi pa kaagad ito sinabi ng artista sa nag-aalala niyang followers. 1 point naman kay Lowlight Solace na sobrang inaalala ang nararamdaman ng mga followers! #mothered
Ang ending? Naluko na!
Sino ang mananatili sa bahay ni kuya? Sinong KWEEN ang mag-uuwi ng korona? *drumroll please* TENENEN. . . Wala, bhie. Ano nga bang napala ng lahat sa kanilang Major in Maritesism?
Muntikan nang simulan ni Crispy Formalyn ang World War III sa kaniyang pagsiwalat na break na raw ang sikat na love team bago pa makumpirma. Ayan, binati kasi. Real na real pala. Subalit, sino nga ba si Crispy Formalyn para ipakalat ‘yon? Isa pa si Lowlight Solace na 1994 pa naghahasik ng lagim. Self-aware rin pala si Mhie pero ayaw magbago. Ang napala? Bye-bye sa kaniyang career. Ang tugon? Dasurb!
Totoo nga namang hindi reliability ang habol ng mga marites; nais nila ang dramang kalakip ng kanilang pakikisawsaw at pangingialam sa buhay ng iba. Puwes, pagbati sa dalawang tsismosa for today’s video! May nakapansin na ng kanilang mga trippings. May napala naman pala ang kanilang Major in Maritesism, finally napunan na ang kanilang pagiging kulang sa atensyon.
Don’t be bida-bida like Jollibhie
Walang magandang mapapapala kapag nagpakalat ng chismis, maliban na lang sa mga papansin talaga. Matamaan ‘wag magalit! Mas mabuti pang pagbutihin na lang ang inyong mga sariling buhay kaysa makisali sa isyu ng iba.
Sikaping maging mapanuri at maingat sa mga impormasyong natatanggap at pinalalaganap. Hindi lang reputasyon mo at ng ibang tao ang nakasalalay. Makasasakit ka ng damdamin at maaari ka pang makasuhan. Higit sa lahat, tayo ang main character ng buhay natin. Makokontento ka na lang ba sa pagiging side character sa pakikisingit mo sa istorya ng iba?