ITINAMPOK ni University Student Government (USG) President Raphael Hari-Ong ang mga proyektong pinangunahan ng USG upang tugunan ang pangangailangan ng pamayanang Lasalyano sa isinagawang State of Student Governance (SSG) sa Pamantasang De La Salle (DLSU), Marso 20.
Tahasang paninindigan
Binalikan ni Hari-Ong USG ang naging krusada kontra sa pagtaas ng matrikula at pagsasakatuparan ng 0% Tuition Fee Increase (TFI) sa Pamantasan. Pagpapabatid niya, naibaba ang TFI sa 5% mula sa iminumungkahing 9.21% ng Association of Faculty and Educators of DLSU, Inc. and Employees’ Association matapos maipasa ang apela sa Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fee.
Gayunpaman, hindi aniya maituturing na tagumpay ang 5% TFI, dahil isa itong dagdag pasakit sa mga problemang kinahaharap ng mga estudyante at kanilang mga magulang. Nanindigan si Hari-Ong na makikipag-ugnayan ang USG sa Pamantasan upang mailaan ang dagdag sa matrikula para sa mga proyektong mapapakinabangan ng mga estudyante.
Tumindig din ang USG sa mga pambansang usapin, partikular na ang paggunita ng EDSA Revolution at pagtalakay sa Charter Change (ChaCha). Buong-pusong ipinagmalaki ni Hari-Ong na mahigit 500 estudyante ang lumahok sa ginanap na roundtable discussion na “Proyektong EDSA: Alay sa Bukas, Tayo ang Pag-Asa” na dinaluhan nina Atty. Leila de Lima, Prof. Xiao Chua, Hon. Raoul Manuel, at Dr. Judy Taguiwalo.
Nakiisa rin sa kauna-unahang pagkakataon ang USG sa wreath-laying ceremony na ginanap sa EDSA People Power Monument upang gunitain ang ika-38 anibersaryo ng People Power Revolution noong Pebrero 25. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Hari-Ong na patuloy igalang ang ating nakaraan at aktibong ipaglaban ang karapatang pantao.
Inilunsad din ang Kapihan ng Malalayang Lasalyano na nagtampok ng mga usaping patungkol sa ChaCha at mga posibleng epekto nito sa sektor ng edukasyon. Matatandaang nagsagawa rin ng kilos-protesta at prayer vigil ang USG nitong Pebrero 23 bilang pag-alala sa mga biktima ng Batas Militar at kondenahin ang pagsasabatas ng ChaCha.
Tugon sa mga pang-akademikong pangangailangan
Pinasadahan din sa SSG ang mga programang ikinasa ng Office of the Executive Treasurer na nakatuon sa pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga estudyante, gaya ng pagpapatupad ng Unified Sectoral Scholarship Program. Isinulong din ang 3-Point Subsidy Program na nakasentro sa pamamahagi ng transportation subsidy, load cards para sa hybrid learning, at karagdagang stipend para sa mga atleta.
Inanunsiyo rin ni Hari-Ong ang paglunsad ng Scholar’s Card, isang ekslusibong programang nakalaan sa mga iskolar upang mabawasan ang kanilang pang araw-araw na gastusin. Inilahad niyang malaki ang maitutulong nito upang tugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Sinubukan ding palawigin ng USG ang oras ng Learning Commons noong nakaraang midterms week upang suportahan ang mga estudyanteng naghahanda para sa kanilang mga pagsusulit. Bagamat nabigo ang USG, sisikapin nilang makipag-ugnayan sa administrasyon ng Pamantasan upang matugunan ang kakulangan sa mga learning space tuwing midterms at finals week.
Tinalakay din ang Integrated Information Space ng Office of the Secretary na naglalayong gamitin ang mga digital na plataporma upang mas mabilis na makapaghatid ng impormasyon ang USG sa pamayanang Lasalyano. Tinatayang mahigit 12,000 Lasalyano ang makikinabang sa naturang programa.
Pinangunahan naman ng Office of the President (OPRES) at Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) ang ID on Wheels: Satellite Government ID Services. Ibinida ni Hari-Ong na matagumpay na nadala ng USG ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine Statistics Authority, PhilHealth, NBI, at Manila at Makati local government units sa Pamantasan upang maisakatuparan ang inisyatiba.
Nangako rin ang USG na magpapadala pa sila ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa susunod na termino. Sa kabuuan, mahigit 1,000 Lasalyano ang nakinabang sa naturang programa.
Serbisyo para sa mga Lasalyano
Nagsimula na rin ang Health Empowerment and Access for Lasallians (HEAL) sa tulong ng katuwang na organisasyon na LoveYourselfPH. Magbibigay ang HEAL ng libreng pagsusuri at bakuna para sa mga Lasalyano.
Nakipag-ugnayan naman ang OPRES sa Malate Police Station upang matugunan ang mga naitalang kaso ng krimen sa paligid ng Pamantasan. Bunsod nito, misyon din ng Under the Taft Shield ang mas mabilis na komunikasyon sa mga pulis upang paigtingin ang kaligtasan sa loob at labas ng Pamantasan.
Kinuwestiyon din ng USG ang iskedyul ng Independent Learning Week (ILW), mula Marso 25 hanggang 30, na direktang tumapat sa mga Mahal na Araw. Umapela ang USG sa Office of the Provost at Academics Council na ilipat ito ng Abril 1 hanggang 6 upang hindi maantala ang mga relihiyoso at kultural na obligasyon ng mga Lasalyano. Bagamat hindi naaprubahan ang apela, siniguro ni Hari-Ong na magpapasa ang USG ng panukala upang maiwasan na ang pagtapat ng ILW sa anomang holiday.
Nakabinbing proyekto ng USG
Ipinakilala rin ni Hari-Ong ang Green Light Central Program bilang bagong proyektong ipatutupad ng OPRES, OVPIA, at OVPEA. Hangad nitong matugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa mobilidad ng mga estudyante at kawani ng Pamantasan. Bukod dito, palalawigin din anila ang point-to-point (P2P) buses at Carousel Bus Services.
Pinahahalagahan naman ng Samahang Lasalyano ang pagpatitibay ng inter-lasallian student government alliance. Layunin nitong tipunin ang mga estudyanteng lider mula sa mga Lasallian Higher Institutions at makabuo ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga estudyante.
Pinanghahawakan din ng USG ang “Your Genuine Lasallian Experience” bilang pamantayan ng paglilingkod sa pamayanang Lasalyano. Inanyayahan ni Hari-Ong ang mga estudyanteng lider na maglingkod nang buong puso at may respeto sa kapwa.
“Magkasama tayong mag-aambag para sa mas matapang, mas matatag at mas masiglang Lasallian community,” wika ni Hari-Ong. Bilang pagtatapos, nagpasalamat din siya sa mga opisinang nagpaabot ng tulong at sa mga opisyal na walang sawang sumuporta sa USG.