NASINDAK ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa angil ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 25-21, 23-25, 16-25, 15-25, sa pagtatapos ng ikalawang yugto ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 27.
Bumida para sa Lady Spikers si opposite hitter Shevana Laput matapos magbulsa ng 26 na puntos. Sa kabilang banda, nagpakitang-gilas para sa mga taga-España si Player of the Game Jonna Perdido nang makapagpundar ng 19 na puntos mula sa 18 atake at isang service ace.
Maagang nagpasiklab ang Golden Tigresses sa pagbubukas ng unang set, 0-3. Gayunpaman, ginulat ni DLSU outside hitter Angel Canino ng dalawang magkasunod na palo ang España mainstays sa muli niyang pagbabalik sa serye, 4-6. Naging sandigan naman ng Lady Spikers ang mga opposite attack ni Laput upang itabla ang talaan, 17-all. Sa huli, tuluyan nang inangkin ng Taft-based squad ang naturang set matapos pumundar ng 4-0 run si Laput sa pagtatapos ng yugto, 25-21.
Sa pagdako ng ikalawang serye ng sagupaan, gitgitang inararo ni Laput ang kampo ng España nang magpalasap ng umaatikabong backrow attack, 9-8. Gayunpaman, dinagit ni opposite hitter Regina Jurado ang momentum para sa Golden Tigresses nang makapagsalpak ng placement shot, 16-17. Bunsod nito, hindi na umubra ang nagtatayugang tore ng La Salle sa nagbabagang atake ni UST super rookie Angeline Poyos, 23-25.
Matamlay ang naging panimula ng Lady Spikers sa panimula ng ikatlong set matapos indahin ang mga kagat nina Golden Tigresses Perdido at Jurado, 0-5. Kaagad namang nakabangon ang Taft-based squad sa pangunguna ni Laput nang ipamalas ang tibay ng Berde at Puting kalasag laban kay Poyos, 8-all. Gayunpaman, muling inilabas ng mga tigre ang kanilang pangil at nagpundar ng 10-2 run sa bisa ng mga tirada nina Perdido, Jurado, at Poyos, 10-18. Sinubukan pang pigilan ng Lady Spikers ang tirada ni Perdido, 16-22, ngunit agad ding sinelyuhan ni UST service specialist Xyza Gula ang naturang set mula sa service line, 16-25.
Nahirapang maibalik ng Lady Spikers ang kanilang momentum matapos umungos ng down-the-line si Poyos sa pagsisimula ng ikaapat na yugto, 3-4. Hindi naman nagpatalo si Laput nang kumawala ng isang tumataginting na crosscourt hit para itumbas ang talaan, 4-all. Subalit, umalma ang Golden Tigresses gamit ang isang pipe attack ni Perdido at offensive block ni Poyos, 13-18. Hindi na napigilan pa ng mga taga-Taft ang pagsalakay ng marka ng España mainstays matapos muling magpasiklab ng service ace si Gula, 15-25.
Sa kabila ng mapait na sinapit, nakapagpundar ang Lady Spikers ng 11-3 panalo-talo baraha sa pagtatapos ng ikalawang yugto. Subaybayan ang pinatalas na palaso ng DLSU sa kanilang muling pagsalang sa Final Four ng naturang torneo.