PINAAMO ng De La Salle University Green (DLSU) Spikers ang masidhing bangis ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 26-24, 23-25, 25-21, 25-15, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 25.
Pinangunahan ni rookie-setter Jericho Adajar ang Green Spikers matapos magtala ng 24 na excellent set. Tumulong din si Kapitan JM Ronquillo at scoring machine Noel Kampton matapos umikit ng pinagsamang 34 na puntos. Sa kabilang banda, nagpakitang-gilas si Season 85 Rookie of the Year at Most Valuable Player Josh Ybañez matapos makapagtala ng nagbabagang 20 puntos upang itaas ang bandera ng UST.
Mainit na sinimulan ng dalawang koponan ang unang set matapos magpalitan ng naglalagablab na mga palo, 13-all. Umarangkada si DLSU open hitter Vince Maglinao matapos linlangin ang depensa ng España-based squad sa bisa ng isang drop, 16-14. Umalab naman si Golden Spiker Rey De Vega nang magpakawala ng nakagigimbal na atake upang kunin ang kalamangan, 22-24. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Taft-based squad at ginawang bentahe ang apat na magkakasunod na error ng UST upang mapasakamay ang naturang set, 26-24.
Namuhunan ang pangkat mula España sa pinagsama-samang errors ng Green Spikers sa ikalawang set, 2-6. Bahagyang nakaahon ang Berde at Puting koponan sa paglusob ng mga tigre gamit ang crosscourt attack ni opposite hitter Ronquillo, 10-12. Naging mainit pa ang halinhinan ng atake nang magpakawala ng marka si UST open spiker Ybañez, 15-17. Nagawa pang itabla ni Maglinao ang talaan matapos magpasabog ng down-the-line hit, 20-all. Sa kabila nito, hindi inurungan ni Ybañez ang hamon at tuluyang tinuldukan ang yugto, 23-25.
Tangan ang hangaring makabawi sa nakaraang set, maagang nagpasiklab ang Green Spikers sa bisa ng down-the-line hit ni Ronquillo, 6-3. Pinayungan din ni Maglinao ang nagbabagang palo ni Golden Spiker Sherwin Umandal, 15-10. Patuloy ring gumawa ng ingay si Kampton matapos magtala ng magkakasunod na puntos, 19-14. Sinubukan pang humabol ng mga tigre ngunit tuluyan nang nagtapos ang naturang set sa tulong ng pinagtibay na tore nina Billie Anima at Uriel Mendoza, 25-21.
Bumungad ang off-speed attack ni Maglinao upang simulan ang bugso ng ikaapat na set, 2-all. Mula sa agapay ni Adajar, lumusob ng quick attack si middle blocker Nath Del Pilar at matagumpay na naipuslit ang puntos, 9-6. Nagpatuloy ang pagaspas ng koponan nang tumirada ng 3-0 run mula sa pinaigting na pader ng tambalang Maglinao-Del Pilar, 22-14. Bagamat bahagyang naputol ang momentum, muling bumida ng 3-0 run ang Taft mainstays matapos lumagak ng attack error ang Golden Spikers upang tuluyang wakasan ang sagupaan, 25-15.
Bunsod ng panalong ito, napasakamay ng Green Spikers ang 2-1 panalo-talo kartada. Sunod namang makatutunggali ng Taft-based squad ang sandatahan ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa darating na Sabado, Marso 2, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa parehong lugar.