Nananahan sa kaibuturan ng mga puso ng tao ang munting layong dahilan ng pag-iral—binigyang-impluwensiya nito ang mga sariling desisyon pati ang pagbibigay ng inspirasyon sa iba. Isa ang mga Lasalle Brother sa mga natatanging imaheng nagsusulong nito.
Gamit ang pagtuturo, hangarin nilang tumatak sa puso’t isipan ng mga estudyante ang kabutihang asal alinsunod sa itinuro ni San Juan Bautista De La Salle. Sa kanilang pagtatanim ng mga buto ng pag-asa, tumatayog ang tindig ng kinabukasan ng mga estudyante. Ipinagpatuloy din nila ang pagsinag ng karunungan gamit ang social media. Sa kabila nito, malimit na dinudungisan ang katotohanan sa loob ng naturang plataporma gamit lamang ang isang pindot.
Gayunpaman, sa pagsulpot ng mga Lasalle Brother sa social media, masisilayan ang pag-usbong ng sari-saring Lasalyanong misyon at adbokasiya. Ipinakita nitong maaaring gamitin ang katanyagan upang makatulong sa iba, gayundin ang pagsulong ng kabutihan sa pagitan ng sankatauhan. Sa gayon, marapat kakitaan ng katuturan ang nagsisilbing instrumento upang magbigay serbisyo, paalala, at inspirasyon.
Pagsibol ng kasikatan
May kaniya-kaniyang dahilan ang bawat indibidwal sa pagpili ng landas na kanilang tatahakin. Sa paglalakbay, may ibang mapapadpad sa harap ng makina, loob ng naglalakihang gusali, at ilalim ng kamay ng Diyos. Ayon nga sa Mateo 22:14, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.” Isa sa sumagot sa tawag si Br. Richie Yap, FSC, na kasalukuyang nagtuturo sa De La Salle University-Integrated School. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Br. Richie, ibinahagi niya ang dahilan sa pagtahak ng landas na ito. Dagdag pa rito, inihayag niya ang mga dahilan ng paggamit ng social media na nagtulak sa kaniyang kasikatan.
Bilang simula, isinalaysay niyang matagal na niyang nais pagsilbihan ang Diyos ngunit hindi niya makita ang sarili bilang isang pari. Sa kabutihang palad, nahinuha niyang magagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsama sa mga Lasalle Brother. Nagsilbi silang inspirasyon kay Br. Richie upang tahakin ang sagradong daanan noong estudyante pa siya sa La Salle Green Hills. Dagdag niya, “Ako po ‘yung panganay na anak na lalaki at wala po akong kuya [kaya] gusto kong maging kuya rin sa mga kabataan at estudyante.”
Inamin din niyang wala siyang planong magturo sapagkat nais niyang ituloy ang pag-aaral upang maging abogado. Sa paglaon ng oras, napamahal na siya sa kaniyang trabaho bilang isang guro. Subalit, hindi alintanang sa paglipas ng 23 taong pagtuturo, nag-iba na ang paraan upang makihalubilo kaya ginamit niya ang social media upang lumalim ang ugnayan niya sa mga estudyante. Sa pamamagitan nito, nalasap niya ang kasikatang hindi niya inaasahang matamasa. Gayunpaman, hindi nabago ng kasikatan ang mensaheng nais iparating sa mga Lasalyano—pabiro man o panawagan ang kaniyang post. Aniya, “I want [everyone] to be ultimately happy despite the stress. . . I want a campus that’s happy.”
Nagbalik-tanaw din si Br. Richie sa kaniyang mga opinyon online na naging viral. Ipinaliwanag niya ang tanyag niyang post ukol sa pagtanggol sa mga estudyanteng aktibo sa kampanya at usaping politika. Batid niyang lubos pang makatutulong ang mga karanasang ibabaon—na hindi matatagpuan sa kuwadradong silid. Kinalaunan ng aktibong paglahok online, dito niya napansin ang pagdami ng mga friend request at reaksiyong natatanggap sa kaniyang mga post. Sa kabila nito, naniniwala pa rin siyang may papel sa kaniyang kasikatan ang nakagawiang pagbati sa mga estudyante nang bumalik sa face-to-face ang mga klase.
Hindi natatapos sa loob ng paaralan ang responsibilidad na ginagampanan ng mga Lasalle Brother. Bahagi ng kanilang misyon ang tumulong sa lahat ng nangangailangan kaya naman malimit nilang gamitin ang social media upang dumami ang kanilang maabot na tao. “We’re not just Brothers for Lasallians, we’re Brothers beyond borders,” pagbibigay-diin ni Br. Richie.
Munting kinang sa madilim na mundo
Sa likod ng mga nakatutuwa at nakaaantig-damdaming post, batid ni Br. Richie ang malagim na mundo ng social media. Nasangkot ang ilang mga post niya na naging tampulan ng pangungutya at negatibong batikos mula sa mga taong taliwas sa kaniyang paniniwala. Sa kabila ng masasamang karanasan, hindi naupos ang sumisiklab na puso ng isang Brother—magsilbing liwanag sa taong nasa madilim at hungkag na mundo.
Tulad ng kaniyang paglakad at pagbati sa mga tao sa Pamantasan, dinadala niya ang kaniyang layuning pahalagahan ang bawat makadadaupang-palad sa Facebook. Aniya, “Part of our mission is. . . to reach out to the last, the lost, and the least, by being active in social media.” Sa pagsasakatuparan ng misyong Lasalyano, kaniyang tinulungan ang mga estudyanteng hindi alam ang kanilang patutunguhan dahil sa mga problemang katulad ng kulang na pambayad sa matrikula at kawalan ng pag-asa.
Napagtanto niyang hindi lubusang alam ng lahat ang kaibahan nila mula sa mga pari. Sa gayon, binigyang-pahiwatig ng bawat post ang adbokasiya niyang ipaalam ang tunay na kahulugan ng pagiging Lasalle Brother. Repleksiyon ang kaniyang mga post na hindi angat ang kanilang hanay sa ordinaryong mamamayan.
Sa pagtahak naman ni Br. Richie sa landas ng katanyagan, tangan din niya ang hangaring mapabuti at iangat ang kamalayan ng kapwa Pilipino. Aniya, hindi nakukulong sa pansariling interes ang kaniyang mga inilalathala sa social media, bagkus ginagamit niya rin ito upang maipaabot ang tulong sa nakararami partikular noong pandemya. “I am very active with the community pantries, and social media certainly helped coordinate [with] benefactors and beneficiaries,” pagbabahagi niya. Bitbit ang kaniyang dalisay at wagas na pag-ibig, layon niyang paigtingin ang panawagan sa lahat na gamitin ang kanilang kakayahan at impluwensiya upang itaguyod ang pagmamalasakit.
Santuwaryo sa nagugulumihanang mundo
Bakas sa mahigit 23 taong paninilbihan ni Br. Richie ang kaniyang mabuting hangarin para sa komunidad—bigyan ng tahanan at kasiyahan ang lahat lalo na ang mga napapariwara. Subalit, batid din niya ang katotohanang hindi niya matatamo nang mag-isa ang mga pangarap. Bunsod nito, inaanyayahan niya ang bawat Lasalyanong samahan siyang mangarap at gawing masaya ang Pamantasan. “It will help if [the Lasallian community] make each other feel welcomed, respected, acknowledged,” pagsasaad niya. Sa oras na maging matagumpay, tinitiyak niyang mitsa ito ng payapang realidad na pagmumulan ng kasiyahan, respeto, at kabutihan.
Isa si Br. Richie sa sumasagisag sa kanilang hanay na matapang na hinaharap ang masalimuot na mundo ng social media. Subalit, hindi naging hadlang ang mga negatibong batikos upang pigilan ang pangarap niyang makamtan ang realidad ng isang mundong malayo sa kasamaan. Sa pagsagot ng tawag ng Diyos at paggamit ng kaniyang mga natutuhan, sagisag siya ng kinabukasang puno ng pag-asa.
Hindi lamang siya naging guro, isa rin siyang kuya para sa mga naghahanap ng kalinga. Ipinaramdam niya sa lahat ng nakasalamuha na bahagi sila ng pamayanang Lasalyano; isang pamilyang masasandalan sa mga oras ng kagulumihanan. Matatagpuan sa abitong itim at kuwelyong puti ang mga bisig na laging bukas at handang umagapay sa lahat.