Mula sa pagiging pamoso dahil sa taglay nitong rilag, kilala na ang Manila Bay bilang daluyan ng polusyon. Maraming proyektong reklamasyon ang inilunsad ng pamahalaan upang tugunan ang suliraning ito. Subalit sa kasamaang palad, naging dagdag na pasakit lamang ang solusyon na ito sa problemang pangkalikasan na kinahaharap ng naturang daungan.
Ibinahagi ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang saloobin hinggil sa peligrong hatid ng reklamasyon sa Manila Bay. Binigyang-diin ng National Mapping and Resource Information Authority na salik ang mga proyektong reklamasyon sa pagtaas ng sea level sa baybaying ito. Samantala, inaasahan namang susuriin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang epekto ng reklamasyon sa paglaganap ng pagbaha sa mga mababang lugar. Kaakibat ng suliraning pangkalikasan na ito ang nakaambang peligro laban sa mga aktibistang kontra sa reklamasyon.
Laban para sa kalikasan
Inihayag ni Robert Medrano, campaign coordinator ng Earth Island Institute Philippines (EII-P), sa Ang Pahayagang Plaridel na mahalaga ang baybayin ng Manila Bay dahil sagana ito sa iba’t ibang klaseng halaman at hayop na nagbibigay-kabuhayan sa mga mamamayan. Aniya, mariin niyang tinututulan ang reklamasyon sapagkat maaaring makaapekto ito sa biodiversity ng karagatan at makasira sa natural na balanse ng ekosistema ng lugar, partikular na sa sea grass, koral, at wetlands.
Rehabilitasyon naman ang isinusulong na solusyon ng EII-P sa baybayin ng Manila Bay. Mula 2015, isinasagawa ng naturang samahan ang coastal clean-up at education campaigns para sa mga mangingisda hinggil sa pangangalaga ng kalikasan at mga batas gaya ng Philippine Fisheries Code of 1998 at NIPAS Act of 1992. Maliban dito, ibinabahagi nila ang solusyong nakabatay sa kalikasan tulad ng pagtatanim ng bakawan sa tamang lugar kaysa sa reklamasyon. Naniniwala silang nasa tamang edukasyon at pag-unawa ng mamamayan ang susi sa matagumpay na rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sa kabilang banda, ipinahayag din ni Medrano na mahalaga ang pagtindig laban sa pang-aabuso sa karapatang pantao na maaaring kaharapin ng mga sumasalungat sa reklamasyon. Kasabay nito, inaanyayahan ng EII-P ang ibang organisasyong pangkapaligiran na maghanda at magkaroon ng sapat na kaalaman upang palakasin ang kanilang tinig sa pangangalaga sa kalikasan. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng maayos na diskurso ang pamahalaan at mamamayan para maprotektahan ang iba’t ibang sektor na apektado ng reklamasyon.
Sementadong tubig sa palaisdaan
Isa ang Bulungan Fish Market sa La Huerta, Paranaque sa apektado ng reklamasyon sa Manila Bay. Noong 2021, naglabas ng pahayag ang DENR hinggil sa demolisyon ng mga saprahan, fish cages, at tahongan na aabot sa baybayin ng Kawit, Cavite. Tinatayang 200 pamilya ang napinsala sa naturang aksyon ng DENR. Bagamat nagprotesta ang mga mangingisda sa Bulungan laban sa polisiya ng ahensya, nanatiling matigas ang DENR sa kanilang desisyon upang bigyang-daan ang mga proyekto ng reklamasyon.
Dagdag pa rito, tuloy ang banta ng industriyalisasyon sa naturang baybayin. Ayon sa People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems, mula sa 53 proyekto sa pambansang saklaw, 23 ang itatayo sa Manila Bay. Samantala tatlong magkakaibang korporasyon ang sumusuporta sa reklamasyon sa Parañaque Coastal Bay na madalas dinadaanan ng mga mangingisda ng Bulungan upang makapaghanap-buhay.
Noong Mayo 2021, pinaburan ng Korte Suprema ang Alltech Contractor’s Inc. mula sa 11-2 na boto. “The threat was not established and the volumes of data generated by objective and expert analyses ruled out the scientific uncertainty,” ayon sa ruling ng Korte. Taliwas ito sa masalimuot na realidad ng mga mangingisda ng Bulungan. Sa panayam ng GMA News sa residenteng mangingisda, isiniwalat nilang lubhang bumaba ang mga isdang nahuhuli dulot ng pagtapal ng semento sa katubigan ng Maynila. Isang malaking salot ito sa mga mangingisda na napipilitang hindi na pumalaot at maghanap ng ibang klaseng hanapbuhay.
Aksyon sa reklamasyon
Pagbibigay-priyoridad sa rehabilitasyon laban sa reklamasyon ang isinasamo ng mga mangingisda at mga aktibistang tulad nina Jhed Tamano at Jolina Castro. Anila, tanging malalaking korporasyon ang nakikinabang sa reklamasyon dahil negosyo at konstruksyon ang tanging mga nabibigyan nito ng oportunidad habang patuloy na tinatanggalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda at sinisira ang kalikasan.
Patunay ang pagkakaaresto kay Tamano at Castro ng pagsupil sa kalayaan ng mamamayang magpahayag laban sa mga proyektong reklamasyon ng gobyerno. Dulot ng pagtatanggol nina Tamano at Castro sa kalikasan, inaresto sila ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang kanilang adbokasiyang tutulan ang reklamasyon sa Manila Bay.
Malinis na kapaligiran at ligtas na tirahan ang tanging hinahangad ng bawat mamamayang Pilipino na siyang ipinaglalaban ng mga mangingisda at progresibong indibidwal tulad nina Tamano at Castro. Sa harap ng kontrobersyal na proyektong reklamasyon sa Manila Bay, nagpamalas sila ng matibay na paninindigan. Hindi makatao ang ginagawang pagpapatahimik sa mga progresibong indibidwal na lumalaban para lamang sa ikabubuti ng kapaligiran at ng taong bayan. Hindi kailanman magiging solusyon ang sapilitang pagtanggal ng boses sa mga aktibong kritiko ng pamahalaan.