“Tama na! Sobra na! Palitan na!”
IBINIDA sa “EDSA: Through Their Eyes,” isang roundtable discussion na nakatuon sa paggunita ng ika-38 anibersaryo ng People Power Revolution, ang patuloy na pakikibaka ng mga Pilipino para sa hustisya at karapatang pantao, Pebrero 21. Isinagawa ito sa Natividad Fajardo-Rosario Gonzalez Auditorium sa pangunguna ng Committee on National Issues and Concern at University Student Government Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA).
Nakiisa sa naturang programa si dating Senador Leila de Lima bilang pangunahing tagapagsalita. Binuo naman nina Samuel Rosales, founding chair ng League of Filipino Students; Michael Charleston “Xiao” Chua, historyador; Raoul Manuel, kinatawan mula sa Kabataan Partylist; at Judy Taguiwalo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development, ang mga panelista.
Paghahatid ng inspirasyon
Ginunita ni de Lima ang katapangan ng mga Pilipino na nagkapit-bisig upang wakasan ang diktaduryang Marcos sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) noong Pebrero 25, 1986 at maging ang mga nasawi sa kasagsagan ng Batas Militar. Ipinunto rin niyang gampanin ng kasalukuyang henerasyong panatilihing buhay ang mga kuwento ng nakaraan.
Iniugnay ni de Lima ang kahalagahan ng rebolusyon sa pagwawaksi ng mga Pilipino sa tiranya, panlulupig, at katiwalian sa bansa. Salaysay niya, “The future of any nation is shaped by its people. In 1986, we decided ‘never again’. . . And in our victory, we held the story of EDSA sacred. Remembering EDSA is remembering what we are capable of as a united Filipino people.”
Binigyang-atensyon din ni de Lima ang mga bagong banta sa demokrasya at ginamit na ehemplo ang kaniyang mahigit anim na taong pagkakakulong matapos masakdal sa kasong drug trafficking sa New Bilibid Prison noong 2017. Inudyok niya ang kabataang huwag panghinaan ng loob sa harap ng mga pagsubok.
Pinayuhan din ni de Lima ang mga estudyanteng maging maalam ukol sa katotohanan at bumuo ng kanilang sariling opinyon. Hinimok niya ring pagsamahin nila ang panalangin at pagkilos, maging bukas sa iba’t ibang pananaw, at makilahok sa mga progresibong gawain. Wika niya, “Nation-building is a constant [and] dynamic process that requires vigilance. . . Ang diwa ng EDSA ay ang patuloy na pakikipaglaban para sa bayan nating nagmamahal ng kalayaan.”
Paggunita sa madilim na kabanata
Pinangasiwaan ni Sebastian Diaz, chief of staff ng OVPEA, ang talakayan sa roundtable. Una niyang itinaas ang katanungan ukol sa proseso ng pagbabago ng lipunan noong panahon ng Batas Militar. Ipinaliwanag ni Chua na may “wait and see attitude” ang mga Pilipino hinggil sa mga usaping politikal at hindi aniya naiiba rito ang naging inisyal na reaksyon ng mga Pilipino sa deklarasyon ng Batas Militar.
Umabot na lamang sa rebolusyon ang hinaing ng mga Pilipino matapos ang pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na pangunahing kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Giit ni Chua, “EDSA is not four days only [o] ‘yung sinabing peaceful revolution. . . It’s 14 years, and it’s not totally peaceful. It’s bloody. People lost their lives. People sacrificed for us to be free.”
Ibinahagi naman ni Manuel na naglipana sa internet ang mga propaganda mula sa pamilyang Marcos. Isiniwalat din ni Chua na nagtatag na ng mga kilusan ang nasabing panig upang palawakin ang kanilang impluwensiya noong dekada ‘90 pa lamang. Ipinunto niyang hindi ang impormasyon, bagkus ang naratibong maaaring mabuo mula sa interpretasyon nito ang kaniyang nakikitang suliranin ng lipunan.
Pagtimbang sa nakamit na demokrasya
Binuksan naman ni Diaz ang diskurso ukol sa mga naiwang pinsala ng Batas Militar. Isinaad ni Taguiwalo na hindi matatawaran ang sakripisyo ng pamilyang Aquino noong panahong ito, ngunit hindi naging sapat ang mga hakbang ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino upang muling maibangon ang Pilipinas.
Nagpahayag ng kabiguan si Taguiwalo para sa mga inisyatiba ni C. Aquino hinggil sa mga usaping maiuugnay sa foreign relations. Matatandaang sinuportahan ng kaniyang administrasyon ang pagtatayo ng Estados Unidos ng mga permanenteng base militar sa bansa sa kabila ng pagiging instrumento nito sa pagpapahaba ng rehimeng Marcos Sr.
Pinuna rin ni Chua ang kawalan ng pananagutan ng mga nagkasala noong Batas Militar at itinuro itong dahilan ng patuloy na pagtanggi sa mga krimen ni Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyan. Sambit ni Rosales, “We were not able to kill the beast, so to say. . . Ang problema, tinamaan siya [on] some body parts, pero ‘yung ibang more important vital organs ng beast, natira pa.”
Sa kabilang banda, pinuri naman ni Chua ang pagsulong ni C. Aquino sa katarungan at mga karapatang pantao sa 1987 Saligang Batas na nagtatag sa Komisyon ng Karapatang Pantao ng Pilipinas. Naglalaman din ito ng mga probisyon kontra sa kontraktwalisasyon at para sa repormang agraryo.
Binigyang-linaw ni Manuel na nasa pagpapatupad ng mga nabanggit na probisyon ang problema ng sistema at hindi sa mismong Saligang Batas. Dagdag pa niya, tinutugunan sa konstitusyon ang ilan sa pinakamalalalim na isyu sa bansa, kagaya ng pagbabawal ng mga political dynasty.
Samantala, tahasang tinutulan ni Vice President for External Affairs Macie Tarnate ang anomang banta ng muling pagbabalik ng Batas Militar. Tumindig naman si Zak Armogenia, deputy chief para sa socio-civic engagement ng OVPEA, para sa pagtataguyod ng kanilang opisina sa demokrasya at karapatang pantao.