Sa bilis ng daloy ng panahon, nagbabadya na naman ang dulo para sa mga tsuper na hindi sasapi sa kooperatiba o korporasyon hanggang Abril 30, na unang hakbang kaugnay ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Kung susunod sila sa rekisitong ito, sunod na punto ang pag-upgrade ng kanilang makina o pagbili ng bagong sasakyan upang maabot ang standard na Euro-4 na makina. Sa kabilang banda, magreresulta sa kawalan ng hanapbuhay ang hindi pagsapi dahil mga tsuper na miyembro ng kooperatiba o korporasyon na lamang ang papayagang magkaroon ng prangkisa.
Madaling sumang-ayon sa mga programang ibinibida ang modernisasyon at ang magandang epekto nito sa kalikasan at antas ng transportasyon sa bansa— ibinabandera nga naman nito ang salitang ‘pag-unlad’. Ngunit kung tutuusing mabuti, may mapag-iiwanan sa biyaheng ito kung hindi naisasaalang-alang ang pangmatagalang epekto sa kapakanan at kinabukasan ng mga drayber na mismong pundasyon ng pampublikong transportasyon sa bansa. Sa arangkada tungo sa kaunlaran, harurot na matatawag ito kung patuloy na may napupuruhan.
Mula sa Php150,000-Php250,000 na halaga para magkaroon ng tradisyonal na jeep, papalo sa Php1.4 hanggang Php1.6 na milyon ang kailangang bunuin ng mga drayber sa mga susunod na taon kaugnay ng PUVMP. Maaari pa itong umabot sa 2.8 milyon kung kukuhanin ang sasakyan sa pamamagitan ng utang.
Nakalulula ang halaga—napakalaking dagdag sa iisipin ng mga drayber bukod pa sa perang kinakailangan nilang maiuwi pantustos sa pang-araw-araw. Sa kasong ito, kinakailangan ng matinding suporta ng gobyerno upang tulungan ang mga tsuper na makatawid nang matiwasay tungo sa programang ito. Hindi maaaring lalapagan na lamang ng programa at mga rekisito ang mga drayber—nararapat na isaalang-alang ang gastusin at ang pangmatagalang epekto sa kapakanan at kinabukasan nila.
Sabihin mang tutulungan ng gobyerno ang mga drayber na mawawalan ng hanapbuhay dahil sa kanilang hindi pagsapi sa kooperatiba o korporasyon, paano sila mabibigyan ng kasiguraduhang mapagkakalooban sila ng trabaho pagkatapos ng pagsasanay sa ilalim ng TESDA? Paano mabibigyang linaw at kasiguraduhan ang kanilang kinabukasan? Hindi ako tutol sa mga programang layon ang pag-unlad lalo na kung para sa ikabubuti ng kalikasan at antas ng pamumuhay sa hinaharap, ngunit tutol ako sa mga prosesong anti-poor at kulang sa pakikinig sa hinaing ng mga apektadong grupo.
Mula noon hanggang ngayon, tungkol man sa usaping modernisasyon ng mga tradisyonal na jeepney o iba pang diskusyong nakaangkla tungo sa kaunlaran, pangunahin na dapat ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga grupong lubos na maaapektuhan. Anomang isyu ang nakalapag, kaisa ako sa pangangalampag at pagsulong ng mga panawagang gawing makatao ang bawat programa at ang mga prosesong kaakibat nito.