UMALINGAWNGAW ang mga hinaing ng mga manggagawa mula sa impormal na sektor ukol sa seguridad ng angkop na sahod at proteksyon sa gitna ng walang katiyakang bilang ng trabaho. Ilan sa katangian ng mga impormal na trabaho na kinabibilangan ng mga freelance at part-time worker ang panandaliang kontrata, malayang pagpili ng kliyente, at maluwag na paghawak sa sariling oras. Gayunpaman, kaakibat din nito ang suliranin sa walang katiyakang daloy ng sahod at pagsunod sa kontrata ng kliyente.
Ayon sa Informal Sector Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority noong 2018, 38% ng labor force o 15.68 milyong Pilipino ang impormal na mga trabahador. Samantala, tinatayang 470 bilyong dolyar naman ang halaga ng impormal na ekonomiya ng Pilipinas. Patunay ang mga datos na ito ng lumalagong impormal na sektor, bagkus kinakailangang matugunan ang kanilang mga kinahaharap na suliranin sa gitna ng masumpunging ekonomiya at presyo ng bilihin.
Kakayahan bilang puhunan
Ayon sa Employment Situation Update ng Congressional Policy and Budget Research Department, patuloy ang pagtaas ng Labor Force Participation Rate ng Pilipinas mula 63.4% noong 2022 hanggang 65.1% noong 2023. Umakyat din sa 50.3 milyon ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Abril 2023. Maganda man ang implikasyon nito sa estado ng workforce, marapat sipatin ang malaking porsyentong binubuo ng impormal na trabaho.
Para sa impormal na sektor, hindi maiiwasan ang pagtumal ng mga kliyente at ang kakapusan ng perang pantustos sa isang buwan. Bukod sa hindi tiyak ang sahod, madalas hindi napaloloob sa kontrata ang napagkasunduang bayad sa kanilang serbisyo. Sa ulat ng Washington Post noong Agosto 2023, ibinunyag ng libo-libong Pilipinong freelancer na hindi sila nasasahuran nang tama sa oras at halaga. Bunsod nito, kasabay ng tumataas na presyo ng bilihin, lalong nagigipit ang mga manggagawa.
Bilang tugon sa lumalagong ‘gig economy’, inaprubahan ng Kongreso ang House Bill No. 6718 o Freelance Workers Protection Act noong Pebrero 2023. Layon nitong protektahan ang mga freelance worker sa mga pananamantala at magsulong ng tax relief na magpagagaan sa bayarin ng mga trabahador. Gayundin, sinisiguro nitong maiiwasan ang pagkaantala ng trabaho ng mga freelancer.
Overtime sa peligro
Maituturing ding impormal na trabaho ang part-time na trabaho ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Ayon sa Commission of Education, 215,000 estudyante sa kolehiyo ang pinagsasabay ang pag-aaral at paghahanapbuhay. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Aldrin Sojourner Gamayon, isang estudyante mula Ateneo De Manila University at isang part-time digital marketing manager, upang higit na maunawaan ang kaginhawaang dulot ng impormal na mga trabaho sa mga estudyanteng katulad niya.
Ayon kay Gamayon, kinakailangan niyang mag-trabaho ng part-time upang matustusan ang kaniyang mga gastusin sa pag-aaral katulad ng matrikula, pagkain, renta, at miscellaneous fees. Para sa kaniya, mas angkop sa sitwasyon ang part-time na trabaho dahil wala itong tiyak na oras ng trabaho. “Yung full-time job kasi usually sa Pilipinas is an office-based work set-up. ‘Yung mga informal jobs, you can do it anywhere you want it, anytime you want it. It’s something we really greatly appreciate,” saad ni Gamayon.
Bagamat angkop sa sitwasyon ni Gamayon ang paghahanapbuhay ng part-time, ibinahagi rin niya ang ilan sa mga problema rito. Binigyang-diin niya ang kakulangan sa mga batas na nagbibigay-proteksyon sa mga part-time worker. Binanggit din ni Gamayon na kadalasang sa Estados Unidos kumukuha ng trabaho ang mga naghahanap ng part-time, ngunit walang seguridad at proteksyon ang mga manggagawa rito sapagkat hindi ito nasasaklaw ng batas.
Iginiit rin niyang bigyang-proteksyon at seguridad ng gobyerno ang mga impormal na manggagawa ng bansa sapagkat hindi pa naisasabatas ang Freelance Workers Protection Act. Ani Gamayon, “Sa Pilipinas, wala talaga. They really can’t give you anything. At least give us something that will protect us if ever. Kasi ako, noong nawala ‘yung work ko, biglaan ‘yun. Walang separation pay na stipulated by laws sa Pilipinas.”
Tugon ng DOLE
Bilang hakbang tungo sa pagpabubuti ng kalagayan ng mga impormal na manggagawa, ipinatupad ng Department of Labor and Employment ang ilang programang naghahandog ng karagdagang trabaho. Bahagi na rito ang programang Negosyo Sa Kariton na inilunsad ng Department of Labor and Employment Region 7 nitong Nobyembre na naghandog ng pondo sa 23 benepisyaryo mula sa impormal na sektor upang makapagsimula ng negosyo sa paghihinang, pagluluto, pag-imprenta, at pananahi.
Bilang karagdagan, nagbahagi rin ang DOLE ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa mula sa impormal na sektor ng Zamboanga del Norte sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers. Inaasahang lumago ang mga inisyatibang ito upang maisulong ang kabuuang kaunlaran ng kalidad ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino.
Sa kabila ng kakulangan sa seguridad sa impormal na trabaho, patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipinong naghahanap nito. Bilang ipinagmamalaki ng administrasyon ang papel nito sa ekonomiya ng Pilipinas, nararapat lamang na bigyan ito ng sapat na proteksyon nang sa gayon mas masiguro rin ang pagiging produktibo ng mga ito.