Gigising sa ganap na ika-5 ng umaga, haharapin ang kalbaryo ng transportasyon, papasok sa trabahong nagpapasahod ng kakarampot na minimum wage, at muling makipagsasapalaran sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin. Tila ano mang pagsusumikap, patuloy pa ring naghihikahos. Masalimuot mang sabihin, ngunit para sa ordinaryong Pilipino, hindi nadadaan sa sipag at tiyaga ang buhay sa Pilipinas. Kailangang diskartehan, kailangang hanapan ng paraan, at sa oras na mabigyang ng pagkakataon, minsan kinakailangan ding bumalik sa buhay na pinamumunuan ng mga dayuhan.
Ayon sa tala ng Department of Migrant Workers, mahigit 2.5 milyong Pilipino ang lumuwas noong 2023 upang magtrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pagmamalaki nila, isa itong “all time high” at inaasahang mas tataas pa ngayong 2024. Itinuturing mang positibo ng pamahalaan dahil sa malaking ambag nito sa ekonomiya, subalit kung tutuusin isa itong insulto sa kalidad ng trabaho at estado ng pamumuhay sa bansa. Gaano kasadlak ang isang bansang minsan nang nagpumiglas at lumaban sa pananakop ng ibang bansa, subalit boluntaryo ngayong pinipiling manilbihan para sa mga dayuhang kanilang iwinaksi?
Bagamat maaaring sabihing normal naman ang migrasyon kaugnay ng globalisasyon, hindi pa rin maikakaila ang kapangyarihang taglay ng mga dayuhan sa Pilipinas. Mula sa K-12 system na ipinatupad upang mas madaling matanggap ang mga Pilipino sa mga trabaho sa ibang bansa patungo sa presensiya ng mga kampo ng militar ng Estados Unidos sa bansa, mapagtatantong hindi pa rin nakakamtan ng Pilipinas ang soberanya.
Ilang dekada na ang nakalipas mula noong ating makamtan ang kalayaan, subalit hanggang ngayon hindi pa rin tayo nakatatayo sa sarili nating mga paa. Malaya man tayo kung ituturing pero dahil sa kapabayaan ng gobyerno sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, nakasandig pa rin tayo sa tulong at oportunidad na ipinalilimos ng iba. Nananatiling nasa laylayan ang ordinaryong Pilipino sa sariling bansa—nasa ilalim ng mga dayuhan at mayayaman—hindi na nakawala sa tanikala ng kahirapan. Kaya naman, marapat lamang ang patuloy na pangangalampag sa gobyernong tugunan ang mga isyung kinahaharap ng masang Pilipino. Sapagkat sa huli, hindi maiiwasang itanong, sino nga ba ang kanilang tunay na pinagsisilbihan, ang mamamayan o ang mga dayuhan?