NILAGLAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 25-21, 23-25, 26-24, 25-19, sa kanilang huling pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 21.
Nanguna sa pagpapalipad ng mga pana si DLSU open hitter Vince Maglinao matapos magpasiklab ng 19 na puntos mula sa 17 atake at dalawang block. Umagapay rin sa opensa si outside attacker Noel Kampton at Team Captain JM Ronquillo nang makapagrehistro ng pinagsamang 30 puntos. Sa kabilang panig, pinagningas ni outside hitter Jian Salarzon ang dilaab ng mga taga-Katipunan nang magtala ng 23 puntos.
Walang pakundangang pinalasap ng ADMU ang kanilang pagaspas sa pagbubukas ng unang yugto ng sagupaan matapos ang quick attack ni middle blocker Cyrus De Guzman, 9-13. Gayunpaman, pumukol ng puntos ang Taft-based squad sa bisa ng down-the-line hit ni Ronquillo, 16-all. Bunsod nito, tuluyang binulabog ng Green Spikers ang katunggali sa tulong ng mga umaatikabong atake ni Kampton at middle blocker Billie Anima, 25-21.
Gitgitang tapatan ang ipinamalas ng dalawang koponan nang magsagutan ng tirada sina Salarzon at Anima pagdako ng ikalawang set, 10-all. Kasunod nito, bahagyang bumigay ang depensa ng mga nakaberde nang magpakitang-gilas sa net si Blue Eagle Jett Gopio, 10-14. Sa kabila nito, matuling nakahabol sa talaan ang Green Spikers buhat ng nagliliyab na opensa ni Kapitan Ronquillo, 21-all. Nagpalitan pa ng puntos ang magkabilang panig, subalit kaagad nang winakasan ni Salarzon ang set sa bisa ng crosscourt kill, 23-25.
Mabagal ang naging simula ng ikatlong set para sa Taft-based squad matapos ang sunod-sunod na block mula kay Blue Eagle De Guzman, 1-4. Nahirapang umahon ang Taft mainstays nang lumiyab ang mga kamay nina Salarzon at outside hitter Amil Pacinio sa bisa ng mga crosscourt at off-the-block na atake, 8-11. Sinagot ito ng mga combination play ni Ronquillo kasangga ang mga quick attack ni Anima upang itabla ang talaan, 15-all. Nagtagisan pa ng utak sina Maglinao at Salarzon, ngunit tuluyang nasulot ng Green Spikers sa mga agila ang naturang set buhat ng attack error, 26-24.
Kinarga naman ni Player of the Game Maglinao ang opensa ng Taft mainstays sa pagbubukas ng ikaapat na set matapos magpakawala ng magkakasunod na crosscourt hit, 6-4. Sa kabilang banda, pilit na bumuntot sa talaan ang Blue Eagles nang umeksena si De Guzman sa bisa ng kill block, 15-14. Gayunpaman, kumawala ang Green Spikers sa tangkang pagtuka ng mga agila matapos ang offspeed attack ni Kampton at panapos na service ace mula kay Ronquillo, 25-19.
Bunsod ng tagumpay, bitbit ng Taft-based squad ang 10-3 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukan ng Green Spikers na muling patumbahin ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa pagwawakas ng elimination round sa darating na Sabado, Abril 27, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.