PUMUROL ANG MGA PANA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra sa nagngangalit na University of Santo Tomas Golden Tigresses, 18-25, 23-25, 25-14, 25-16, 12-15, sa kanilang unang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 25.
Pinangunahan ni Season 85 Rookie of the Year at Most Valuable Player (MVP) Angel Canino ang kinapos na kampanya ng Lady Spikers matapos magtala ng 24 na atake, tatlong block, at service ace. Umagapay rin si lefty Baby Jyne Soreño at middle blocker Amie Provido na umukit ng pinagsamang 21 puntos. Samantala, itinanghal na Player of the Game si open spiker Jonna Perdido matapos magsumite ng 24 na puntos mula sa 21 atake at tatlong block.
Kasabay ng nakabibinging hiyawan sa loob ng arena, maingay ang naging simula ng dalawang koponan matapos magpalitan ng mga palo, 6-all. Pumorsyento ang Golden Tigresses sa errors ng Taft mainstays upang makuha ang kalamangan, 14-18. Samantala, sinubukan pang pigilan ni rookie-MVP Canino ang pag-arangkada ng España-based squad sa bisa ng isang backrow attack, 18-23. Gayunpaman, hindi na nagpatinag pa si Perdido at tuluyang sinelyuhan ang naturang set, 18-25.
Nagbigay-apoy sa malamig na laro ng Lady Spikers ang pagpasok nina playmaker Jules Tolentino at opposite hitter Soreño matapos nilang maiangat ang kalamangan ng Taft-based squad, 20-16. Hindi naman hinayaan ng Golden Tigresses na makalayo ang DLSU matapos magrehistro ng 4-0 run upang maitabla ang talaan, 20-all. Kaagad itong sinamantala ni Perdido nang magpakawala ng tatlong magkakasunod na off-the-block kill upang mapasakamay ang ikalawang set, 23-25.
Desperadong manatiling buhay sa laban, kaagad na bumuo ng komportableng kalamangan ang Lady Spikers sa tulong ng isang regalo mula kay middle blocker Thea Gagate, 7-2. Nanatiling dominante ang mga Lasalyano kasabay ng matalinong setter dump ni Tolentino, 16-8. Samakatuwid, naibulsa ng Berde at Puting pangkat ang ikatlong set sa tulong ng matikas na laro ni Provido, 25-14.
Maagang nanalasa ang Taft-based squad sa pagragasa ng ikaapat na set, 5-2. Umarangkada naman si Poyos matapos magpakawala ng nagbabagang atake upang itabla ang sagupaan, 6-all. Samantala, umalab sina Gagate at Soreño sa kalagitnaan ng yugto upang iangat ang kalamangan ng DLSU sa anim na marka, 15-9. Sinubukan pang humabol ng naghihikahos na Golden Tigresses ngunit nakitil ang kanilang pag-asa nang magsumite ng error si Perdido na tuluyang nagpatabla sa serye, 25-16.
Kaagad na rumatsada ang Lady Spikers sa tulong ng down-the-line hit ni open hitter Alleiah Malaluan sa pagbubukas ng huling set, 3-0. Kasabay ng dumadagundong na hiyawan ang back-to-back crosscourt attack mula kay Canino, 7-3. Nanatiling dikit ang bakbakan subalit nagawang samantalahin ni Golden Tigress Margareth Banagua ang butas sa depensa ng mga nakaberde na siyang nakasiguro sa panalo ng mga taga-España, 12-15.
Bunsod ng naturang pagkadapa, bitbit ng Taft mainstays ang 2-1 panalo-talo kartada. Susubukan namang makabawi ng defending champions kontra sa karibal na Ateneo De Manila University Blue Eagles sa darating na Sabado, Marso 2, sa parehong lugar.