NAPASAKAMAY ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang ikalawang parangal matapos lumuhod sa mababagsik na National University (NU) Bulldogs, 2-4, sa Game 2 ng finals ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Baseball Tournament sa UP Diliman Baseball Field, Abril 21.
Bumida para sa lupon ng Green Batters si National Team member Lord Aragon De Vera na kumubli ng isang run batted in (RBI) at anim na strikeout. Sa kabilang banda, naiuwi ni MJ Carolino ang Finals Most Valuable Player sa pag-angkla sa nakasasakal na depensa ng Bulldogs.
Buhat ang panalo noong Game 1, naipagpatuloy ng NU ang matibay na pundasyon sa kanilang pagtapak sa diamond sa first inning. Sa kabila ng matulis na ground hit ni Green Batter Shanji Kajihara patungong first base, naisarado ang top of the first sa double play ng Bulldogs. Sumugat naman agad ang Jhocson-based squad matapos umukit ng RBI double si Kenneth Maulit sa kaniyang centerfield flyball, 0-2.
Tangan ang naumpisahang matayog na karera ngayong Season 86, hindi pa rin nagpatinag ang Green Batters mula sa pagkatalo noong unang paghaharap sa best-of-three finals series. Nakapaglista ang Berde at Puting pangkat ng kanilang unang puntos sa likod ng right-field hit ni De Vera upang makauwi si Patrick Rivera sa home plate sa pagbulusok ng ikatlong inning, 1-2.
Nadala ng Taft-based squad ang momentum patungo sa ikaapat na inning matapos matauhan ang first at second base. Pinalipad ni Joseph Alcontin patungong center field ang bola upang makuha ang RBI at maitabla ang sagupaan, 2-all. Napanatili rin ng DLSU ang kadena sa Bulldogs sa malinis na defensive inning mula sa koponan.
Bumaliktad naman ang ihip ng hangin matapos ang stalemate sa ikalimang inning. Nakontrol ni Carolino ang diamond buhat ng pagpapakawala ng 2-seam fastball at slider na lumusaw sa palo ng Green Batters. Bagamat hindi nakapuntos ang NU sa naturang inning, kapansin-pansin ang nahahapong bato ni De Vera.
Naging lason din para sa DLSU ang pagnakaw ng mga plato ng NU sa pagkaripas ni Nico Calanday at Kevin Maulit sa second at third base. Dumagdag pa rito ang error ni second baseman Alcontin sa pagkabitaw ng bola upang makatagos patungong home plate si Calanday. Tumikada pa si NU batter Herald Tenorio ng RBI-single upang palobohin ang kalamangan, 2-4.
Lumabas naman ang pagal sa katawan ni De Vera matapos bumigay ang tuhod nito bilang short stop sa ikapitong inning. Pagdako sa ikawalong yugto, pumasok si Season 86 Best Pitcher Amiel De Guzman para sa NU na agad nagpayanig ng 4-seam fastball sa kaniyang unang bato. Nangarag ang kumpiyansa ng Green Batters sa magkakasunod na flyout ng mga katunggali.
Matapos ang kawalan ng puntos sa apat na inning, umingay ang silinyador ng Green Batters sa huling inning. Nagkaroon naman ng tao sa unang dalawang base matapos ang ground ball hit ni Kajihara. Tangan ang pilay sa kanang binti, makisig na tumayo si De Vera sa pitch upang matulak ng bases ang runners sa kaniyang sacrifice bunt.
Sa kabila ng init ng Abril, humagupit ang lamig ng simoy ng hangin para sa hanay ng Berde at Puti. Sukbit ang dalawang out at dalawang runner sa diamond, nabali ng Bulldogs ang mga pana ng DLSU. Umapoy ang huling kumpas ni De Guzman na nagmarka ng strikeout upang tuluyang makamtam ng NU ang kampeonato, 2-4.
Nabigo mang makamit ng Green Batters ang inaasam na three-peat matapos hiranging kampeon noong Season 81 at 85, hindi maipagkakaila ang kanilang naging dedikasyon sa pag-uwi ng diyamante para sa Taft.