Paglipas ng siyam na buwang bitbit ang nabuong buhay sa loob ng sinapupunan, maririnig ang hagulgol ng maputlang sanggol. Kapos man sa hininga’t puno ng pagod sa pagbubuntis, makukuha pa ring ngumiti ng nanghihinang nanay. Kadalasan, agarang kikinang ang mga mata ng inang nagdusa sa panganganak sa paglitaw ng maliit na paslit. Subalit, magkahalo ang lumbay at ligaya ng babaeng hinihintay ang nagbabadyang pamamaalam sa kaniyang anak.
Malimit na hindi hiwalay ang landas ng supling at nanay pagkatapos ng ilang buwan nilang pagsasama. Gayunpaman, para sa iilan, mananatiling putolang pusod; permanenteng mawawalay ang sanggol sa kaniyang kadugong ina. Sa pagmulat ng mata ng munting anak—ibang imahen, malayo’t hindi hawig ng sariling mukha ang makagigisnang magulang. Hindi sila ipinamigay, ngunit ipinaubaya para sa kaligayahan ng iba.
Siyam na buwang magkapiling, magwawakas sa dalawang hiyaw—pag-ire ng ina at paghikbi ng anak. Hindi biro ang proseso ng pagbubuntis at pagluluwal ng sanggol dahil walang kapantay ang paghihirap ng isang ina mailuwal lamang ang kaniyang anak. Subalit, sa kabila ng pagdurusang tangan ng pagdadalang-tao, bakit nga ba handa ang ilang ipaubaya ang sariling matris para sa ibang pamilya?
Pansamantalang bigkis ng pusod
Malimit sa isang mag-asawa na maghangad at manabik na magkaroon ng supling sa pamilya, ngunit hindi lahat pinapalad. Ilang beses mang sumubok upang kumapit ang bunga sa matris, kumakawala pa rin at nananatili pa ring isang pangarap. Kadalasang rason ang hindi pagiging pertil ng sinoman sa mag-asawa o hindi pagiging handa ng katawan sa pagbubuntis. Subalit, muling nabubuhay ang pag-asa sa paglitaw ng mga surrogate mother na handang magbuntis para sa mag-asawang hindi mabiyayaan.
Ibinahagi ni Kai*, 30 taong gulang, sa Ang Pahayagang Plaridel ang kasiya-siyahang mundo ng surrogacy o pagbubuntis para sa iba. Nagsimula ang kaniyang pagtahak sa landas ng surrogacy noong ipinaampon niya ang kaniyang supling dahil sa kawalang kakayahang buhayin ito. Naantig siya nang masaksihan ang ginhawa sa mga mata ng mag-asawang buong-pusong tinanggap ang kaniyang anak na naging dahilan upang ipagpatuloy ni Kai ang buhay ng surrogacy. “Nakita ko [roon] sa mga nag-ampon sa anak ko na masaya [because] they can’t conceive. . . Doon ako nag-start from being a surrogate mom,” pagpapaliwanag niya.
Sa kasalukuyan, dalawang mag-asawa na ang nabigyang-pagkakataon ni Kai na maging mga magulang. Pagbabahagi niya, isinasagawa niya ang surrogacy sa pamamaraang intrauterine insemination o pagturok ng semilya sa kaniyang matris. Subalit, tila isa itong patagong aktibidad dahil mahirap makatagpo ng mag-asawang naghahanap ng tulad niya. Kaakibat nito, marami rin umanong katangian ang hinahanap sa isang surrogate mother. Kailangang malusog ang kaniyang pangangatawan at walang iniindang sakit. Dagdag pa rito, mas pinapaboran din ang mga nakapagtapos na ng kolehiyo.
Sa pagpapahiram ni Kai ng kaniyang sinapupunan, binibigyan siya ng kompensasyon ng mga nakasundong magulang. Pagpapaliwanag niya, “Before the procedure, upon signing in ng contract I will get Php20,000 para gawin ko ‘yung gusto nilang procedure [IUI o IVF]. Once I [get] positive, I will get another Php20,000 ulit. . . monthly allowance would be Php18,000.” Nakatatanggap din siya ng Php80,000 kapalit ng panganganak at breastmilk para sa sanggol.
Hindi man pangkaraniwan ang ginagawa, ginagampanan aniya ni Kai ang pagiging pansamantalang ina upang makatulong sa iba at sariling pamilya. Pagbabahagi niya, nagdudulot ito ng ginhawa sa kaniyang pangangailangang pinansyal lalo na’t mayroon din siyang anak na mag-isang itinataguyod.
Lukso ng pagiging ina
Matapos ang sakit na naramdaman sa pagluwal, susundan ito ng sakit ng pagkawalay ng sanggol sa mga bisig ng ina. Ayon kay Kai, boluntaryo man niyang tinahak ang pagiging surrogate mother, may kaakibat pa rin itong kirot sa oras na kaniyang ipagkaloob ang supling sa magiging pamilya’t tahanan nito. Nananatiling nakatatak sa kaniyang isipang anak niya ito dahil dugo pa rin niya ang nananalaytay sa bata. “Two weeks akong umiiyak at masakit talaga siya kasi nanay [rin] ako,” pagdaramdam ni Kai.
Mahirap ngunit kinakailangan—bali-baliktarin man ang mundo, may ibang mga magulang na kailangang uwian ang sanggol. Kaya naman, hinahanda na lamang ni Kai ang kaniyang sarili upang maibigay ang bata nang walang pag-aatubili. Aniya, hindi rin naman niya kakayaning buhayin ang supling, kaya’t pinipili na lamang niya itong ipagkaloob sa iba. Gayunpaman, isiniwalat ni Kai na kapag dumating sa puntong magtanong ang mga bata ukol sa kanilang pinagmulan, bukas siyang sagutin at kilalanin sila.
Nakaukit na sa isang babae ang pagdadalang-tao sa isang punto ng kanilang buhay. Patuloy na masusubukan ang tatag ng kalooban sapagkat hindi lamang sa pagluwal at pagpaubaya ng sanggol nagtatapos ang landas ng pagiging surrogate mother. Ayon kay Kai, ang pagkakaroon ng postpartum depression ang isa sa kaniyang mga matinding pagsubok matapos maisilang sa mundo ang bata. Aniya, gaano man katatag ang loob ng isang ina, hindi madaling labanan ang hirap ng pagkawalay sa anak.
Sa dulo ng paghihirap, danas pa rin ang tuwa sa pagiging surrogate mother ni Kai. “Masaya maging magulang eh, so puwede ko rin naman i-share din ‘yung saya [ng pagiging] parent,” pagbabahagi niya. Hindi matutumbasang saya ang dulot ng pagbibigay-tsansa sa kapwa ina maranasan ang pagbuo ng pamilya.
Pagbibigay-buhay sa inaasam-asam ng iba
Mabigat na responsibilidad ang maging ilaw ng tahanan—hindi lahat ng kababaihan kayang pasanin ito habambuhay. Para kay Kai, marubdob na kaligayahan ang dinudulot ng kaniyang pagiging surrogate mother dahil sa pag-asang ibinibigay nito sa mga babaeng hindi makapagbuntis. Tagapamagitan siya sa pagtupad ng pangarap ng mag-asawa at paglagak ng dinadalang supling tungo sa mas marangyang buhay. Ayon sa kaniya, hindi sa dugo nasusukat ang tunay na pagmamahal sa anak. Tiyak na matutumbasan ito ng bagong pamilya basta’t may kakayahan silang bumuo ng masiglang samahan at magbigay ng wastong suporta.
Walang madali sa hakbangin ng pagiging surrogate mother. Nag-aalay sila ng labis na dedikasyon at sakripisyo para iparanas ang damdamin ng pagiging magulang sa mga taong hindi pinalad magkaanak. Handang tawirin ang hangganan ng sariling katawan at damdamin, maibahagi lamang ang hindi matatawarang regalo ng buhay sa iba.
*hindi tunay na pangalan