GINAWARAN bilang bansang may pinakamalalang trapiko ang Pilipinas sa isinagawang awards night ng Tom Tom Traffic Index nitong 2023. Tinaob ng Metro Manila ang 387 na lungsod mula 55 bansa at naiuwi ang korona bilang pinakamabagal na Metro area. Bilang tugon ng administrasyong Peanut Butter Biscuit Mamon (PBBM), humingi ng tulong ang Pilipinas kay Avatar Aang, ang batikang bender ng Republic City.
Pagpapadala ng delegasyon mula sa Republic City
Hindi na bago kay Avatar Aang ang mga hinaing sa pagbabago. Malapit ang administrasyong PBBM sa naturang Avatar dahil sa gintong inihahandog ng PBBM sa Republic City noong nakaraang digmaan. “Maliit lamang na kapalit ang pag-ibsan sa lumalalang trapiko,” wika ng Avatar. Agarang nagpadala ng Earthbenders, Airbenders, Firebenders, at Waterbenders ang Republic City para matugunan ang iba’t ibang aspektong nagdudulot ng lumalalang trapiko.
Itutuloy ng Earthbenders ang proyektong Laging siRang Tren (LRT) Extension at inaasahang matapos ito sa lalong madaling panahon. Tinulungan naman ng Waterbenders ang Maynilad sa pagpapabilis ng mga repair and maintenance sa mga service road. Kasama rin sa tulong na handog ng Waterbenders ang pagtugon sa pagbaha at pagpapanatili ng malinis at epektibong sistema ng drainage. Inaasahan ding tutulungan nilang maging waterproof ang mga estudyanteng papasok sa paaralan.
Solusyon sa road rage at trapiko
Sa kabilang banda, hindi maiiwasang umapoy sa galit ang mga drayber dahil sa trapiko. Bukod sa pagpapabilis ng operasyon sa pampublikong transportasyon, nakatalaga sa mga Firebender ang pagpapakalma ng road rage. Ayon sa kanila, gagawing krudo ang init ng ulo ng mga drayber para makatulong sa gastusin sa kalsada.
Ilulunsad naman ng mga Airbender ang proyektong Dakot Philippines. Tutungo lamang ang mga motorista sa app ng Dakot Philippines upang gamitin ang serbisyo. Pipili ng pick-up at drop-off point ang mga motorista at agarang papaliparin sila ng mga Airbender papunta sa kanilang destinasyon. Inaasahang epektibo na ang Lipad Beta sa darating na Setyembre 2024.
Tugon ng mga kritiko
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang mamamayan sa potensyal na pag-unlad ng kalagayan ng trapiko. Natuwa ang gobyerno sa ginawa ni Avatar Aang kaya minabuti nilang huwag nang kumilos pa upang humanap ng ibang solusyon sa problema. Bagamat natuwa ang pamahalaan, hindi ito nakaligtas sa pambabatikos.
Ayon sa mga kritiko, malikhain ang naging solusyon na humingi ng tulong kay Avatar Aang subalit hindi nito matatapos ang problema ng trapiko. Nagsisilbing band-aid solution ang pakikipag-ugnayan kay Avatar Aang dahil hindi naman nalutas ang ugat ng problema. Higit pa rito, kakalabanin pa ni Avatar Aang si Ozai at malaki ang posibilidad na kakailanganing lumisan ng mga bender para alalayan ang avatar.
Isang developing story ang artikulong ito, tunghayan ang kasunod na coverage ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA).