Nagsisimulang lumuwag ang pakiramdam ng dibdib habang papalapit nang papalapit sa kaniyang tahanan. Umaapaw sa puso ang pananabik na kanina pang nararamdaman. Sa pagbukas ng pinto, isang buntong hininga ang pinakawalan—natamo na sa wakas ng ang ginhawang walang kapantay. Nakabibighaning konsepto ang yakap ng pag-uwi matapos ang buong araw na pagharap sa mundo. Nadama ang gaang ito sa loob ng Natividad-Fajardo Gonzales Auditorium ng Pamantasang De La Salle dahil sa Malaya: International Women’s Congress.
Itinampok sa Malaya ang temang “Working Women: Defying Traditional Roles and Redefining Workplace Dynamics” sa pagdiriwang ng buwan ng kababaihan. Sumingaw ang init ng pagkilala sa mga babae dahil sa mga inimbitahang tagapagsalita. Sa maaraw na hapon nitong Marso 13, binigyan ng maalab na yakap ng Malaya ang bawat manonood sa loob ng awditoryum.
Banayad na lakas
Mahirap maging isang babae, lalo na sa isang larangang dinodomina ng kalalakihan. Bago seryosohin ng lipunan, dapat munang magkamit ng pambihirang tagumpay sa karerang tinatahak. Unang ipinunto ni Nina Lim, tagapagtatag ng Association of Lifters and Bodybuilders (ALAB) sa Ateneo de Manila University, ang pakikibaka ng kababaihan sa patriyarkal na lipunan. Inamin niyang hindi naging madaling simulan ang samahan, dahil sa mga pagdududang kaniyang natanggap sa kakayahang maging atleta noong nagsisimula pa lamang siya sa larangan. Gayunpaman, ibinahagi ni Lim na ang pagbibigay-oportunidad sa mga kapwa babaeng makalahok sa larangan ng bodybuilding ang nagtulak sa kaniyang buohin ang grupo.
Kilala man si Lim sa larangan ng pagpapalaki ng katawan, mahilig pa rin siya sa mga karaniwang itinuturing na pambabae tulad ng pelikulang “Barbie”. Sinasalamin ng ilang tagpo sa pelikula ang realidad ng mga kababaihan. Lantaran mang tumalima o isawalang-bahala ang mga pamantayang itinakda para sa kanila, wala pa ring ligtas sa walang humpay na kritisismong ibinabato sa kanila. Kaya naman, hindi sila puwedeng maging malaman, ngunit hindi rin puwedeng maging mabuto. Inihalintulad ni Lim ang pangyayaring ito sa kaniyang sariling karanasan at isinaad na ang lipunan ang nagpahihirap sa mga tulad niyang tumapak sa larangan ng pampalakasan.
Huling binanggit ni Lim ang mga salitang malimit na inilalarawan sa mga kababaihan ng lipunan; para sa kanila, madamdamin, radikal, at tagapangalaga ang mga babae. Masaya niyang isiniwalat na may katotohanan sa mga kalidad na ito. Sa huli, hindi rin niya nalimutang ihayag na hindi nasusukat sa antas ng kahusayan sa mga larangan ang kakayahan ng kababaihan. Bagkus, masasabing magaling ang isang babae sa dami ng kaniyang nakamit na layunin at tagumpay para sa sarili at sa kapwa babae.
Mapagkalingang talino
Pinagaan ng sumunod na panauhing pandangal ang puso ng mga tao sa bulwagan tulad ng paghilom niya sa mga taong may sakit. Sinundan ang programa ng isang madamdaming pagbabahagi ni Dr. Via Galban, kasalukuyang executive director ng Alliance for Improving Health Outcomes, na kinikilalang ikalawang babaeng nagkamit ng titulo sa buong kasaysayan ng organisasyon. Para sa huling bahagi ng programa, tinalakay niya ang sariling paglalakbay bilang isang babae sa larangang pangkalusugan.
Ipinakita niya ang kolektibong karanasan ng kababaihan sa kaniyang presentasyon, kabilang ang mga layuning naisakatuparan at suliranin sa kalusugan ng kababaihan. Naantig rin ang mga tagapakinig nang ibahagi niya ang sitwasyon ng kababaihang kinailangang pumili para sa kahihinatnan ng kanilang kinabukasan; hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ang sakripisyo ng mga babae sa kanilang karera upang maging tagapangalaga ng asawa at anak. Iminulat ni Dr. Galban ang mga manonood na patuloy pa ring pinagpipilitan ang tila imposibleng desisyong ito sa kababaihan. Bunsod nito, patuloy ang pagkuwestiyon niya sa magiging takda ng kaniyang karera bilang ina, asawa, at dalubhasa sa larangan ng kalusugan.
Bukod sa iniwang aral ni Dr. Galban, nagbitiw din siya ng mga katagang nagbigay-ginhawa sa kababaihan sa kabila ng suliraning kanilang patuloy na hinaharap. Pagdidiin niya, mahalaga ang boses ng bawat babae. Kaya naman, oras na rin upang maging bukas ang kababaihan sa pakikipagpalitan ng pananaw na pinahahalagahan at pinakikinggan ng isa’t isa. “Comfort in the uncomfortable,” aniya, lalo na sa mahirap na laban para sa karapatan ng bawat kababaihan; laban na sila-sila rin ang magdadamayan.
Yakap ng pagpapalaya
Mapababae o lalaki man, tuluyang nagising ang lahat nang wakasan ni Yasmin “Kween Yasmin” Asistido ang programa sa pamamagitan ng kaniyang pagtatanghal. Bago tuluyang magtapos ang talakayan, naghain siya ng kanta, sayaw, at mga tula na umani ng halakhak at palakpakan sa manonood.
Apat na sulok ang bumubuo sa isang bahay, ngunit ang mga taong nakapaloob dito ang dahilan sa pagiging tahanan nito. Umapaw ang saya at inspirasyon sa ika-18 palapag ng Andrew Gonzalez Hall dahil sa mga babaeng nasa entabladong nagtaas ng bandila ng kababaihan.
Sa kabila nito, nagsilbing paalala ang mga talumpati at usapang patuloy ang laban sa pagbuo ng ligtas at pantay na mundo para sa mga kababaihan. Mabilis man ang pagsulong ng lipunan sa mga kontemporaneong isyu, may mga aspekto pa ring napag-iiwanan. Hindi na dapat mailang ang isang babaeng pumalaot sa mundo ng isports o mag-alinlangan sa pagtahak ng propesyong pinamumunuan ng kalalakihan. Anomang uri ng espasyo, bukas dapat ito para sa mga kababaihan. Sa ngayon, bagamat nagsisilbing silungan ang mundo para sa kanila, hindi ito sapat para maging kanlungan.
Kabigha-bighaning maging isang babae. Bitbit ng gandang ito ang lakas at tapang. Ilang siglo rin ang ginugol na lumalaban para sa mundong pantay at may pagtangkilik sa kababaihan. Sa dinami-rami ng mga tumuligsa sa patriyarka, ngayon pa ba susuko?