OPISYAL NANG ILULUNSAD ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pinakaaabangang kursong GECONYO o Art of Conyo Conversations and Social Climbing sa susunod na akademikong taon. Handa nang paigtingin ng naturang kurso ang bokabularyo at kamalayan ng mga Lasalyano sa mundong puno ng “dude”, “pare”, at “chong!”
Sa kabila ng mga hamon at pagbabago sa larangan ng edukasyon, patuloy na ipinamamalas ng DLSU ang pangunguna sa modernong pamamaraan ng pagtuturo. Pahayag ni Zara Dutz, propesor mula sa Confidential Sciences and Chinese Studies, hakbang ang GECONYO sa pagtanggap at pagpapahalaga ng iba’t ibang uri ng kultura at wika.
“Pics, bro! Hbu, carps?”
Sa naging panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay Ututzmo Mavaho, kawani mula College of Liberal Arts, ibinahagi niya ang ilang mga paksang ituturo sa ilalim ng kurso. Isa sa mga ito ang Chika Minute: The Art of Conyo Language, na tumatalakay sa mga estratehiya at teknik sa paggamit at pagbigkas ng mga salitang conyo.
Aaralin din ang espesyalisadong asignaturang binansagang Social Climbing Techniques 101. “Dito, tuturuan ang mga mamshies ng mga strategies, like paano maging shala-shala,” ani Mavaho. Magsasagawa ng mga role-play at praktikal na gawain sa naturang kurso ang mga estudyante bilang proyekto. Inaasahang magiging certified social climbers ang bawat Lasalyano at handang mag-shala-shala sa anomang social situation.
Magkakaroon naman ng workshop sa paglikha ng mga salitang idadagdag sa diksyunaryong Conyo. Kabilang sa mga nilikhang termino ang itchy, na nangangahulugang Makati; pics para sa I am g; at timbs para sa bakit.
Tatalakayin din ang mga espesipikong paksa tulad ng Commute Guide for Conyos. Pag-aaralan dito ang tamang pamamaraan ng pagpara, pagkomyut, at pagsabit sa likod ng dyip. “OMG! Super excited na talaga ako na parang like. . . like a cheerleader! Everytime I sakay sa jeepney kase, everyone’s staring at me when I say na ‘Kuya, sa Taft lang po,’ it’s so confusing!” masayang pagbabahagi ni Katara TadoHuang, ID122 ng AB Major in Water Maintenance and Minor in Healing.
Kumontra naman si Danny Summer Padilla, ID121 ng BS Animal Biology sa ideya ng pagkakaroon ng Commute Guide for Conyos. “Kase dude, I don’t get why people say na hindi nila know how to commute. It’s so easy kaya to use grab or even joyride to get a ride if kuya driver is not pwede,” kuda ni Padilla.
Tungo sa Conyofication ng Pamantasan
Nabigyan din ng pagkakataon ang BUKAKA na makapanayam ang ilang estudyanteng Conyo Enthusiasts upang ibahagi ang kani-kanilang pananaw sa malawakang Conyofication ng Pamantasan.
Ibinahagi ni Phauzy Kat, ID123 mula sa BA in Mass Communication, na hindi lamang tungkol sa paggamit ng mga trendy na salita ang pagiging bahagi ng Conyo curriculum. Aniya, mahalaga rin ang pagsunod sa inihaing Conyofication Policy and Etiquette ng Samahan ng Mga Conyong Lasalyano and Enthusiasts (SCLE) upang maging eksperto sa kursong ito at makamit ang pinakamataas na grado.
Nilinaw rin ni Dr. Shaira Siloz, propesor sa Mystic Languages, na sasabak ang mga Lasalyano sa limampung seminar workshops kada buwan upang mahasa ang kanilang bokabularyo at wastong Conyo accent. Idaraos din ang mga patimpalak tulad ng Conyo Tongue Twister Challenge at Conyo FlipTop Rap Battles. Makatatanggap naman ang mananalo ng free vocalization sessions kasama si Kween Yasmin at unlimited shoutout sa DLSU Freedom Wall.
Itinalaga naman ang Top 3 Conyo enthusiasts na sina Migz Zupare, Enzo Numbawan, at Joaquin Distanz bilang tagapamahala ng ilulunsad na mga aktibidad. Paglalahad ni Dr. Siloz, “Talagang pinagsama ko na ang OG Huli Trinithree para g na g na ang plano at siyempre para mapaigting pa ang samahang Lasalyano, duh of course todo na this!”