Kasiyahan at pagmamahalan ang unang nararamdaman ng bawat Pilipino tuwing may selebrasyon. Kapaskuhan, kaarawan, o anibersaryo man iyan, pinahahalagahan ng mga Pilipino ang bawat pagdiriwang. Ngunit sa likod ng makukulay na dekorasyon at masisiglang kantahan, nababalot ang masa sa alingawngaw ng mga suliraning bumibigat sa kanilang mga balikat. Hindi maitatanggi, nakaambang ang bawat selebrasyon sa bansa ng masusing pagmumulat sa mga usaping nagbubukas ng mga mata at puso ng mamamayan.
Una sa listahan ang pag-angat ng presyo ng mga bilihin. Matindi ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing kalakal sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino. Halimbawa, ang mga inaasahan ng marami na diwa ng Pasko, tulad ng Noche Buena at handog para sa mga mahal sa buhay–unti-unting nanganganib dahil sa lumalaking puwang sa bulsa ng bawat pamilyang Pilipino. Bagamat bahagyang bumaba ang implasyon nitong mga nagdaang buwan, kung tutuusin, mataas pa rin ang 3.4% nitong Pebrero.
Maliban dito, mas malupit na kahirapan ang nadadama ng mga tsuper at komyuter sa gitna ng walang-humpay na pagtaas ng presyo ng langis. Sa bawat pagtaas ng presyo ng gasolina, tila ba’t dumadagdag pa ang bigat ng pasanin ng mga nagtitiyagang magmaneho para mabigyang-sustento ang kanilang pamilya. Muling bumabalik ang agos ng pagtaas ng pasahe, isang dagok para sa mga kawawang pasaherong araw-araw na nakikipagsapalaran sa pag-akyat at pagbaba ng pampasaherong sasakyan.
Isa pang napakabigat na hamon? Ang lumalalang trapiko sa mga lungsod, na hindi lamang nararanasan sa Metro Manila, kundi sa mga karatig probinsya na rin. Nagiging sanhi ng pag-aaksaya ng oras, enerhiya, at pera ang pabalik-balik na pag-iskedyul ng mamamayan para lamang makarating sa kanilang lugar ng trabaho. Sa gitna ng masalimuot na sitwasyon, tila ba’t nagiging luho na lamang para sa karamihan ng mga Pilipino ang pagsapantaha sa materyal na aspekto ng buhay.
Sa pangangailangan ng mga mamamayan ng solusyon sa mga hindi matapos-tapos na problemang ito, muli akong nananawagan, kaisa ang aking mga kababayan, sa pamahalaan na magsilbing tanglaw sa panahon ng kadiliman. Hindi sapat ang mga pangako; nais ng mamamayan na makita ang mga konkretong hakbang na tutugon sa mga pangangailangan ng karamihan. Hindi porke’t hindi nararanasan ng mga naghahari-harian, hindi na nila tutugunan. Juan, hanggang kailan ka maghihirap?
Dapat maging pagsusulsol sa pamahalaan na gawing priyoridad ang kapakanan ng nakararami ang nag-uumpugang damdamin ng bawat Pilipino. Huwag sanang maging dayuhan sa pangangailangan ng mga mamamayan, bagkus, maging malapit sa karanasan at makiramay sa kanilang mga laban.
Sa kabila ng mga pagsubok na ating hinaharap, pagmamahalan at pagtutulungan ang magiging pundasyon ng pagbangon. Ngunit hindi ito magtatagumpay kung walang pananagutan mula sa mga lider na pinagkatiwalian ng sambayanan. Hindi lamang pagdiriwang ang bawat selebrasyon kundi pagkakataong gisingin ang ating kamalayan sa mga totoong isyu na kinahaharap ng ating lipunan.