IKINADENA ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang University of Santo Tomas Golden Sox upang tapyasin ang unang tiket patungong finals, 6-4, sa semifinals ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Baseball Tournament sa University of the Philippines Baseball Field, Abril 14.
Nagsilbing tanglaw ng Berde at Puting pangkat si Green Batter Peter Nonaillada na humalili bilang pitcher sa buong laro at nagpalamlam sa opensa ng Golden Sox sa kaniyang pagpapakawala ng limang strikeout. Hindi rin naman nagpahuli si Ezykiel Bautista na sumipat ng tatlong runs batted in.
Sukbit man ang twice-to-beat advantage, hindi nagpakampante ang Green Batters buhat ng pag-asinta ni Nonaillada ng matutulin na pitch. Sa kabila nito, nautakan pa rin ni Golden Sox Reymond Vargas ang Taft-based squad nang makapagtala siya ng run para sa España mainstays. Bigo namang makabawi ang Green Batters bunsod ng pangangalawang ng kanilang opensa, 0-1.
Kapara ng init sa field, nagsimula nang lumiyab ang makina ng luntiang koponan sa ikalawang inning bitbit ang mas pinaigting na depensa na nagpatahimik sa Golden Sox. Naghudyat ito ng pagbulusok sa opensa ng Green Batters matapos pumukol ng isang hit mula kay Bautista upang angkinin ang kartada para sa mga manlalaro ng Taft, 2-1.
Sa pagpapatuloy ng mga sumunod na inning, mas mahigpit na tudlaan ang pumalibot sa diamond. Ngunit, kaagad itong tinuldukan ng pag-arangkada ng Green Batters sa ikaapat na inning. Tumarak ng magkakasunod na hit ang koponang nagpataas ng kanilang bentahe buhat ng dalawang run, 4-1.
Tinambakan man ng puntos, bumugso ang opensa ng Golden Sox sa pagbubukas ng ikalimang inning. Waging maselyuhan ng koponan ang lahat ng bases sa tulong ng pagpapatalas ng kanilang mga palo. Kasabay nito, pumoste para sa Green Batters si Nonaillada upang patalsikin si reigning Most Valuable Player Justine Rosales gamit ang strikeout sa ikalimang inning. Gayunpaman, bigong patahimikin ng Green Batters ang Golden Sox dahilan upang kumamada ang kabilang panig ng dalawang puntos, 4-3.
Walang naging sagot ang DLSU sa dalawang magkasunod na innings, ngunit bumira ng tatlong magkakasunod na out ang koponan pagtungtong ng ikapitong yugto para kalasin ang kapalaran ng Golden Sox. Tuluyang bumaling ang momentum sa Green Batters na pinangunahan nina Team Captain Vince Flores at Bautista na nagresulta sa dalawang run para sa koponan, 6-3.
Nanatiling maganda ang ihip ng hangin sa panig ng Green Batters at mariing pinangalagaan ang kanilang kalamangan. Sinubukan mang paalabin muli ang ningas sa pagsilat ng isang run sa huling inning, tuluyan nang lumuhod ang Golden Sox kontra sa defending champions mula sa Taft, 6-4.
Kaakibat ng kanilang pagtuligsa sa bangis ng Golden Sox, aariba muli ang Green Batters sa huling yugto ng kanilang kampanya sa naturang torneo. Susubukan nilang angkinin ang kampeonato upang matagumpay na maiukit ang makasaysayang three-peat.