BINANLIAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang pagaspas ng pakpak ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 25-12, 25-12, 25-18, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 21.
Pinangunahan ni middle blocker Thea Gagate ang kampanya ng Lady Spikers matapos magtala ng 16 na puntos mula sa 10 atake at anim na block. Tumulong din si DLSU opposite hitter Shevana Laput nang magtala ng 15 puntos. Sa kabilang dako, nangibabaw para sa Blue Eagles sina Geezel Tsunashima at Lyann De Guzman na nagsumite ng tig-anim na marka.
Kagyat na pinigilan nina Taft tower duo Gagate at Laput ang pagbuka ng pakpak ng Blue Eagles matapos barahin ang atake ni De Guzman, 2-0. Binulahaw naman nina open hitter Maicah Larroza at Gagate ang pugad ng ADMU nang magpamalas ng combination play, 5-1. Nagpundar din ng 8-0 run ang Lady Spikers upang tuluyang pahimpilin ang mga agila, 20-7. Hindi na natapyasan ang kalamangan ng Lady Spikers sa pagtatapos ng unang set nang magbigay ng regalo si Tsunashima ng attack error, 25-12.
Maagang nagpakawala si Gagate ng dalawang magkasunod na puntos mula sa quick attack at block sa pagratsada ng ikalawang set, 8-4. Kumamada naman si ADMU middle blocker Zey Pacia, ngunit agad sumagot ng mga atake at service ace si Larroza upang palobohin ang angat ng luntiang koponan, 16-8. Hindi na nagpatinag pa ang defending champions sa pangunguna ni Amie Provido at Larroza upang wakasan ang naturang yugto sa kanilang pabor, 25-12.
Naging mainit ang simula ng ikatlong set matapos magpalitan ng atake ang dalawang koponan, 4-all. Ngunit, umarangkada ang Lady Spikers sa bisa ng mga atake ni open hitter Alleiah Malaluan, 9-4. Samantala, sinubukang ibaba ng Blue Eagles ang kalamangan sa tulong ni middle blocker AC Miner mula sa isang kill block, 14-13. Gayunpaman, kaagad nakabawi ang Taft mainstays matapos magpaulan ng mga nagbabagang atake upang paigtingin ang kalamangan sa walong marka, 24-16. Sinubukan pang manatili ng Blue Eagles sa sagupaan sa tulong ng dalawang magkasunod na atake ni Ysa Nisperos, 24-18, ngunit tuluyan nang sinelyuhan ni Laput ang sagupaan gamit ang isang hulog, 25-18.
Bunsod ng matagumpay na pagkaripas, aakyat sa 11-2 ang panalo-talo kartada ng Lady Spikers. Samantala, susubukang makamit ng Taft-based squad ang twice-to-beat advantage kontra University of Santo Tomas Lady Tigresses sa darating na Sabado, Abril 27, sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong lugar.