NAGKAWATAK-WATAK na ang sikat na K-pop group na Unnie Team, Abril 1. Naglabas ng opisyal na pahayag ang tagapamahala ng naturang bandang hindi na muli gagawa ng mga kanta at magpauunlak ng mga concert ang Unnie Team. Walang sinabing tiyak na dahilan ang paghihiwalay ng mga miyembrong naging kadahilanan ng pagkalat ng iba’t ibang panikala.
Makikita sa Facebook page ng Unnie Team ang pahayag na nagsisilbing kumpirmasyon ng kanilang pagkabuwag, “Chapter closed. We hope this finally helps all of us move forward. We won’t be entertaining questions regarding this anymore. Thank you for understanding.”
Nabuo ang Unnie Team noong 2021 sa pangunguna ng dalawang miyembro na si Bee Bee Emz at Sarae Dutz. Layon ng grupong pag-isahin ang bansa sa pamamagitan ng kanilang pagtatanghal ngunit sa kanilang paghihiwalay, hindi na ito matutupad. Matatandaang binubuo ang Unnie Team ng iba’t ibang miyembro tulad ni Jonggiy Estreeta, Hairy Rocks, at Winner Gacha.
OTP sa Umaga, Divorced Couple sa Gabi
Sa pangunguna ni Emz at S. Dutz, naging matibay ang samahan ng banda hanggang sa pagsikat nito. Subalit, kasabay ng dumadagundong na palakpakan sa kanilang pagtapak sa entablado ang lumalalang lamat sa grupo. Bagama’t hindi naglabas ng partikular na rason ang tagapamahala ng Unnie Team, may haka-hakang may alitang nagaganap sa pagitan ng mga miyembro. Buhat nito, patuloy pa ring nag-aabang ang madla sa mga susunod na mangyayari sa banda.
Napansin ng kanilang mga tagahangang nagsimula ang tensyon sa mainit na sagutan nina Roddie Dutz, ama ni S. Dutz, at Emz. Naglunsad ang Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) ng eksklusibong panayam kasama si R. Dutz upang bigyang-linaw ang nasabing isyu. Isiniwalat ni R. Dutz na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot si Emz bago magtanghal sa entablado. Mabigat na akusasyon ang binanggit ni R. Dutz kaya naman hiningian siya ng BUKAKA ng ebidensya upang patunayan ito. Aniya lamang, “Trust me bro,” at patuloy ang kaniyang panawagang bumaba sa pwesto si Emz bilang lider ng pangkat.
Wala namang binanggit na pahayag si S. Dutz at patuloy ang kaniyang pananahimik sa kabila ng lantarang paninirang-puri na ginagawa ng kaniyang ama sa kabanda. “I’m sorry, excuse me. . . hindi ako naglagay ng sunblock,” aniya matapos tanungin ang kaniyang pananaw sa pagkabuwag ng kanilang banda.
Sa pananaw ng kanilang mga tagahanga, patuloy silang nabibigo sa mga pangakong konsiyerto ng grupo. Matatandaang nangako ang grupong magkakaroon ng “Unity Concert,” ang bansa para magkaisa ang mamamayang Pilipino. Sa loob ng dalawang taon matapos ang kanilang debut, malinaw na hindi kayang panindigan ng Unnie Team ang kanilang mga binitawang pangako.
Tantrums ni Sarae Dutz
Repleksyon ng mapanirang pamilyang karaniwang nakikita sa Facebook memes at mga telenovela ang Unnie Team. Bukod sa away-bata na nagaganap sa pagitan nina Emz at S. Dutz, hindi rin sila nakaligtas sa away-pera. Kumakalat ang balitang may korapsyong nagaganap sa kinikitang pera ng Unnie Team at si S. Dutz ang tinuturong salarin.
Ayon sa iba’t ibang sanggunian, umabot sa Php125 milyon ang nagastos ni Sara Dutz sa loob ng 11 na araw. Labis itong ikinagulat ng mamamayan at naging mitsa ng pambabatikos sa social media. Hihiling pa sana si Dutz ng dagdag na pera mula sa management para sa kaniyang magarbong pamumuhay subalit kaniya itong isinuko matapos lumabas ang isyu.
“Ginagamit ko ang pera na iyon upang makapagsimula ng iba’t ibang proyekto kagaya ng tree planting, libreng sakay, disaster response at pa-liga sa mga barangay! Hindi naman porket artista ako, limitado na ang aking ginagawa sa showbiz lang,” ani ni S. Dutz sa isang press conference.
Lubos na ikinagalit ng mga netizens ang pangyayaring korapsyon lalo na’t ipinangako ng Unnie Team na mapupunta ang nasabing pera mula sa kanilang “Unnie Team Charity Concert” sa mga proyekto at iba’t ibang mga charity drives. Sa loob ng 11 na araw, mapapansin sa Instagram posts ni S. Dutz na panay ang kaniyang pagbili ng branded items at pagbabakasyon sa labas ng bansa.
Sila OA at Nonchalant
Bagaman nabuwag na ang Unnie Team, mariing itinatanggi ng grupong mayroong tensyon sa pagitan ng dalawang miyembro na si Emz at S. Dutz. Ayon sa dalawa, hindi sila magkagalit o magkaaway.
Mariin namang itinanggi ni Emz ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Sa isang panayam sa BUKAKA, isiniwalat niyang painkillers ang kaniyang ininom upang malunasan ang sakit ng kaniyang ulo.
Nananatiling tahimik naman si S. Dutz at mariing itinatanggi ng kaniyang management na sangkot siya sa korapsyon. “Ang sinomang against kay S. Dutz ay against sa kapayapaan ng bansa,” aniya ng spokesperson ni S. Dutz nang tanungin ng BUKAKA hinggil sa isyung ito.
Sa ngayon, wala pa ring malinaw na desisyon ang banda sa usaping #ComeBackUnnieTeam lalo’t kapansin-pansin ang kasiyahan ng mga miyembro sa kani-kanilang bakasyon sa iba’t ibang bansa.