Kamakailan lamang naging matunog ang pangalan ni Bise Presidente Sara Duterte dahil sa kahina-hinalang alokasyon ng confidential at intelligence funds sa Office of the Vice Presidentat Department of Education noong deliberasyon para sa 2024 national budget. Bagamat hindi naaprubahan ang Php650 milyong hinihiling ni Duterte, nananatiling nakababahala ang kahangalan ng mga politikong itinuturing na pagmamay-ari nila ang kaban ng bayan.
Hindi na bago sa mamamayang Pilipino ang makarinig ng isyu ukol sa hindi maayos na paggamit ng badyet ng Pilipinas. Sa katunayan, paulit-ulit na lamang ito mula sa isyu ng korapsyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, Priority Development Assistance Fund ng administrasyong Aquino, at ngayon confidential at intelligence fund ng administrasyong Marcos-Duterte. Iba’t ibang mukha at pangalan, subalit sa likod, tila pare-parehong mga buwaya pagdating sa pera ng taumbayan.
Lagi’t laging ikinakatuwiran ng mga politikong para sa mga programang nakasentro sa pangangailangan ng masa ang mga pondong nasa kanilang kamay. Gayunpaman, kung ihahalimbawa natin si Duterte, sa Php125 milyong nahawakan at nagasta niya noong 2022, tunay bang nadama ng mga Pilipino ang ginhawa mula sa naturang halaga?
Nasa 22.4% pa rin ang antas ng kahirapan sa bansa, ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority nitong 2023. Nangangahulugan itong tinatayang isa sa bawat limang Pilipino ang lubog sa kahirapan. Bagamat bahagyang bumaba ang datos na ito kompara sa 23.7% noong 2021, hindi pa rin ito sapat upang umalwan ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Naninindigan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa pananagutan ng mga pinuno ng bansa sa paggamit ng pera ng taumbayan. Hindi dapat ito nagmimistulang pagmamay-ari ng mga politikong maaaring gamitin sa mga pansariling interes. Sa halip, dapat siguruhing nakatuon ang bawat sentimo ng pondo ng gobyerno sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mamamayang kanilang pinaglilingkuran.
Kaisa ang APP ng sambayanang Pilipino sa pangangalampag sa gobyernong ayusin ang kanilang priyoridad at tugunan ang mga suliraning kinahaharap ng lipunan. Tinutuligsa rin ng Pahayagan ang lahat ng akusasyong kalaban ng bayan ang sinomang kukuwestyon sa paggamit ng pondo ng mga kinuukulan. Karapatan ng bawat Pilipinong malaman ang pinatutungahan ng buwis na kanilang pinaghihirapan. Sinisimbolo ng bawat sentimo ng kaban ng bayan ang dugo’t pawis ng mga mamamayan.