PATULOY NA PINALALAGO ng mga inisyatiba ng pamayanang Lasalyano ang pangmalawakang misyon tungo sa likas-kayang kaunlaran. Binigyang-patunay ito ng nasungkit na puwesto ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa sustainable university rankings ng Times Higher Education (THE) para sa ikalimang sunod na taon noong Hunyo.
Matatandaang inilunsad noong 2015 ang kauna-unahang sustainability policy na nagpatibay sa likas-kayang operasyon sa Pamantasan at akademikong pananaliksik sa mga sangay nito. Pinaiigting din ng iba’t ibang sektor ng University Student Government (USG), sa pangunguna ng FAST2021, ang environmental action sa mga estudyante.
Hamon ng panahon
Minarkahan ng paglalathala ni Pope Francis ng Laodatu si’, isang encyclical para sa pangangalaga ng planeta, ang pagdaragdag ng “attuned to a sustainable earth” sa University Mission-Vision Statement ng Pamantasan noong 2015.
Nanindigan si Nonoi Maralit, executive director ng DLSU University Sustainability Office (USO), sa malalim na pagpapahalaga ng Pamantasan sa likas-kayang kaunlaran. Pinagnilayan din niya ang holistikong pagtugon sa mga aspektong pangkalikasan, panlipunan, at pang-ekonomiya na bumubuo sa likas-kayang pag-unlad.
Kaugnay nito, ibinalita ni Maralit na magsasagawa ang USO ng Waste Analysis Characterization Study (WACS) kasunod ng pagpalo ng populasyon ng mga estudyante sa 27,000 mula sa 18,000 bago ang pandemya. Layunin ng WACS na itala ang life cycle assessment at porsyento ng mga nabubulok, hindi nabubulok, at nareresiklong basura upang suriin ang kasalukuyang waste concern sa kampus.
Idinagdag din ng sustainability policy ang kursong Purposive Communication sa undergraduate na kurikulum na nakabatay sa United Nations Sustainable Development Goals. Gayundin, tinugunan ng naturang polisiya ang napapanahong pandaigdigang isyu, kaugnay na ang pabago-bagong klima at ang paggamit ng malinis na enerhiyang nagpapababa sa carbon footprint sa kampus.
Itinataguyod naman ng Pamantasan ang mga ugnayan nito sa iba’t ibang organisasyon bilang isa sa mga tagapagsimula ng mga likas-kayang proyekto sa bansa. Ilan sa mga organisasyong ito ang World Wildlife Fund, Green Convergence Philippines, International Association of Lasallian Universities, at THE.
Inanunsyo rin ni Maralit sa unang pagkakataon ang pagtatatag ng University Sustainability Committee at Multisectoral Sustainability Committee ng USO. Pangangasiwaan ng dalawang bagong komite ang mga panloob at panlabas na relasyon ng Pamantasan upang maisakatuparan ang mga likas-kayang inisyatiba, alinsunod sa four-year strategic plan ng Pamantasan.
Pinasalamatan din ni Maralit ang mga naggawad ng parangal sa Pamantasan para sa mga likas-kayang proyekto. Pagpapahalaga niya, “Bukod sa ito ay nakakataba ng puso, ito ay nagsisilbing hamon din na paigtingin ang ating mga ginagawa. . . Marahil may mga lugar na for improvement pa.”
Sama-samang pangungunasa pagbabago
Isinabuhay nina dating FAST2021 Batch Legislator Zak Armogenia at dating FAST2021 Student Welfare Chairperson Sophia Baldonado ang makabuluhang gampanin ng mga estudyante sa usaping pangkalikasan sa idinaos na FASTBREAK Focus Group Discussion (FASTBREAK) nitong Oktubre 11. Ito ang kauna-unahang talakayan para sa likas-kayang pag-unlad na pinangunahan ng isang batch unit.
Ipinunto ni Baldonado na naging kapansin-pansin sa FASTBREAK ang mataas na lebel ng kamalayan ng mga estudyante. Pagbibigay-halaga niya, “I believe that very passionate ang kabataan. . . We’re the future leaders, after all.”
Dumaing naman si Armogenia para sa kakulangan ng representasyon at mga batas hinggil sa environmental awareness sa Legislative Assembly (LA). Ikinintal niya ang pangangailangan para sa pagpapataw ng mandato sa loob ng USG upang maitaguyod ang mga likas-kayang inisyatiba at tiyaking maipagpapatuloy ito ng mga susunod na administrasyon.
Ipinabatid din ni Armogenia na naipapasa lamang ang mga plataporma sa LA dahil sa mga mambabatas na nagsusulong ng mga ito. Pagpapaunawa niya, “It takes more than just the bills. It also takes the people who really want to push for those ideas to happen on the [LA] floor.”
Ikinabahala naman ni Baldonado ang hindi epektibong pagpapatupad ng batas na nagbabawal ng mga single-use plastic sa Pamantasan. Iginiit niyang nakasalalay pa rin sa kagustuhan ng nasasaklaw na populasyon ang pagsunod dito.
Iminungkahi ni Baldonado ang pakikipag-ugnayan ng administrasyon ng Pamantasan sa malalapit na establisyemento gamit ang Memorandum of Agreement upang ipagbawal ang pagbebenta ng pagkain sa mga plastik na lalagyan at mabawasan ang pagtatapon nito sa kampus.
Ipinaalala naman ni Armogenia sa kaniyang mga kapwa-estudyante ang ugnayan sa pagitan nila at ng mga isyung pangkapaligiran. Binigyang-diin niya ang pananatiling totoo sa sarili habang nakikiisa sa mga likas-kayang pagkilos kagaya ng pagsunod sa mga alituntunin, pakikilahok sa mga inisyatiba, at pagpapalaganap ng kamalayan.
Payo ni Armogenia, “You don’t have to do big heroic acts to participate on change. . . It’s those small acts when multiplied by thousand students that really matter and can transform the University.”