“Buhay ang diwa ng EDSA!”
MAALAB NA GINUNITA ng pamayanang Lasalyano ang ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pamantasang De La Salle (DLSU), Pebrero 23. Pinangunahan ito ng DLSU Committee on National Issue and Concerns (CoNIC) at University Student Government Office of the Vice President for External Affairs.
Nagsimula ang programa sa isang kilos-protestang dinaluhan ng mga estudyanteng tahasang nanindigan upang sariwain ang madugong kasaysayan ng EDSA Revolution at tumutol sa nakaambang Charter Change (Cha-Cha). Nagtapos ang programa sa isang misa, candle lighting, at pagpapailaw sa facade ng St. La Salle Hall ng mga kulay ng watawat ng Pilipinas.
Liwanag ng hustisya
Hinimok ni Vice President for Lasallian Mission Fritzie De Vera ang pamayanang Lasalyanong ipaglaban ang katotohanan at kondenahin ang mga banta sa karapatang pantao, demokrasya, at kalayaan ng bawat Pilipino. Bilang Lasalyano, kinakailangan aniyang isabuhay ang tunay na diwa ng Lasallian core values at simulan ang pagbabagong kinakailangan ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon.
Ipinunto ni De Vera ang kahalagahan ng 1986 People Power Revolution sa kasaysayan ng Pilipinas. Binigyang-diin niyang naging daan ang naturang rebolusyon upang maibalik ang kalayaan, kapayapaan, at karapatan ng bawat mamamayang Pilipino. Pagdidiin niya, “Sa EDSA natagpuan ang minimithing kasarinlan, ang kalayaan, at ang katarungan. Ang EDSA ang naging kaharian ng langit sa lupa ng bayang Pilipinas.”
Nanawagan si De Vera na huwag kalimutan ang mga karahasang naganap sa kasagsagan ng rebolusyon at hindi na aniya ito dapat maulit sa hinaharap. Giit niya, isa itong pagkakamaling nagdulot ng pasakit, pagdanak ng dugo, at kawalan ng kapayapaan sa Pilipinas.
“After 38 years, we resolve never again and may we never forget. Live Jesus in our hearts, forever,” pagtatapos ni De Vera.
Baliktanaw sa nakaraan
Ipinaalala ni DLSU USG President Raphael Hari-Ong na marapat alalahanin ng bawat isa ang mga taong nagbuwis ng kanilang mga buhay sa kasagsagan ng naturang rebolusyon. Kinondena rin ni Hari-Ong ang tangkang pagbura dito ng kasalukuyang administrasyon, partikular na ang pag-alis nito sa listahan ng mga special holidays sa bansa.
Idiniin ni Hari-Ong na mahalaga ang pagsasagawa ng mga kilos-protesta upang sariwain ang madugong nakaraan at ipakita sa nakararami ang tunay na diwa ng EDSA. Isa rin itong hakbang upang manindigan at gisingin ang kamalayan ng bawat indibidwal sa lipunan.
Naging bukas din ang isinagawang protesta sa DLSU sa mga kalapit na pamantasan, gaya ng St. Scholastica’s College at De La Salle College of Saint Benilde. “We invited them in order to have solidarity . . . and we want to show na itong ginagawa natin ay not only for Lasallian community,” saad ni Hari-Ong.
Tinutulan din ni Hari-Ong ang pagpapanukala ng Cha-Cha at ibinidang nakikipag-ugnayan na sila sa faculty association at admin ng Pamantasan upang magsagawa ng mga inisyatibang nakatuon dito. Pinasadahan din niya ang mga isyu hinggil sa pagpapakalat ng maling impormasyon at pagrebisa sa kasaysayan ng Pilipinas. Panahon na aniya upang gumawa ng konkretong aksyon upang puksain ang patuloy na paglaganap nito sa lipunan.
Alaala ng madugong rebolusyon
Ipinabatid ni DLSU USG Vice President for External Affairs Macie Tarnate ang kaniyang pagkalugod sa lahat ng nakiisa sa protestang isinagawa sa loob ng Pamantasan. Nananatili aniyang buhay hanggang sa kasalukuyan ang prinsipyong ipinaglaban ng mga Pilipinong nakilahok sa People Power Revolution.
Ipinahayag din ni Tarnate na nakikiisa ang pamayanang Lasalyano, kasama ang buong bansa, sa patuloy na pagkilala at pag-alala sa madilim na kasaysayan ng Batas Militar sa ilalim ng administrasyong Marcos Sr. Hinimok din niya ang mga Lasalyanong pagnilayan ang mga hamong kinahaharap ng kasalukuyang lipunan at isapuso ang mga mahahalagang aral na handog ng rebolusyon.
Mariing tinutulan ni Tarnate ang hindi pagkilala ng kasalukuyang administrasyong Marcos sa anibersaryo ng makasaysayang rebolusyon ng EDSA bilang isa sa mga national holiday sa Pilipinas. Aniya, isa itong paglalapastangan sa mga bayani ng People Power Revolution at pagyurak sa halaga ng demokrasya at kalayaan sa bansa.
Taos-pusong nanawagan si Tarnate na laging alalahanin ang sakripisyong ibinuwis ng mga nakilahok sa EDSA. Pahayag niya, “We, the Filipino people, must diligently empathize and propagate the truth about the history of our nation, ensuring that it is preserved for the generations to come with the highest regard to our fellow Filipinos dignity and well-being.”