HINDI NAGPATINAG ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos pulbusin sa digmaan ang University of the East (UE) Red Warriors, 25-17, 25-11, 25-21, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 9.
Nagpasiklab para sa Green Spikers si outside hitter Noel Kampton matapos magsumite ng 17 puntos mula sa 16 na atake at isang service ace. Sa kabilang banda, nanguna si Red Warrior Angelo Reyes nang magpakawala ng 11 atake.
Sinimulan ni DLSU outside hitter Vince Maglinao ang sagupaan buhat ng dalawang magkasunod na puntos, 5-4. Itinulak ng Green Spikers ang kanilang momentum sa bisa ng pinagsama-samang atake, 13-6. Nagpakawala muli ng mga mababangis na palo sina winger duo Kampton at Maglinao para patahimikin ang determinadong UE, 18-10. Nagningning naman sa huli si Green Spiker Yoyong Mendoza matapos wakasan ang unang yugto, 25-17.
Sa pagbubukas ng ikalawang set, nagpatuloy ang pag-araro ng Taft-based squad sa Red Warriors nang magpasabog ng tirada si Kampton mula sa crosscourt, 13-5. Sa kabilang banda, sinubukan naman ng UE na makapuslit ng puntos sa bisa ng kanilang mga off-the-block hit. Ngunit, nanatiling matatag ang depensa ng Green Spikers matapos magrehistro ng kill block si opposite hitter Rui Ventura upang makabuno ng 12 puntos na bentahe, 22-10. Kaakibat nito, kaagad nang tinuldukan ni Kampton ang set gamit ang down-the-line hit, 25-11.
Dumiskarte si Nath Del Pilar ng isang lumalagapak na quick attack sa pagbubukas ng huling set, 1-all. Hindi napigilan si rookie Ventura matapos magpakawala ng isang bumubulusok na palo mula sa kaliwa, 9-8. Umukit naman ng isang quick attack si Red Warrior Shan Camaymayan upang itabla ang talaan, 11-all. Sinubukan pang paikliin ng Recto mainstays ang kalamangan, ngunit sinelyuhan na ng Taft-based squad ang sagupaan, 25-21.
Bunsod ng naturang panalo, natamo ng Green Spikers ang 7-3 panalo-talo kartada. Samantala, tatangkain ng Green Spikers na makabawi kontra National University Bulldogs sa darating na Linggo, Abril 14, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa SM Mall of Asia Arena.