INILUNSAD ng administrasyong MarCause ang Balitang AI, isang television news channel nitong Abril 7. Layon ng administrasyong mabawasan ang fake news at disimpormasyon sa pamamagitan ng isang platapormang pinangungunahan ng dalawang artificial intelligence (AI) Anchors na sina Loren Baduy at Saz Sautot.
Ayon sa producers ng programa, umabot ng Php125 milyon ang nagastos ng administrasyon para makuha ang dalawang anchors. Gayundin, naglaan ng karagdagang isang milyong piso ang administrasyon para sa theme song nito na pinamagatang “Ai Ai Ai Butterfly” na kinanta ng batikang primetime singer na si Tonie Fawhler.
Paratang AI-na!
Binuksan ni Baduy ang programa sa pagbabalitang maaari nang mabili ang bigas sa halagang Php20 kada kilo bilang pagtupad sa ipinangako ni Pangulong MarCause noong eleksyon. Ayon sa mukbang at food review videos ng mga Malacuhñang-accredited vlogger, hindi lang mura kundi napakasustansya rin ng bigas sapagkat mapagkukunan ito ng vitamin C at glutathione. Dagdag pa ni Sautot, isang makasaysayang araw ito para sa kasalukuyang administrasyon.
Bukod sa kamangha-manghang pagbaba ng presyo ng bigas, isiniwalat din ni Sautot ang katotohanan sa likod ng tallano gold. Inamin ng pangulong mayroong limpak-limpak na gintong itinatago ang kaniyang pamilya. Ngunit salungat sa haka-haka ng maraming tao, hindi raw ito galing sa nakaw at mula ito sa Yamashita’s treasure na nahukay ng kaniyang yumaong ama.
Iniulat din ni Baduy na gagamitin ng pangulo ang tallano gold upang pondohan ang kaniyang paglilibot sa ibang bansa para sa pagpapalawak ng internal relations at kapayapaan. Sa isang panayam kay House Speaker Otin Romualdeez, ibinahagi niyang maraming overseas trip ang nakaplano para sa pangulo ngayong taon. Kabilang dito ang pagdalo sa Ehruz Tour ni Mareng Taylor at reunion sa London kasama ang pinsan niyang si Bhozxcs Charles.
Binuking AI-na!
Hindi rin nagpahuli ang Balitang AI sa pagtalakay ng mga maiinit at kontrobersyal na pangyayari sa mundo ng showbiz. Sa ikalawang bahagi ng programa, hindi nagpasintabi sina Baduy at Sautot sa kanilang diskusyon kasama ang showbiz insider na si O.G. Dawgs.
Ayon kay Dawgs, bukod sa misteryosong tweet ng beteranang aktres na si Jane Niper na tumutukoy sa pagpunta sa “exciting part”, may tinatago pa raw na bala si Niper laban sa dati niyang love team. Matatandaang walong taon din nagsama ang aktres at ang kilalang aktor na si Hev Avi Maria bago umugong ang pagkasira ng kanilang relasyon.
Bakas naman ang pagkagalak kay Sautot nang marinig ang naturang balak ng aktres laban sa dating nobyo. Pagdidiin niya, “Inasahan ko nang maghihiwalay sila. Bulong bulungan na rin kasi na mabaho ang paa nitong si Hev Avi Maria at puro lang daw yabang. Wala namang binatbat ang performance sa…mga palabas.”
Sa kabilang banda, ibinahagi ni Baduy ang mga haka-haka niya sa mga susunod pang mangyayari tungkol sa matunog na isyu. Isinaad ng anchor ang impormasyong ipinakakalat ng mga tagasuporta ng tambalang HevAne na may tatlong silang anak at maaari raw itong ibunyag ni Niper sa tamang panahon.
AI nako!
Napasapo na lamang sa kanilang noo ang production team ng administrasyong MarCause dahil sa mga iniulat na balita. Hindi umano magkakasama sa isang group chat ang production team kasama ang mga anchor.
Labis ang kabang nanunuot kay direktor Duhryl Yupp at producer na si Paolul Souriano dahil pawang fake news ang impormasyon maliban na lamang sa planong pagdalo ni MarCause sa Ehruz Tour dahil nakahanda na ang presidential chopper para sa kaniyang travel trips.
Dahil dito, mabilis na nagpatawag ng pagpupulong si Coach Sara Diturtle upang makaisip ng solusyon hinggil sa nasabing insidente. “Fei shang, gao shing, chi, shishyang…” ani Coach Diturtle kasabay ang ngiting makapagsasalba sa Balitang AI.
Sa kabilang banda, lubhang naapektuhan ang emosyon ng buong production team dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Dulot nito, inaasahang lilipad ang kanilang team sa West Philippine Sea upang makapagbakasyon bago ang kanilang coverage sa pagdalo ng pangulo sa Ehruz Tour.
Tumutok lamang sa Balitang AI mula Lunes hanggang Linggo upang hindi mahuli sa maaanghang na balita.