NILURAY ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang tapang ng Adamson University Lady Falcons, 17-25, 25-19, 25-11, 25-22, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 17.
Bumomba ng nag-aalab na 24 na puntos si Lady Spiker Shevana Laput upang tanghaling Player of the Game. Umagapay rin sa opensa si middle blocker Thea Gagate matapos kumamada ng siyam na atake at tatlong block. Sa kabilang banda, nanguna para sa Lady Falcons si Jen Villegas matapos magtala ng 16 na puntos mula sa 13 atake, dalawang block, at isang ace.
Pinaigting na sagutan ang ipinamalas ng dalawang koponan sa pagratsada ng unang set matapos umariba ng crosscourt attack si Laput, 7-all. Nanatili namang mapusok ang opensa ni Laput matapos magpamalas ng offspeed hit, 11-9. Pinaguho pa ni DLSU middle blocker Amie Provido ang matayog na tore ng Lady Falcons upang panatilihin sa dalawang marka ang kalamangan, 17-15. Gayunpaman, umalagwa ang San Marcelino-based squad ng 10-0 run upang tuluyang ungusan ang nagkukumahog na Lady Spikers sa naturang set, 17-25.
Sa kabila ng mabagal na simula, nagbago ang ihip ng hangin nang magpakawala ang Lady Falcons ng magkasunod na attack error upang masulot ng Taft mainstays ang kalamangan, 8-6. Pinawalang-bisa ni outside hitter Alleiah Malaluan ang atake ni AA Adolfo na agad sinundan ni Laput ng manipis na crosscourt hit, 16-11. Sinubukan pang tapyasin ni Ayesha Juegos ang lumalaking angat ng DLSU, ngunit hindi na ito pinaunlakan ni Gagate matapos magpamalas ng dalawang magkasunod na power tip upang selyuhan ang naturang set, 25-19.
Agad na tinambakan ng Taft-based squad ang mga taga-San Marcelino matapos ang mabibigat na service ni Team Captain Julia Coronel. Sinamantala naman ito ni Malaluan at bumomba ng kabuuang limang puntos, 8-1. Nagawa pang magrehistro ni Ishie Lalongisip ng magkasunod na marka upang tabasin ang kalamangan, ngunit hindi ito pinabayaan nina Taft Tower Gagate at Laput, 16-8. Hindi na nagpaawat pa ang hanay ng Berde at Puti at maagang ibinulsa ang naturang yugto tangan ang 14 na puntos na bentahe, 25-11.
Nagpatuloy ang momentum ng Lady Spikers pagpasok ng huling yugto matapos padaplisin ni open hitter Maicah Larroza ang bola sa kamay ng blockers, 10-7. Lumayag din ng solo block si Provido kontra sa tangkang atake ni Juegos, 15-12. Buhat nito, tuluyan nang sinara ng Taft-based squad ang pintuan upang tapusin ang sagupaan sa bisa ng down-the-line hit ni Malaluan, 25-22.
Bunsod ng naturang panalo, aakyat ang Lady Spikers sa ikalawang puwesto sa talaan bitbit ang 10-2 panalo-talo kartada. Samantala, susubukang bugawin ng Taft-based squad ang paglipad ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa darating na Linggo, Abril 21, sa ganap na ika-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.