“Mas mahirap talagang magpatawa kaysa magdrama. Magdrama ka, kahit hindi ka makaiyak,drama pa rin ‘yon. Magpatawa ka, ‘pag di ka nakakatawa, hindi na ‘yon comedy.” – Comedy King, Dolphy
Mula sa Comedy King na si Dolphy ng Dekada 90 tungo sa Unkabogable Vice Ganda ng modernong telebisyon, nagsilbing libangan at pampalipas-oras ang pakikinig at panonood ng komedya. Nakasubaybay ang bawat pamilyang Pilipino sa kani-kanilang telebisyon hanggang naging bahagi na ito ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Tinututukan nila ang mga palabas tuwing tanghali at tinatangkilik ang mga pelikulang komedya lalo na tuwing kapaskuhan—nakatanim na ang diwa ng komedya sa kulturang Pilipino.
Kasabay ng takbo ng panahon, ganoon rin ang pagbabago sa uri ng komedyang kinokonsumo ng mga Pilipino. Mas naging mapanuri ang mga tao sa mga birong ibinabato tungkol sa mental o pisikal na pangangatawan ng isang tao. Sumasabay sa pagsulong ng mga pananaw ang kaangkupan ng mga paksang ginagawang katatawanan. Paano seseryosohin ang mga isyung patuloy na hinahalakhakan? Sa kabilang dako, maaaring magbigay-tanglaw ang komedya sa mga isyung panlipunan. Nagbibigay-kalituhan ang malabong pamantayan ng maaaring katatawanan, saan iguguhit ang linya sa pagitan ng komedya at realidad?
Paglusong sa alon ng pagpapatawa
Sabay lang sa agos ng panahon—’yan ang kadalasang tema sa midya lalo na sa larangan ng komedya. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Victor Anastacio, isang standup comedian, ibinahagi niya ang pakikiayon sa nagbabagong kalakaran ng pagpapatawa.
Nagsimula si Anastacio sa larangan ng komedya noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Sa kaniyang pamamalagi sa industriya, marami-rami na rin siyang napatawa at nakasalumuhang sikat na personalidad. Sa mundo ring ito, nakilala niya ang mga kasama sa Comedy Manila, isang bahay-produksyong nagtatampok ng mga komedyante.
Tila isang bangkerong may direksyon o estratehiyang sinusunod si Anastacio sa tuwing tatapak sa entablado. Sa live na programa, inaayon niya ang atake sa pagbibiro sa nakikitang reaksyon ng mga manonood. “As long as naeentertain sila, parang ‘yun ‘yung compass ko na okay pa ‘yung ginagawa ko,” aniya. Dagdag pa niya, dalawang bagay lamang ang isinasaalang-alang niya tuwing may sasambiting biro—nakatatawa ba o hindi. Sakaling hindi, sisikapin niyang alamin ang dahilan sa likod ng hindi nakatatawang biro.
Natural lang ang paglipat online ng mga komedyante sapagkat marami na ang gumagamit ng internet. Iba’t ibang tao ang makasasalamuha, samu’t saring kasarian, edad, at estado sa buhay—mahirap tantyahin ang magiging reaksyon ng bawat isa. Kaya naman, inilahad ni Anastacio na mas pinagtutuonan niya ng pansin ang pagtatanghal nang live dahil mas matutuklasan agad sakaling hindi magustuhan ang kaniyang biro.
Pagpapatawang may pag-iingat
Hindi na madaling makakuha ng matatamis na ngiti o nakabubusog na halakhak mula sa mga kumokonsumo ng komedya. Paliwanag ni Anastacio, marahil dahil ito sa nagbabagong prinsipyo ng mga tao. Hinuhubog nito ang pagtingin ng mga tao ukol sa mga kuwento o isyung panlipunang katanggap-tanggap na gawing katatawanan.
Magkakaiba ang uri ng komedya at mga birong kumikiliti sa isipan ng bawat isa. May mga taong natutuwa sa mga birong ukol sa hitsura o katawan, ngunit may iilan ding hindi nasisiyahan dito. Sa paglaganap ng insensitibong komedya, pinalalabo nito ang konsepto ng respeto sa kapwa. Ginagawang biro ng ilang indibidwal ang sinasapit ng marami—kapansanan o diskriminasyongnag-uugat sa lahi, kasarian, o antas ng pamumuhay. Kaya naman, mahalagang mahanap ang balanse sa pagpapatawa. “Kailangang sabay ‘yung pwede maging offensive tsaka pwede maging sobrang nakakatawa… So ‘yun ‘yung ginagauge ko,” paliwanag ni Anastacio.
Sa kabila nito, inilahad ni Anastacio na may takot din siyang maging bahagi ng “cancel culture” sa internet. Gayunpaman, motibasyon para sa mga tulad niya ang pagbabago sa pagtanggap ng mga biro. Itinutulak silang maging malikhain sa pagbabato ng kanilang mga linya sa modernong panahon.
Hindi lamang instrumento ng paglilibang ang komedya. Salamin ang mga biro ng katotohanan sa mga pangyayari sa bansa. Hindi madadaya ang komedya ayon kay Anastacio, “Hindi [iyon] manggagaling sa isang kumpanya o isang politiko o isang religion. . . comedy ‘yung pinakasabihin na nating hindi biased.” Ipinaalala rin niyang mahahanap ang esensiya ng komedya sa pagiging taos-puso at orihinal.
Pananagutan ng komedya
Inilalarawan ng komedya ang iba’t ibang aspeto ng buhay, kultura, at lipunan sa paraang nagbibigay-aliw sa mga manonood. Subalit, isa rin itong daan upang bigyang-diin ang masusing pagsusuri sa mga isyung bumabalot sa lipunan. Sa pagiging kritikal sa mga nangyayari, nagkakaroon ng diskurso sa lahat ng uri ng plataporma.
Layunin ng komedyang magpasaya at hindi manakit ng damdamin ng iba. Tila ligaw na bala, maaaring makapanakit ang mga birong walang pakundangang ibinabato sa kawalan. Mahalagang mahanap ang balanse sa pagitan ng aliw at pananagutan sa lipunan. Isang sining na may responsibilidad ang komedya—dapat magbigay-pansin sa usaping panlipunan kasabay ng paghahatid ng saya sa madla.