Sa pagpasok sa mundo ng TikTok, masasaksihan ang makulay at masiglang mundong puno ng mga kuwento at talento. Nagtatampok ito ng maiikling bidyong may iba’t ibang estilo ng pagpapakitang-gilas at pagpapahayag ng impormasyon. Tulay ang plataporma upang maipakita sa mundo ang talentong taglay ng bawat tao at makapukaw ng atensyon sa mga isyung panlipunan.
Tila isang kuwento ng paglalakbay mula sa kagustuhang ipahayag ang sarili hanggang sa pagtatagumpay sa mundong digital. Hindi na kailangang pumasok sa showbiz para makamit ang kasikatan. Anumang edad, okupasyon, o kasarian, lahat maaaring maging bahagi ng natatanging komunidad ng TikTok.
Paglikha sa likod ng kamera
Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang Lasalyanong content creator na si Deo Cabrera, 20 taong gulang mula sa programang AB in Psychology. Pagbabahagi ni Cabrera, pumasok siya sa mundo ng TikTok noong Oktubre 2022 dahil sa pag-uudyok ng kaniyang kapatid. “Nakikita ko ‘yung ginagawa niya [bilang isang content creator], tapos parang gusto ko ring gawin ‘yun,” paliwanag niya. Naging daan din umano ito upang mapagtibay ang samahan nilang magkapatid dulot ng sabay na pagdalo sa mga okasyon ng mga content creator at pagtutulungan sa pagbuo ng mga kawili-wiling bidyo.
Bilang content creator, nakasentro sa pananamit at sa kaniyang karanasan bilang queer ang mga bidyo ni Cabrera. Sa pamamagitan nito, itinaguyod niya ang kasabihang “clothes are genderless” na nagbibigay-inspirasyon sa madla. Lalo pang sinubaybayan si Cabrera dahil sa kaniyang nakaaaliw na pakikipanayam sa mga Lasalyano at malikhaing pag-edit ng mga bidyo.
Sa kasalukuyan, may mahigit siyamnapung libong followers si Cabrera sa naturang aplikasyon.Kapwa queer ang karamihan sa manonood ng mga bidyo ni Cabrera sapagkat nakaayon sa personal na pagkonsumo ang uri ng content na ipinapakita sa feed ng isang indibidwal. Subalit sa oras na dumako ang mga bidyo ni Cabrera palihis sa naturang komunidad, hindi maiiwasang makatanggap siya ng panlalait lalo na sa kaniyang kasarian.
“Ang sakit mo sa mata, ‘yung mga lalaki hindi dapat nagsusuot ng ganyan, hindi ka dapat pinapayagan sa school,” ilan lamang umano ito sa mga komentong kaniyang natatanggap. Gayunpaman, hindi ito iniinda ni Cabrera at mas masakit aniya ang pagkutya sa kaniyang mga likha kaysa sa natatanggap na diskriminasyon. Pagdidiin niya, hindi niya responsibilidad ang saradong isipan ng ilang tao.
Pagsungkit sa talang hindi mabilang
Masisilayan sa makukulay na istilo ang ligayang hatid ng paglikha para sa mga content creator na kagaya ni Cabrera. Dulot ng magkakaibang pagtanggap ng komunidad sa kaniyang mga bidyo, lalo pa siyang naeengganyong pagbutihin ang ginagawa. Buong puso rin niyang ipinagmalaking maraming oportunidad ang nagbukas para sa kaniya kahit nagsisimula pa lamang. Kabilang na rito ang makasama sa pabalat ng isang magazine, mailathala sa mga artikulo, at makatrabaho ang ilang mga kilalang kompanya.
Hitik man ang mga pagpapala, hindi itinuturing ni Cabrera na nasa rurok na siya ng kasikatan. Sa unti-unting pagkinang ng kaniyang pangalan, aminado siyang marami pang kailangang matutuhan sa pasikot-sikot sa loob ng industriyang tinatahak. Kabilang na rito ang pagpapanatili ng ugnayan sa mga kompanya at pagpabubuti ng estilo sa paglalathala ng mga bidyo.
Gayundin, inilatag niya ang hangaring mapataas pa ang kaniyang impluwensiya upang lalong palaganapin ang kaniyang nasimulang adbokasiya. Noon pa man, nais na niyang burahin ang makitid na pamantayan ng lipunan ukol sa pananamit base sa kasarian. Pagdidiin ni Cabrera, “[Ang] mga damit, lahat ‘yan ay mga piraso lamang ng tela na dapat hindi natin binibigyan ng kasarian kaya suotin mo kung anong gusto mong suotin.” Ikinalulugod naman niyang makatanggap ng mga komentong nagsasabing tumaas ang kanilang kumpiyansang pumorma dahil sa kaniyang content.
Isiniwalat din ni Cabrera ang matinding pasaning dulot ng mga pagsubok bilang isang estudyanteng content creator. Malaking hamon ang mag-isip ng mga bagong ideyang ilalathala sa social media habang nakikipagsapalaran sa loob ng Pamantasan. Aniya, sa likod ng magagarbong pormahan inihaharap sa madla, mahirap ding panatilihin ang ganitong klase ng imahen. “‘Yung pressure of being a student and ‘yung pressure of always being a good content creator is always there,” pagsisiwalat niya.
Pagkamit ng tagumpay sa kabila ng diskriminasyon
Kaakibat ng kasikatan ni Cabrera ang mga taong tahasang nagkokomento ng mga hindi kanais-nais. Mababatid na laganap pa rin ang diskriminasyon, lalo na sa mga kabilang sa komunidad ng LGBTQIA+. Gayunpaman, hindi man sang-ayon ang ilan sa kaniyang mga ginagawa, patuloy pa rin si Cabrera sa paglikha ng mga bidyong nakapagpapasaya sa kaniyang mga manonood. Pagbabahagi niya, pinalalakas ng kaniyang mga mahal sa buhay at mga tagasubaybay ang kaniyang loob upang magpatuloy tungo sa pagiging isang matagumpay na content creator.
Sa kabila ng hirap at mga hamon, masidhing pagpupursigi at kumpiyansa ang ipinamalas ni Cabrera. Patuloy lamang niyang pinatutunayanghindi man madaling makamit ang tagumpay, hindi siya magpatitinag kailanman sa anomang pangungutya. Sa gayon, hindi mapipigilan ang kaniyang pagkinang sa paglalayag ng natatanging personalidad at adhikain sa madla.