SINGBILIS NG FLUSH NG INIDORO ang naging pagdaloy ng mga espekulasyon hinggil sa larawang ipinaskil sa Facebook page ng DLSU Freedom Wall (DLSUFW) na nagpapakita ng apat na paa sa isang cubicle ng banyo ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Ayon sa DLSU-Paranormal Investigation Office (DLSU-PIO), pinatutunayan ng mga nakalap na ebidensiyang may sangkot na supernatural na entidad sa naging engkwentro.
Sa eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay Forda Furfur*, deretsahan niyang ibinahagi ang kapangi-pangilabot na kababalaghang nasaksihan. Aniya, nakakapanindig-balahibo ang naging eksena sa banyo gayong ni walang kaluskos o paggalaw ng mga paa ang maoobserbahan. Bagaman kumbinsido rin sa natuklasan ng DLSU-PIO, hindi nakawala sa samot—saring reaksyon ang isyu mula sa pamayanang Lasalyano.
Huli pero hindi kulong
Lumikha ng ingay ang isyung nakarating sa iba’t ibang pamantasan at umani ng sari-saring reaksyon mula sa mga estudyante at followers ng DLSUFW. Marami ang nabigla at nabahala sa nakitang post at hindi rin naiwasan ang mga damdaming galit at lungkot.
Isinalaysay ni Kreyzi Foryu, ID 121 ng AB Major in Internet Love and Minor in Talking Stage, na madalas siyang gumagamit ng restroom upang maglabas ng sama ng loob ngunit hindi pa siya nakasaksi ng ganitong nakakasindak na pangyayari.
Hinahangad ni Foryu na malaman kung ano, saan, sino, bakit, at sa paanong paraan ito nangyari upang maiwasan. “Ang puso ko’y nagdurugo at parang sumisikip ang dibdib ko sa tuwing makikita ko na kailangan pa lang by partner o may ka-duo tuwing tutungo sa restroom,” aniya.
Ibinahagi naman ni Sana Owl, ID 122 mula AB Major in Nonchalantness and Minor in OA, na posibleng naglalaro lamang ang mga ito ng hide and seek o nagpapalitan ng pokemon cards. Iminungkahi rin niyang maaaring nag-uusap lamang sila nang masinsinan at nais nila ng pribasyon. “Baka naman nagpapalakihan lang sila ng ibon, may nakarinig daw kasi ng pagsipol ng pipit at maya sa loob,” saad niya.
Naging mainit sa Facebook ang isyu at nagbigay-daan upang umani ang post ng libo-libong reaksyon mula sa netizens. Sinasabing nagpapakita lamang ang larawan ng malalim na pagkakaibigan ng mga multo na mananatili ngayon, bukas, at magpakailanman. Gayunpaman, pinukaw pa rin nito ang atensyon ng mga kinauukulan.
Sa banyo may batas
Tinalakay sa ika-69 na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagpapatayo ng gusaling “WH TOPS”. Pinangalanang “The Green Room” ang mga kuwarto nito, matapos makuha ang inspirasyon mula sa kilalang palabas na 50 Shades of Grey. Magsisilbi itong espasyo ng mga multo upang maisagawa ang kanilang mga kababalaghan. Tinitiyak ni DLSU-PIO Representative Gwen-chanak P. Ong na bukas at inklusibo ang Pamantasan sa anomang elemento.
Hindi naman naiwasan ang pagdududa ng ilang Lasalyano na ang pagpapatayo ng The Green Room ang dahilan ng pagtaas ng matrikula. Ipinahayag din ni Ong na hindi lamang limitado sa dekorasyon ng My Lasallian Portal (MLS) ang badyet, ngunit pati na rin sa kababalaghan ng bawat Lasalyano. Wika niya, “Inaalagaan talaga tayo ng La Salle.”
Binigyan-diin ni Ong sa naturang LA sesyon na kasalukuyang nasa mabuting kalagayan ang hook-up culture ng multo at Lasalyano. Higit sa lahat, nagbibigay ito ng pambihirang pag-ibig na mala-Kokey at Dyesebel.
Nanawagan naman ang Pamantasan na panatilihing malinis at maayos ang nasabing gusali. Ipinagbabawal din dito ang paggamit ng anomang uri ng paputok at pag-iiwan ng kalat. Pinaalalahanan din ang mga estudyanteng isara ang mga pinto tuwing gumagawa ng kababalaghan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Pamantasan.
Winakasan ng DLSUFW na sa pagkakataong makatanaw ng apat na paa sa isang cubicle, tumakbo na bago pa makarinig ng, “Kapag lumingon ka, akin ka”.
*Hindi tunay na pangalan