BINAKURAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang pagsalakay ng University of the East (UE) Lady Warriors sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 9.
Nangibabaw sa pagbulusok ng Taft-based squad si middle blocker Thea Gagate matapos makapagtala ng 22 puntos hango sa 17 atake, tatlong block, at dalawang service ace. Bumida rin sa talaan si opposite hitter Shevana Laput bitbit ang 21 puntos mula sa 17 atake, tatlong block, at isang service ace. Sa kabilang dako, bumomba naman para sa Lady Warriors sina KC Cepada tangan ang 23 puntos at Cassie Dongallo na tumantos ng 20 marka.
Ibinungad ng Lady Spikers ang mga atake mula kay outside spiker Alleiah Malaluan sa paglarga ng sagupaan, 3-0. Kumamada naman ng 8-0 run ang Taft mainstays sa bisa ng koneksyon ni DLSU Team Captain Julia Coronel at Gagate sa gitna, 22-21. Unti-unting nagpatuloy ang panlalamig ng sandatahan mula Recto na siyang sinamantala ng mga atletang Lasalyano gamit ang off-the-block hit mula kay Laput, 25-23.
Sa kabila nito, bigong maitawid ng Lady Spikers ang momentum sa ikalawang set matapos hirap na pigilan ang pag-araro ni Dongallo ng mga puntos, 7-8. Gayunpaman, hindi nagpahuli ang pagmando ni Gagate sa gitna upang itabla ang talaan, 15-all. Sa pagpapatuloy ng set, depensa sa sahig ang naging puhunan ng Lady Warriors na siyang nagbunga upang gulantangin ni UE setter Kizzie Madriaga ang pader ng Taft, 17-20. Tuluyan nang ginambala ng sunod-sunod na errors ang panig ng Lady Spikers na pinalala ng back-to-back ace ni Dongallo upang tapusin ang set, 21-25.
Sa pagsapit ng ikatlong tudlaan, namayani muli ang giting ni Gagate nang utakan ang Lady Warriors sa kaniyang pagrehistro ng dalawang magkasunod na quick hit, 3-1. Umani naman ng puntos ang pagbalasa ni DLSU Head Coach Ramil De Jesus sa pagpasok ni outside hitter Maicah Larroza, 11-7. Tumikwas ang Recto-based squad matapos tuluyang tuldukan ni Laput ang naturang yugto, 25-17.
Binuksan ng mga taga-Taft ang ikaapat na set sa bisa ng pagpapasiklab ng koneksyon ni Gagate at Coronel sa gitna, 1-0. Gayunpaman, natanaw ang paghihingalo ng Lady Spikers nang magsumite ng tatlong markang kalamangan ang Lady Warriors, 15-18. Buhat nito, matagumpay na pinahaba ng mga taga-Recto ang bakbakan sa pangunguna ni Cepada, kaagapay ang pagselyo ni Dongallo sa naturang set, 22-25.
Sa paggulantang sa diwa ng Lady Spikers, tumarak ang pag-alab ng ningas ni Gagate sa kaniyang pagreyna sa gitna, 4-1. Hindi na rin nagpaawat ang paglagablab ni middle hitter Amie Provido at binaling ang limang puntos na bentahe sa Berde at Puting pangkat, 7-2. Sa kabila ng paglayo ng puntos ng Taft-based squad, sumagot muli ang Lady Warriors na pinangunahan nina Madriaga at Dongallo, 7-6. Sa huli, nanaig pa rin ang tikas ng Lady Spikers sa pangunguna ng block party at middle plays ni Gagate, 15-12.
Tangan ang panalo kontra sa mabalasik na Lady Warriors, nagningning ang liwayway ng Berde at Puting koponan bitbit ang 9-1 panalo-talo kartada. Abangan ang kapana-panabik na pagsalansang ng Lady Spikers kontra sa bangis ng naghahalimaw na National University Lady Bulldogs sa darating na Linggo, Abril 14, sa SM Mall of Asia Arena sa ganap na ika-4 ng hapon.