PINAGUHO ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang langkay ng Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 26-24, 25-17, 25-23, sa kanilang huling paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 17.
Minanduhan ni Kapitan JM Ronquillo ang kampanya ng Green Spikers matapos magtala ng 16 na puntos mula sa 13 atake, dalawang block, at isang service ace. Hindi naman nagpahuli si outside hitter Noel Kampton nang magtala ng 12 puntos mula sa siyam na spike at tatlong block. Sa kabilang panig, pinangunahan ni middle blocker Jude Aguilar ang hanay ng Soaring Falcons nang magtala ng siyam na puntos.
Bumungad ang dikdikang tapatan sa pag-uumpisa ng laro nang itabla ni Ronquillo ang talaan sa bisa ng isang off-the-block hit, 9-all. Bahagyang nanlamig ang Green Spikers matapos lumamang ng tatlong puntos ang mga pambato ng San Marcelino sa tulong ng block ni Mark Coguimbal kontra sa pipe attack ni Ronquillo, 14-17. Gayunpaman, tuluyang winakasan ng DLSU ang unang set gamit ang matagumpay na block touch challenge mula sa attack error ni AdU Team Captain John Gay, 26-24.
Binuksan ng San Marcelino-based squad ang ikalawang set sa bisa ng magkasunod na puntos mula sa off-the-block hit ni Kapitan Gay at quick attack ni middle blocker Aguilar, 2-4. Gayunpaman, nakalapit ang Green Spikers dahil sa mga error ng Soaring Falcons, 10-11. Nagtuloy-tuloy pa ang pag-arangkada ng Taft-based squad sa pangunguna ni outside hitter Vince Maglinao, 19-15. Hindi na nakaahon sa lusak ang Soaring Falcons nang tuluyang angkinin ng Berde at Puting koponan ang naturang yugto mula sa off-the-block attack ni Kampton, 25-17.
Bitbit ang hangaring tuldukan ang laro, kaagad binuksan ng Green Spikers ang ikatlong set gamit ang nagbabagang atake ni Ronquillo na sinundan ng service ace ni Kampton, 3-1. Nilinlang naman ni playmaker Gene Poquita ang Soaring Falcons bunsod ng 1-2 play, 17-12. Samantala, sinubukan pang panipisin ng mga taga-San Marcelino ang kalamangan sa bisa ng atake ni Marc Paulino, 17-15. Gayunpaman, kaagad umarangkada si Kampton gamit ang crosscourt attack upang ibalik ang kalamangan sa apat na marka, 20-16. Bunsod ng nag-aalab na momentum, hindi na nagpaawat ang Taft mainstays at tuluyang sinungkit ang tagumpay mula sa atake ni open hitter Jules De Jesus, 25-23.
Bunsod ng matagumpay na pagratsada, naiukit ng Green Spikers ang kanilang puwesto sa Final Four sa ikalawang sunod na taon tangan ang 9-3 panalo-talo kartada. Samantala, sunod na makatutunggali ng Taft-based squad ang Ateneo De Manila University Blue Eagles ngayong Linggo, Abril 21, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa parehong lugar.