NAIUWI ng grupong Lumbricina ng Pamantasang De La Salle ang unang karangalan at isang milyong innovation fund sa First Gen Code Green Competition nitong Marso 16. Layunin ng kanilang proyektong Chester, isang compact anaerobic digester, na kumuha ng likas na enerhiya galing sa mga nabubulok na basura at palaguin ang circular economy sa Pamantasan at lipunan.
Binubuo ang naturang grupo nina Fernando Magallanes Jr., Alexia Roman, at Ralph Stephen Saavedra, na nagwagi laban sa mga kalahok mula sa Ateneo de Manila University, Far Eastern University Institute of Technology, Siliman University, at Technological Institute of the Philippines.
Likas na yaman galing sa basura
Binuo ng grupong Lumbricina ang naturang anaerobic digester upang tugunan ang kasalukuyang problema ng lipunan sa basura. Idiniin ni Magallanes ang lumalalang problema ng basura sa Pamantasan at inilahad na nasa tinatayang 36.2 kilos ang nagmumula sa mga kantina sa kampus bawat araw batay sa kanilang isinagawang Waste Analysis and Characterization Study.
“[Ang anaerobic digester] ay isang waste-to-energy technology. . . sa uri ng biogas at compost, [makagagawa] ng isang end-of-life na sistema para sa ating mga basura,” pagpapaliwanag ng Lumbricina. Ibinida rin nila ang konseptong circular economy na naglalayong patagalin ang service life ng isang bagay at gawin itong kapaki-pakinabang hanggang sa mga susunod na henerasyon.
Nagsimula ang grupo sa ideyang composting para gawing pataba ang mga nabubulok na basura gamit ang earthworms. Batay sa kanilang mga isinagawang pananaliksik, natunghayan nila ang potensyal ng anaerobic digester na tugunan ang mga suliranin sa basura at gawin itong mapagkukunan ng enerhiya.
Dagdag pa ni Magallanes, “. . .isang malaking tulong [din] sa amin ang mga nakaraang pananaliksik sa konsepto ng biogas mula sa [chemical engineer alumni] na binasa ko upang malaman ang feasibility ng aming project proposal.”
Ibinahagi rin nilang magsisimula sila ng isang programa at pagbibigay-serbisyo sa mga food service at hospitality establishment. Itutugma rin nila ang kabuuang disensyo ng mga Chester sa mga kwalipikasyon ng naturang establisyemento.
Paglilinaw nila, “[Titiyakin na ang disenyo ng Chester ay] indoor-compatible, ligtas, at maaasahan (maintenance-wise). . . [Isa rin] itong paraan ng electricity generation para sa industrial use na amin ring sinasaliksik sa paglago ng aming proyekto.”
Pananalig ng Lumbricina
Naniniwala ang grupong magiging tulay ang proyekto upang mahikayat ang mga Lasalyanong paigtingin ang kanilang mga pagsisikap sa aspetong sustainability sa loob at labas ng Pamantasan.
Inaasahan din nilang makatutulong ang wastong paghihiwalay at pagtatapon ng basura sa pagbawas ng gastusin sa operasyon ng mga kantina. Misyon din nitong pababain ang greenhouse gas emissions ng Pamantasan. “Ang aming adbokasiya ay maging isang zero-waste campus ang DLSU kung saan. . . materials that are treated as a ‘waste’ may be utilized for another purpose,” pagdidiin ni Magallanes.
Inaanyayahan ni Magallanes ang mga interesadong indibidwal, partikular na ang mga estudyanteng kumukuha ng kursong engineering, na sumali sa kanilang layuning tugunan ang problema ng basura at palawakin ang mga inisyatibang pangkalikasan.
Sa kabuuan, pinahahalagahan ng Lumbricina ang kontribusyon ng bawat Lasalyano sa pagtugon sa pagbabago ng klima at pagpapalakas ng mga proyektong nakatuon sa kapaligiran. Naniniwala silang matutugunan ang iba pang hamon sa Pamantasan at kalikasan sakaling ipagpapatuloy ng buong komunidad ang pagbawas sa mga nabubulok na basura.