NAPUNDI ANG NINGNING ng tambalang Baby Em at Sarado Thirty matapos makamit ang ika-69 na puwesto sa kanilang pag-indak sa Carnival of Hypocritical Actions and Confounding Hijinks Amidst (CHACHA) 2024 World Dancesport Competition sa Philippine Arena, Abril 19.
No na no for Youni Team!
Umalingawngaw ang dismayadong reaksyon mula sa mga tagasuporta ng tambalang Baby Em at Sarado Thirty mula sa koponang Youni sa kanilang paglabas pa lamang. Taliwas sa nakasanayang kasuotan sa pagsayaw ng cha-cha, ibinandera ni Sarado Thirty ang kaniyang corrupt top na siyang tinernohan ng confidential pants. Samantala, lulan ni Baby Em ang robber shoes at ang invisibility cloak para sa lulubog at lilitaw na tricks sa kanilang pagtatanghal. Napiling umindak ng dalawa sa himig na Bagong Pilipinas, Bagong Mukha jazz remix ni DJ Hilaw na siyang gumambala sa wisyo ng manonood.
Nang pumintig ang unang ritmo ng musika, hiyawan ang nangibabaw sa arena bilang suporta sa tambalan. Maagang nasilayan sa dalawang mananayaw ang hindi pagkakasundo matapos ang sunod-sunod na pagtapak ni Baby Em sa paa ni Sarado Thirty. Sa pagsubok na pagbalik ng dalawa sa pag-indak, nagsunod-sunod pa lalo ang pagpalya nang hindi umarangkada ang mga patutsada ni Baby Em na nakaangkla sa kaniyang invisibility cloak. Nagpatuloy ang mga kamalian at kaguluhan sa entablado hanggang sa huling kumpas ng musika.
Bunga ng kanilang makalat na palabas, nanaig ang dismaya sa mukha ng kanilang mga tagahanga. Bakas din sa kanila ang inis at lungkot buhat ng mga pangakong hindi natupad ng dalawang mananayaw sa kanilang pre-national stage interview. Nakamit ng pares ang pinakamababang markang 20.0 at naluklok sa huling puwesto.
Locals out, foreigners in
Kasunod ng hindi kaaya-kaayang pag-indak sa entablado, umingay ang samu’t saring komento patungkol sa mga obserbasyong nakita mula sa kanilang cha-cha. Ayon sa isang Famebook user na si Tiu Sy No, walang maayos na pundasyon ang naging siklo ng pares. Pinuna rin ang kanilang kawalang-alam sa cha-cha matapos ang paulit-ulit na pagtatapakan. “Tigilan na kasi ‘yang cha-cha na ‘yan kung hindi naman nila alam gawin,” banat pa ng naturang netizen.
Lumitaw rin ang mga alegasyong mayroong papasok na mga banyagang tagapag-ensayo upang hubugin ang tambalang Baby Em at Sarado Thirty. Mariing pinabulaanan ang ilang opinyong nagsasabing makatutulong ang presensya ng mga banyaga para sa mga susunod na paligsahan. Ayon sa ibang tagapagsubaybay ng larangan, mas mainam na tangkilikin at pagyamanin ang talentong Pilipino sa tulong ng mga Pilipino. Binigyang-diin ding nasa pagsayaw mismo nina Baby Em at Sarado Thirty ang tunay na isyu. Buhat nito, sigaw ng karamihan ang kanilang kusang pag-alis sa kompetisyon at ipaubaya na lamang ito sa maaasahan at may kakayahan.
Bunsod ng kontrobersyal na cha-cha ng dalawang kinatawan ng Pilipinas, patuloy ang pagkakaroon ng inisyal na screening ng Carnival of Hypocritical Actions Philippines (CHAP) na namumuno ng paligsahan para sa mga balak lumahok sa naturang paligsahan. Ayon kay CHAP President Papa Migz, susubukan nilang ayusin ang mga alituntunin upang maiwasan ang hindi kaaya-ayang pagtatanghal ng mga kalahok. “We’re complying with our commitment na pagdebatehan po ‘yan sa committee level and the discussions with the stakeholders,” pagbabahagi niya. Binitawan din ni Papa Migz ang pangakong makikipag-ugnayan ang kanilang organisasyon sa iba pang institusyong nagpapalawig ng CHACHA sa bansa.
CHACHA-mpion na legasiya?
Dulot ng palpak na pagtatanghal ng tambalang Baby Em at Sarado Thirty, ito ang isa sa mga naging pinakamahinang representasyon ng bansa sa dancesport competition. Sa pag-ungkat sa kanilang naging palabas, ang pagkawala ng presensya ni Baby Em sa mga preparasyon sa kompetisyon ang isa sa mga napagbubuntungang rason ng taumbayan. Ayon naman kay Sarado Thirty, wala masyadong paramdam ang kaniyang kapares sa pagsasanay. Madalas din silang hindi nagkasusundo simula noong pagtambalin sila sa naturang larangan. “Hindi na namin siya mahagilap. Lagi nalang wala kung kailan kinakailangan,” pagsisiwalat niya.
Kinondena naman ni Baby Em ang mga paratang na ito at siniguro sa mga tagahangang maayos pa rin ang kaniyang pagtatanghal ng cha-cha. Bagamat ito ang kaniyang pinaniniwalaan, kitang-kita ang kaniyang kawalan ng kahandaan sa entablado dahil wala siyang balanse at maayos na porma. Nabawasan din ang mga angkop na yabag at kilos na siyang dapat na nakikita mula sa kaniya. Dagdag pa rito ang kaniyang pagbalewala sa mga nakatakdang alituntuning sinusunod sa dancesport.
Gayunpaman, sukbit ang bandera ng bansa, inaasahan pa rin ni Baby Em na maipagpapatuloy niya ang pagsayaw sa mga susunod pang edisyon ng paligsahan. Ayon sa kaniyang panayam matapos ang pagtatanghal, ninanais niya ito sapagkat gusto niyang maipagpatuloy ang ginintuang legasiya ng kaniyang amang si Baby Em Senior. Matatandaang naging isa sa mga naging kinatawan ng bansa ang kaniyang ama na siyang humantong din sa bigong pag-indayog kontra sa mga banyaga. “Your legacy lives on, and for as long as I’m here,” maluha-luhang wika ni Junior sa harap ng kaniyang mga tagasuporta.
Bunsod ng nag-uumapaw na kumpiyansa at kakapalan ng budhi, wala pa ring maayos na pahayag ang tambalang Baby Em at Sarado Thirty mula sa mga komentong natanggap nila sa kanilang pagtatanghal. Tanging mga pang-aalipusta sa kamalian ng bawat isa lamang ang ibinabato ng kanilang mga panig. Gayunpaman, ayon sa kanilang tagapagsanay, itutuloy pa rin ng dalawa ang pagsali sa CHACHA sa susunod pang apat na taon sa kabila ng magkaibang paraan ng pag-indak.