MARUBDUBANG BAKBAKAN ang naganap sa Suntukang Lasalyano na pinangasiwaan ni De La Salle University (DLSU) Suntukan Ambassador Manny Paksiw na ginanap sa Henry Sy Sr. Grounds, Marso 25. Layunin ng naturang sagupaang makahanap ng magiging kinatawan ng Pamantasan sa pinakaaabangang harapan ng PinaSuntukan laban sa mga kalahok mula Luzon, Visayas, at Mindanao na isasagawa sa Philippine Arena, Abril 15 hanggang 18.
Nagsilbing referee sa suntukan si Br. Richie Pichie-Pichie at sinigurong patas ang naging labanan at hindi humantong sa iyakan at labasan ng sama ng loob ang bakbakan. Umantabay rin ang Safety Office at Health Services Office dala ang ilang mga kagamitan tulad ng first aid kit, spinal board, at wheelchair upang direktang maihatid ang unang mapababagsak sa Red Doorz.
Sapak na lalagapak, bagsak at wasak!
Sa naging panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan kay Dr. Ethel Bubsa, chief of staff ng Suntukan DLSU Formations Office, ipinaliwanag nilang binigyan ng kalayaan ng kanilang opisina ang mga estudyanteng may gustong patunayan sa buhay na makilahok sa rambulan.
Ibinahagi ni Bubsa na nagsilbing oras ng kasiyahan at pagsasama-sama ang Suntukang Lasalyano. Layunin din nitong pagtibayin ang pusong Lasalyano at maibida ang kanilang pagmamahalan at pag-aalitan. Pagsasaad pa ni Bubsa, naging metikuloso at mabusisi ang proseso sa pagsasakatuparan ng suntukan sa Henry Sy Sr. Grounds dahil isinaayos pa nila ang ilang mahahalagang dokumento gaya ng medical certificate ng mga kalahok.
“Naging mahirap ang pinagdaanan ng opisina ko para lang matuloy ang suntukan sa Henry [Sy Sr.] Grounds dahil kailangan i-cover din namin ang skincare treatment ng mga bata pagkatapos ng bugbugan,” dagdag ni Bubsa.
Nakaantabay sa skincare treatment ng mga estudyante at namahagi rin ng rejuvenating set si Dra. Wicky Baelo. Batay sa kaniya, makatutulong ang naturang set upang matanggal ang mga maga at pasa sa mukha ng mga estudyanteng nakilahok.
Dagdag pa ni Baelo, dapat panatilihin ng mga estudyante ang makinis at malambot na mukha dahil ito ang tunay na simbolo ng pagkapanalo. “Before we face the problems of other people, we first need to face our problem, but to do that, we need to take care of our skin. . . how do we face our problem if our problem is our face?,” paliwanag ni Baelo.
Inabangan din ng iba’t ibang mga pamantasan mula University Belt ang naturang bakbakan ng pinakamalalakas, pinakamalalaki, at pinakamatatapang na mga bortang Lasalyano.
Mula sa bakbakang naganap, isa lamang ang hinirang na kampeon. Pinulbos ni Elmer “The Filipino Fleshlight” Tumbagahon ang sampung nakilahok. Siya rin ang magiging kinatawan ng Pamantasan sa ikalawang yugto ng suntukan na magaganap sa tapat ng Ace Hardware. Makahaharap ni “The Filipino Fleshlight” sa naturang suntukan si Elma “Ang Pilipinong Bombilya” Dimomatatalo na nagwagi sa suntukang isinagawa sa UST Plaza Mayor.
“Kailangan isang tasang toyo, dalawang kurot ng paminta, isang pechay, dalawang patatas, tatlong togue, apat na bawang, limang sibuyas, anim na kamatis, Knorr sinigang mix, at purong leeg lamang ang ihahaing tinola,” pagbabahagi ni Tumbagahon sa kaniyang naging paghahanda. Isinalaysay rin ni Tumbagahon na mas magiging mahigpit ang kaniyang bawat ensayo upang mas sagad ang sapak sa mukha, tagiliran, at braso ng kalaban.
Misyon ni Tumbagahon na maiuwi ang kampeonato sa Pamantasan at sa kanilang tirahan sa Pasang Tamo, Quezon City. “Gusto ko rin talaga manalo para makasama ako sa [magaganap na] Tropa Time sa Monumento, Calocohan hihi,” hirit pa niya habang kinikilig.
La SallePukan napunta sa DaSallean
“Hindi matatalo for chudey’s video ang ferson,” wika ni Tumbagahon nang mahirang na kampeon sa Suntukang Lasalyano. Nanghingi rin siya ng gabay at dasal kay Br. Pichie-Pichie upang maiuwi ang kampeonato sa PinaSuntukan.
Makikiisa sa prayer rally si Office of Sports Development Director Vina Rurot para ihatid ang buong suporta ng kaniyang opisina kay Tumbagahon. Ayon kay Rurot, handa silang maghain ng tinolang leeg at ireserba ang buong gusali ng Enrique M. Razon Sports Center para lamang sa mga sesyon ng pag-eensayo ni Tumbagahon.
Hirit pa ni Rurot, makasisiguro si Tumbagahon sa ekslusibong pakak at chugug na kagamitan sa gym at sa libreng whey protein ala gluta drip kada tapos ng sesyon ng kaniyang pag-eensayo.
Ipinangako naman ni Provost Pining Garcia na gagawing incentivized class ang suntukan sa kursong GESPORT sa susunod na akademikong taon sakaling maiuwi ni Tumbagahon ang pinakamataas na karangalan sa PinaSuntukan. “Nang dahil sa pagiging incentivized class ng suntukan sa [kursong] GESPORT, magsisilbing kamao ang sagot para makakuha ng kwatro,” dagdag pa ni Garcia.