ITINAMPOK ni Br. Bernard S. Oca FSC, pangulo ng Pamantasang De La Salle (DLSU), sa University General Assembly, ang mga pangunahing layunin at mahahalagang bahagi ng four-year strategic plan na nakatakdang ipatupad mula 2023 hanggang 2027, Setyembre 6.
Ibinandera ng strategic plan ang iba’t ibang Jubilee Goals, metriko, at layuning minamata ng Pamantasang masungkit sa loob ng apat na taon. Binuo ang plano kaakibat ang kolaborasyon ng administrasyon, mga guro, at kawani ng DLSU.
Paglalatag ng mga metriko
Pinangunahan ni Dr. Gerardo Largoza, executive director ng Strategic Management and Quality Assurance Office (SMQA), ang paglikha ng strategic plan na binubuo ng Jubilee Goals o tatlong pangunahing layunin para sa Pamantasan. Tinutukan nito ang pagpapataas ng antas ng pagiging mission-focused ng mga propesor at kawani, kontribusyon ng Pamantasan sa pambansang ekosistemang kaalaman, at pamamayagpag sa pandaigdigang pananaliksik.
Inilahad ni Dr. Largoza ang 12 metrikong sumasaklaw sa mga espisipikong aspeto ng bawat Jubilee Goals. Gagamiting basehan ng Pamantasan ang mga metrikong ito sa paglikha ng mga hakbang para sa pagsasakatuparan ng mga naturang layunin.
Saklaw ng unang layunin ang pagkakaroon ng kakayahan ng mga tagapamahala at kawani ng Pamantasan na matukoy ang kanilang mga taunang performance objectives. Hangad din nitong pataasin ng 15% ang taunang Q1 publication output ng mga guro sa Pamantasan, iakyat sa limang porsiyento ang antas ng serbisyo ng mga support unit, at siguruhin ang 95% pag-angat sa partner fulfillment ratings sa taong 2027.
Binibigyang-diin naman ng ikalawang Jubilee Goal ang mithiin ng Pamantasang makabuo ng 10 o higit pang partnership sa iba’t ibang industriya. Layon nitong maitatag ang green knowledge economy, isang sistemang itinataguyod ang ekonomiya habang iniiwasan ang negatibong epekto sa kapaligiran. Kaugnay nito, makikipagtulungan din ang DLSU sa iba pang mga pribadong institusyon ng mas mataas na edukasyon upang maisulong ang mga polisiyang susuporta sa mga naturang inisyatiba at makibahagi sa data-driven decision-making.
Pinagtutuunan naman ng huling Jubilee Goal ang pagkakaroon ng malaking kontribusyon ng Pamantasan sa pandaigdigang pananaliksik. Kabilang sa itinalagang metriko ang pagpasok ng Pamantasan sa 2nd quartile (168-334) ng Asian Universities sa mga tuntunin ng reputation, research, citations, at internationalization.
Siniguro ni Dr. Largoza na tututukan ng SMQA ang kalidad na pagsusulong ng mga naturang metriko upang maisakatuparan ang mga hangarin ng Pamantasang nailahad sa strategic plan.
Paglilinang ng plano
Isiniwalat ni Dr. Largoza na hindi sapat na pagtuunan ang tatlong core functions ng Pamantasan, na binubuo ng pagtuturo, pananaliksik, at social engagement, upang umusad ang pangkabuoang antas nito. Malaking bahagi aniya sa pagbuo ng pundasyon ng strategic plan ang vision-mission at ang Communion in Mission na bahagi ng identidad ng DLSU.
Nilinaw ni Dr. Largoza na ang vision-mission ang nagtatakda ng mga layuning dapat matamasa ng Pamantasan, partikular na ang pangunguna sa larangan ng pagtuturo at pananaliksik. Binigyang-halaga naman ng Communion in Mission ang layunin ng diyalogo sa paggawa ng estratehiya. Ginagamit ang diyalogo upang maintindihan ng bawat miyembro ang kaniyang papel na ginagampanan sa pagsasakatuparan ng mga naturang plano.
Ibinahagi din niyang nakasalalay sa mga bise presidente at dekano ng Pamantasan ang pangangasiwa upang matamo ang mga layunin ng bawat yunit at departamento. Iginiit ni Dr. Largoza na nililinang ang mga potensyal ng mga guro at kawani upang pataasin ang kasalukuyang lebel ng Pamantasan bilang isang mas mataas na institusyon ng edukasyon.
Tiniyak ni Dr. Largoza na puspusang tinatrabaho at pinag-uusapan ng administrasyon, mga guro, at mga kawani ang pagtuklas sa mga pinakaepektibong paraan upang makamit ang mga layuning nakalatag sa strategic plan. Siniguro rin ni Dr. Largoza na patuloy ang ebalwasyon sa mga estratehiyang ginagamit ng Pamantasan upang mas pagtibayin pa ang mga ito.