Dumausdos, bumulusok, lumagapak. Iilan lamang sa mga salitang akmang maglalarawan sa kasalukuyang katayuan ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Times Higher Education World University Rankings matapos mapabilang sa 1501+ na bracket mula sa 1201-1500 noong taong 2023. Gayundin, mapakukunot-noo ang sinomang makaririnig na bumaba rin ang ranggo ng Pamantasan sa 2024 Quacquarelli Symonds Sustainability University Rankings mula sa 601 patungong 981-1000.
Sa daang libong pisong ipinapasok ng bawat estudyante sa DLSU, mahirap matanto saan napupunta ang ibinabayad ng ating mga magulang sa pagkakaroon ng ganitong katayuan. Minsang nasasambit na inilalaan ito sa imprastruktura o pambuno sa nagtataasang presyo dulot ng krisis pang-ekonomiya. Subalit, nababakas na tila nakaliligtaan ang pagbibigay-pansin sa pangunahing layunin ng Pamantasan—ang paghahatid ng kalidad na karanasang pangkolehiyo at edukasyon.
Upang mapagtagni-tagni ang mga dahilang nagdudulot sa kasalukuyang estado ng DLSU, marapat na sipatin ang iba’t ibang aspektong sumasaklaw sa karanasan ng mga estudyanteng Lasalyano. Sa pagsipat na ito, hindi naman din mainam na isa-isahin ito dahil baka umabot pa sa isang dissertation sa haba at dami ng nilalaman ang usapin.
Bilang isang estudyante ng Ramon V. del Rosario College of Business, saksi ako sa nagtutunggaling mga pahayag ng kalidad at kapalyahang umiiral sa institusyong ating kinabibilangan. Primera unong halimbawa ang sitwasyong bumabagabag sa mga estudyante ng programang Accountancy. Kaliwa’t kanan ang paglisan sa naturang programa dulot ng kahindik-hindik na reputasyon nito—mistulang hatol na kamatayan ang antas ng hirap na dadanasin.
Totoong maituturing na walang mintis ang bilang ng mga pumapasa sa Certified Public Accountants Licensure Exam tulad ng 74.32% na naitala noong Oktubre 2023. Gayunpaman, hindi nito nasusukat ang dugo’t pawis na kailangang suungin ng mga estudyante o kompromiso sa kanilang mental na kalusugan maitawid lamang ang mga “mods.”
Sa ibang aspekto ng buhay kolehiyo, lumang tugtugin na ang sabihing panahon pa ng kopong-kopong ang estado ng ating My.LaSalle. Hindi na rin nakagugulat na napagdiskitahan ng mga hacker ang cybersystem ng DLSU noong Oktubre at magpapahuli pa ba ang pawala-walang Animo Connect. Hanggang sa kasalukuyan, inaayos pa rin ang mga ito ng butihing Information Technology Services ng Pamantasan.
Mainam na dumako rin sa likas-kayang usapin na saklaw ng isa sa bumabang ranggo ng Pamantasan. Magtataka pa ba talaga tayo sa ganitong kahihinatnan gayong hindi malinaw ang patakarang umiiral, partikular sa pagpasok ng single-use plastics sa kampus. Itinuturing na isang kontrabando ang kakarampot na mga supot sa bawat pasilyo sa DLSU. Sa kabilaang mga pasukan ng Henry o South Gate, Andrew, at maging hanggang sa Laguna Campus, mistulang ipinagbabawal na gamot ang lebel ng pagharang ng mga ito sa mga gate.
Gayunpaman, lumingit lamang ang sinoman sa mga establisyimento sa loob ng DLSU at nakabalandra ang mga bottled water na maaaring mabili sa halagang Php20. Hindi naman inirereklamo rito ang presyuhan ng tubig bagkus ang pagpapahintulot na magbenta ng mga plastic bottle bagamat kabilang ito sa mga ipinagbabawal na kasangkapan. Mas lalalim pa ang usapin sapagkat mayroon ding mga bilihang pinapayagan ang paggamit ng mga plastic straw na lalong pasakit sa ating kapaligiran.
Mistulang litanya na ang sandamakmak na pamumunang aking inilista ngunit mahirap magkibit-balikat dahil nakasalalay sa pagsasaayos ng mga nabanggit ang kalidad ng danas at edukasyon sa Pamantasan. Marahil malaking dagok sa antas ng kahusayan ng DLSU ang mga pagbabagong idinulot ng pandemya. Subalit, napapanahong sumabay na rin ang tanyag na institusyon sa pagbangon ng lipunan mula sa malagim na kabanata ng modernong kasaysayan.
Hindi sapat na manawagan lamang sa mga nagpatatakbo ng Pamantasan upang bigyang-atensyon ang samu’t saring suliraning nagdudulot ng pagpusyaw ng kinang ng Berde at Puti. Bilang isang estudyanteng nagmamahal at patuloy na mamahalin ang Pamantasan, nakikiusap ako sa pamunuan na ituring na kagyat ang mga problemang pumipigil sa paghandog ng dekalibreng Lasalyanong karanasan ng mga magsisipagtapos na estudyante.
Kaakibat ng patuloy na pangangalampag ng mga estudyante sa administrasyon ng DLSU, marapat na tumbasan din ito ng pagsusumikap upang makatulong sa ikauunlad ng Pamantasan. Hindi nga lamang ngawa nang ngawa ngunit dapat kumilos at gumawa. Gasgas man sa ating pandinig, tularan natin ang Prayer for Change na “Let me be the change I want to see.”
Sa madaling salita, napakalaki pa ng ikauunlad ng DLSU sa iba’t ibang aspekto. Aminin na nating napagiiwanan ang institusyon ng ibang mahuhusay na unibersidad sa bansa ngunit hindi natatapos ang laban. Tunay ngang “Never shall we fail”.