Murang kasanayan kaakibat ng palyadong koneksyon, pawang mga indikasyon ng base na mabibigong depensahan. Waging nakapiglas ang Viridis Arcus Mobile Legends: Bang Bang (VA MLBB) Esports Team sa suposisyong ito bunsod ng sumisibol nilang kampanya sa pangkolehiyong entablado. Sa pagsabak ng koponan sa Alliance Games (AllG) 2022, kaagad na nabinyagan ng gintong medalya ang pangkat na nagpainit ng kanilang pangalan sa collegiate scene. Gayunpaman, lumagapak sa first runner-up ang Taft-based squad sa ginanap na AllG 2023.
Sa kabila ng pagyukod, hindi napagal sa paggapang ang koponan at lalong pinagtibay ang samahan patungong ginto sa Smart University Clash at Campus Legends PH. Bilang katuparang lunas sa napurnadang simula, tinapos ng VA MLBB ang taong 2023 bilang kauna-unahang kampeon ng Philippine Collegiate Championship. Kaugnay nito, ibinahagi ng koponan sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang payak na umpisa at natamong mga aral sa kabuuang biyahe patungo sa rurok ng tagumpay.
Namumukod-tanging mga kredensiyal
Bago sumabak sa pangkolehiyong eksena, may mga baong karanasan ang ilan sa mga nakatatandang miyembro ng VA MLBB na humubog sa kanilang kakayahang maglaro at pangunahan ang mga kasamahan. Sa bisa ng karanasan sa paglalaro sa MLBB Professional League (MPL), nakapagbibigay si jungler Nathaniel “Aspect” Tating ng mga kapaki-pakinabang na diskarte sa koponan. “‘Yung mga maliliit na bagay na hindi napapansin ng mga players parang sinasabi niya [Aspect] na gan’to dati sa MPL,” pagpapatotoo ni Team Captain Nixon “Jinx” Ong.
Ibinahagi rin ni Jinx ang pagkalugod sa tiwalang ibinibigay sa kaniya ng mga miyembro sa bawat kahaharaping laban. Pagpapalagay niya, nakapag-ambag sa kaniyang husay ang karanasan sa pagiging tagapagsanay kaya’t lubos ang kumpiyansa ng mga kasamahan sa kaniyang liderato. Bilang resulta, nakapag-iinoba ang koponan ng mga bagong balang isasalta sa bawat baril na ikakasa upang mabuo ang isang kohesibong puwersang handang dagundungin ang bawat landas na tatahakin sa Land of Dawn.
Estratehiya para manalo
Hindi naging madali ang paglalakbay ng VA MLBB patungo sa kasalukuyang kinatatayuan. Kadalasang sinusubok ang kanilang pag-eensayo ng personal na mga hidwaan at hindi pagkatutugma sa kanilang iskedyul. Buhat nito, naging mailap ang ginto sa kanilang hanay matapos silang talunin ng Lyceum of the Philippines University Pirate Esports sa AllG 2023. Bumaba ang moral ng koponan matapos ang pagkabigo subalit itinuon nila ang kanilang pansin sa paghahanda para sa mga susunod pang torneo.
Bilang parte ng rehimen, nakikipag-scrim ang VA MLBB sa ibang mga pangkat na kadalasang nakatatapat nila sa mga torneong nilalahukan. Sa bawat laro, pinupukol nilang hasain ang komunikasyon at pagbuo ng estratehiya. Pinanonood din nila ang mga replay upang mas makilala ang kanilang mga sarili at mga katunggali. Bukod pa rito, tahasang ibinibigay ng bawat miyembro ang kritisismo sa isa’t isa. Pagbabahagi ni midlaner Clement “Clem” Chua, kinakailangan din nilang patunayan ang kanilang puwesto sa lineup, lalo na kapag kinakapos sa pagsasakatuparan ng gampanin.
Paglarga ng panibagong alamat
Sa pag-usad ng kabanata, nakararamdam pa rin ng paghihikahos ang VA MLBB sa tuwing bumabalik ang mapait na eksena sa AllG 2023. Gayunpaman, kaysa madiskaril, ginagamit nila ang mga ito upang gutumin ang higanteng nasa hawla. Para naman sa sixth man ng koponan na si Harvey “Vey” Aquilino, maituturing na pangunahing sangkap ng kanilang pagkamada sa entablado ang hindi kailanmang pagkakuntento sa mga naitalang titulo. Sa halip, nagsisilbing reserbang pahina ang mga tagumpay na ito bilang pandagdag-espasyo sa kwaderno ng karangalan ng koponan.
Sa maikling panahon, matuling sumiklab ang VA MLBB bilang baguhang grupo sa collegiate scene. Bunsod nito, itinuturing silang panganib ng mga katunggali sa torneo. “Dahil po tingin nila sa amin [kami ang] pinakamalakas and champion sa mga recent tournament, so tingin ko, kami po ‘yung target nila, kami po ‘yung pinaghahandaan nila,” ani Jinx. Samantala, taos-pusong nagpasasalamat si Clem sa pamayanang Lasalyano at sa lahat ng mga tagasuporta ng koponan sa kabila ng minsang pagkadapa sa laban. Buong-loob ding ipinangako ni Clem na muli nilang sisikaping kulimbatin ang kampeonato para sa Berde at Puti.
Bakas sa VA MLBB ang imahen ng mga mahahalagang piyesang pinagbuklod at pinanday upang maging isang halimaw na koponan. Habang patuloy ang pagsasanib-puwersa ng bawat miyembro, oras na lamang ang kanilang hinihintay sa pagpapakawala ng dragong nakapiit na magpaliliyab sa entablado ng esports.